3 suspek sa pagpatay sa lady cop at 8-anyos na anak, timbog
- Published on February 2, 2026
- by @peoplesbalita
TATLONG suspek ang inaresto ng mga awtoridad sa pagpatay sa policewoman at walong taong gulang na anak kabilang ang inaanak sa kasal sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City, batay sa ulat nitong Sabado ng umaga.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, dinakip sina Gil Valdemoro Dy Jr., 41, rider; Pia Katrina Panganiban, 29; at Christian Suarez Panganiban, dismissed na miyembro ng Philippine National Police na mga suspek sa pagkamatay ni Police Staff Master Sergeant Diane Marie Gabres Mollenido at anak na si John Ysmael.
Alas-8:00 ng gabi ng Biyernes nang maaresto ang mga suspek sa Galacia St. Villa San Agustin, Barangay San Agustin, Novaliches, QC at sa Phase 5 Pascualer Ville, San Bartolome, QC.
Lumabas sa imbestigasyon na huling nagtungo ang mag-ina sa bahay ng inaanak noong Enero 16 at bago idineklarang “missing persons” noong Enero 19 matapos i-report ni P/Master Sgt. John Mollenido na hindi na makita mula nang magpaalam na ibebenta ang Toyota Innova sa Novaliches sa isang Romeo Carolino sa halagang P450,000.00, kung saan si Pia ang middleman sa bentahan.
Isinailalim sa field laboratory examination ng PNP forensic sa Angeles Pampanga ang Toyota Fortuner na ginamit sa pagtatapon ng mga bangkay.
Samantala, natagpuan na ng mga awtoridad ang sports utility vehicle (SUV) sa Brgy. Margot, Angeles City, Pampanga nitong Biyernes ng gabi na ginamit sa pagtatapon ng bangkay ni Mollenido at sa anak nito.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 3, ang metallic na kulay abong Toyota Fortuner na may temporary plate number P1B676 ay nadiskubre sa kahabaan ng Zakura Street sa Deca Clark Homes ng lungsod .
Bandang alas-8:20 ng gabi nang makatanggap ng tawag sa telepono ang mga operatiba ng Angeles City Police Station 5 mula sa Quezon City Police District na hinihiling na iberipka ang nasabing inabandonang behikulo sa lugar.
(Gene Adsuara)