3 wanted sa multiple counts of rape sa Malabon, nalambat ng NPD sa Bulacan
- Published on July 19, 2025
- by @peoplesbalita
NAGWAKAS na ang maligayang araw ng tatlong manyakis na lalaki na pawang wanted sa multiple counts of rape sa Malabon City matapos matunton ng tumutugis na mga pulis sa kanilang pinagtataguan sa magkahiwalay na lugar sa Bulacan
Ayon kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguang lugar sa Bulacan ng mga akusadong sina alyas “Welia”, 63, at alyas “Chen-Chen”, 37, kapwa residente ng Brgy., Santulan, Malabon City.
Aniya, kapwa nakatala bilang mga Most Wanted Person sa Malabon police ang dalawang puganti kaya inatasan niya ang District Special Operations Unit (DSOU) para tugusin ang ito.
Kaagad namang nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng NPD-DSOU sa Regional Intelligence Unit National Capital Region (RIU NCR) bago ikinasa ang joint operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga akusado dakong alas-2:20 ng madaling araw sa kanilang lungga sa Masagana Village, Pulong Yantok, Angat, Bulacan.
Hindi naman umano pumalag ang mga akusado nang isilbi sa kanila ng mga operatiba ng DSOU ang warrant of arrest na inisyu ng Malabon City Family Court Branch 4, noong September 2, 2022 para sa tatlong bilang na kasong Rape by Sexual Assault laban kay ‘Welia’ at apat na bilang ng Statutory Rape laban kay ‘Chen-Chen’.
May inirekomenda namang piyansa ang hukuman na nagkakahalaga ng P200K bawat isa sa tatlong rape by sexual assault habang walang inirekomendang piyansa para sa statutory rape.
Nauna rito, natimbog din ng mga operatiba ng DSOU at Northern District Intelligence Team – Regional Intelligence Unit (NDIT-RIU) sa joint operation sa San Jose Del Monte-Norzagaray Road, Norzagaray, Bulacan dakong alas-4:30 ng hapon ang No. 8 Top Most Wanted Person ng Malabon police na si alyas “Nono”, 36.
Si ‘Nono’ ay binitbit ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Family Court, RTC Branch 5, Malabon City, para sa kasong Statutory Rape under Section 266-A of the Revised Penal Code in relation to RA 7610 na walang inirekonendang piyansa.
Pinuri naman ni Gen. Protacio ang pagsisikap ng operating units para sa kanilang mabilis at decisive action. “This arrest demonstrates our commitment to bringing justice to victims and holding criminals accountable, no matter how long it takes or where they try to hide,” aniya. (Richard Mesa)