• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

3 most wanted persons, tiklo sa Valenzuela

BAGSAK sa kulungan ang tatlong most wanted persons nang malambat ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.
Ikinasa ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang manhunt operation laban sa tatlong indibidwal na pawang residente ng Brgy., Canumay West at nakatala bilang mga Most Wanted Person sa Valenzuela CPS.

Dakong ala-1:10 ng hapon nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pangunguna ni P/Lt. Felix Viernes sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Robin Santos, katuwang ang mga tauhan ng Police Sub-Station 1 ang mga akusado sa kanilang lugar.

Hindi na nakapalag ang mga akusado nang bitbitin ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Metropolitan Trial Court, Branch 81, Valenzuela City, noong February 26, 2026, para sa kasong Robbery in an Uninhabited Place or in a Private Building under Article 302 of the Revised Penal Code na may inirekomendang piyansa na P36,000.00.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang Valenzuela Police sa kanilang pinaigting na kampanya para tugisin ang mga wanted na indibidwal. (Richard Mesa)