3 drug suspects huli sa baril at shabu
- Published on November 20, 2020
- by @peoplesbalita
Tatlong hinihinalang drug personalities, kabilang ang dalawang ginang ang arestado matapos makuhanan ng baril at halos sa P.2 milyon halaga ng shabu sa loob ng isang sasakyan sa Malabon City, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Angela Rejano ang mga naarestong suspek na si Edwin Ramos, 37, driver ng San Nicolas 1st Lubas, Pampanga, Mary Jane Susi, 44, fish dealer ng Kataning Hermosa, Bataan at Karen Araniego, 40 Mangan-Baka, Subic, Zambales.
Sa imbestigasyon ni PMSg Randy Billedo, habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Malabon Police SS-4 sa pangunguna ni PSSg Raymond Siatrez sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Rommel Adrias sa pamumuno ni Col. Rejano dakong 8:50 ng umaga nang makatanggap sila ng text message mula sa TOC hinggil sa umano’y nagaganap na ilegal drug activity sa loob ng isang nakaparadang sasakyan sa harap ng Multi-Purpose Hall sa Sanciangco St., Brgy. Catmon.
Kaagad rumesponde sa naturang lugar ang mga pulis at nang lapitan nila ang naturang sasakyan ay nakita nila si Ramos na may nakasukbit na baril sa kanyang bewang kaya’t agad nila itong inaresto, kasama ang dalawang babae.
Nakumpiska ng mga pulis sa mga suspek ang umaabot sa 22.45 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P152,660.00 ang halaga, ilang drug paraphernalias, P100,000.00 cash, digital weighing scale, 3 cellphones, isang cal. 9mm pistol na may isang magazine na kargado 11 bala at isang Toyota Wigo na may plakang (CDI 5383).
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Law on Firearm and Ammunition. (Richard Mesa)