3 NAIA employees sibak sa ‘tanim-bala’
- Published on March 12, 2025
- by Peoples Balita
SINIBAK na sa trabaho ng Department of Transportation (DOTr) ang tatlong empleyado ng Office of Transportation Security (OTS) na sangkot sa insidente ng umano’y ‘tanim-bala’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa mag-iinang patungo ng Vietnam.
Mismong si DOTr Secretary Vince Dizon ang nag-utos ng terminasyon ng tatlong empleyado gayundin ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila. Hindi na rin nito ng ibinunyag ang mga pangalan ng tatlong empleyado.
“Appropriate investigations will be conducted and the proper administrative charges will be filed after the investigation has been conducted. But now we are terminating them already today. I’ve already instructed General [OTS administrator Arthur Velasco] Bisnar to issue that order today,” ayon kay Dizon.
Binigyan-diin din ni Dizon na hindi nila maaaring palampasin ang pang-aabusong tulad nito.
“We will not stand for any abuse. Any abuse will be dealt with the same result and the same swift action from us, as mandated and as ordered to us by the President himself. We will not allow this to happen,” dagdag pa ng DOTr chief.
Kaagad din namang inatasan ni Dizon ang mga opisyal ng OTS na rebyuhin ang procedures ng screening at security protocols sa airport. Maglalagay na rin umano ang DOTr ng hotline kung saan maaaring i-report ng mga pasahero ang kanilang karanasan sa NAIA.
Nauna rito, inakusahan umano ng mga empleyado ang isang 69-taong gulang na babae, na bibiyahe patungong Vietnam, kasama ang kanyang pamilya, na may dalang anting-anting, sanhi upang muntik na silang maiwanan ng kanilang flight noong Marso 6.
Ayon sa security personnel ng NAIA, mayroon silang X-ray image ng anting-anting sa luggage ng pasahero ngunit hindi naman ito nakita sa isinagawang physical inspection. (Daris Jose)