4 katao, kalaboso sa ‘bato’, ilegal gambling sa Valenzuela
- Published on September 20, 2025
- by @peoplesbalita
BAGSAK sa selda ang apat na kelot nang maaktuhan ng pulisya na naglalaro umano ng illegal na sugal at makuhanan pa ng droga ang dalawa sa kanila sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Ugong Police Sub-Station 8 mula sa isang concerned citizen na may nagaganap umanong illegal gambling sa Sia Compound, Lamesa St., Brgy., Ugong.
Agad namang ipinag-utos ni SS8 Commander P/Capt. Joan Dorado sa kanyang mga tauhan na respondehan ang naturang ulat at pagdating sa lugar ay naaktuhan ang dalawang lalaki na abala umano sa paglalaro ng sugal na ‘Dice’ dakong alas-4:20 ng Miyerkules ng hapon.
Nasamsam ng mga pulis sa mga suspek na sina alyas “Brian” at alyas “Bongyaw” ang bet money, isang pirasong Dice at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha kay ‘Brian’.
Nauna rito, nadakma naman ng mga tauhan ng Marulas Police Sub-Station 3 sina alyas “Gino” at alyas “Joel” nang mahuli sa akto na nagsusugal ng ‘cara y cruz sa La Huerta St., Brgy. Marulas bandang alas-6:35 ng gabi.
Nakumpiska sa kanila ang bet money, tatlong peso coins ‘pangara’ at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas Gino.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin pa nina ‘Brian’ at ‘Gino sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)