3 tulak arestado sa P.7 milyon halaga ng shabu
- Published on March 12, 2020
- by @peoplesbalita
TIMBOG ang tatlong umano’y notoryus drug pushers matapos makuhanan ng nasa P.7 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Malabon City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao ang mga naarestong suspek na si Paul John Mendoza, 23, Ian Vher Oquendo, 28, kapwa ng Block 9 Pamasawata, Caloocan city at Neil Ryan Atienza, 40 ng 264 M. Sioson St. Brgy. Dampalit, Malabon.
Ayon kay Col. Tamayao, matapos ang higit isang linggong surveillance operation sa mga suspek, agad ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/ Capt. Johnny Baltan ang buy-bust operation sa Tanigue at Dalagang Bukid Streets, Brgy. Longos na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlo matapos bintahan ni Mendoza ng isang sachet ng shabu ang isang police poseur-buyer kapalit ng P1,000 marked money.
Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang tatlong medium size plastic sachets at dalawang maliit na plastic sachets na naglalaman lahat ng hinihinalang shabu na tinata-yang nasa 103.00 gramo at may corresponding standard drug price na P700,400.00 ang halaga, habang ang buy-bust money ay nakuha kay Mendoza.
Kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga naarestong suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)