30-minutong ‘heat stroke break’ ipapatupad ng MMDA
- Published on March 31, 2023
- by @peoplesbalita
MAGPAPATUPAD ng ‘heat stroke break’ na tatagal ng 30-minuto ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa kanilang mga tauhan sa kalsada upang makapagpalamig at makaiwas sa posibleng heat stroke.
Pinirmahan ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes ang isang memorandum circular upang muling ipatupad ang heat stroke break para protektahan ang kanilang mga tauhan partikular ang mga nagtatrabaho sa ‘field’ laban sa mga sakit na idudulot ng matinding init ngayong summer.
Nakasaad sa memorandum na uumpisahan ang heat stroke break sa Abril 1 at tatagal hanggang Mayo 31 kung kailan inaasahan na mas titindi pa ang init sa bansa lalo na sa Metro Manila.
“This move is part of the agency’s efforts to prevent heat-related illness among our outdoor workers who brave the searing heat every day to fulfill their duties and responsibilities. Their safety is of paramount importance,” ayon kay Artes.
Sa ilalim ng polisiya, maaaring umalis ng kanilang posts ang mga traffic enforcers at street sweepers ng 30 minuto para sumilong at uminom ng tubig para lumamig ang kanilang katawan bago muling sumabak sa trabaho sa gitna ng init.
Tiniyak naman ng opisyal na palagi pa ring may tauhan nila na magbabantay sa mga kalsada dahil sa magiging ‘rotational’ ang implementasyon nito.