4 pang siyudad target ng PBA
- Published on November 20, 2021
- by @peoplesbalita
Puntirya ng pba na dalhin ang liga sa iba’t ibang siyudad sa loob ng National Capital Region (NCR) gayundin sa ilang kalapit na probinsiya.
Sa Pasig City ang magsisilbing venue ng opening games ng PBA Season 46 Governors’ Cup ngunit plano ng PBA management na dayuhin ang apat pang cities.
Kinakausap na ng PBA ang local government units (LGU) ng Pasay City, Quezon City, San Juan City at Antipolo City para pagdausan ng mga PBA games.
Nasa mas maluwag na quarantine alert na ang NCR at mga kalapit na probinsiya kaya’t magandang pagkakataon ito para muling makabisita ang liga sa iba pang lugar.
Sinabi ni PBA commissioner Willie Marcial na target ng liga na dalhin ang liga sa iba’t ibang lugar upang mabigyan ng pagkakataon na makapanood ang mga basketball fans sa oras na pahintulutan na ang live audience.
Nakaabang pa ang PBA sa approval ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung papayagan na ang live audience sa mga venues lalo pa’t nakababa na sa Alert Level 2 ang NCR.
“We are hopeful for that,” ani Marcial.
Ilan sa mga posibleng pagdausan ng mga PBA games ang Smart Araneta Coliseum sa Quezon City, Mall of Asia Arena sa Pasay City, The Arena sa San Juan City at ang Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Bilang panimula, aarangkada ang Governors’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City matapos aprubahan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang pagdaraos ng mga laro doon.
Sa oras na makumpleto na ang lahat ng imports, inaasahang ihahayag na ng PBA ang magiging official opening date ng Governors’ Cup.
Nauna nang itinakda ng PBA na sa Nobyembre 28 ang plano nitong pagbubukas ng kumperensiya.
Samantala, Ynares din ang magiging venue ng kauna-unahang PBA 3×3 tournament na tatakbo mula Nobyembre 20 hanggang 21.