3 drug suspects, laglag sa higit P.4M shabu sa Caloocan
- Published on February 5, 2025
- by Peoples Balita
KALABOSO ang tatlong drug suspects matapos makuhanan ng mahigit P.4 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals, nagpapatrolya ang mga tauhan ng Cadena De Amor Police Sub-Station 11 sa Robes1, Brgy., 175, Camarin nang matiyempuhan nila ang dalawang lalaki na nag-aabutan umano ng droga dakong alas-11:20 ng gabi.
Subalit, nang mapansin ng mga suspek ang kanilang presensya, kumaripas ng takbo ang isa sa kanila at nakatakas habang nagawang madakma ng mga pulis si alyas “Dem”, 27, at nakuha sa kanya ang isang medium pastic sachet na naglalaman ng nasa 50 grams hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000.
Nauna rito, alas-3:10 ng madaling araw nang masita naman ng mga tauhan ni Col. Canals ang dalawang lalaking pasaway city ordinance dahil walang damit habang gumagala.
Nang lapitan ng mga tauhan ng Police Sub-Stion 3 para isyuhan ng Ordinance Violation Reciept (OVR), pumalag umano ang mga suspek saka tumakbo subalit, makalipas ang maikling habulan ay nakorner at naaresto sila ng mga pulis.
Nakumpiska sa mga suspek na edad 43 at 37-anyos ang dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 13 grams ng umano’y shabu na may street value na P88,400.00.
Pinuri naman ni NPD Acting District Director P/Col. Josefino Ligan si Col. Canals at kanyang mga tauhan sa kanilang pagbabantay sa kaligtasan ng komunidad. (Richard Mesa)