• February 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

3 DEKADANG NAGSASAMA, IKINASAL SA MANILA CITY HALL

MATAPOS ang mahigit tatlong dekadang pagsasama, tuluyang nag-isang dibdib ang Isang 79-anyos na groom at ang kanyang 67-anyos na bride sa isang civil wedding ceremony na ginanap sa Manila City Hall noong Miyerkules ng umaga, Pebrero 4.
Ang kasal nina Manuel Bulong Delos Santos at Mae Jean Dolar Baladiang sa Bulwagang Villegas ay nagsilbing makabagbag-damdaming pagbubukas ng buwan ng mga puso, patunay na ang tamang panahon ng pag-ibig at debosyon ay hindi nasusukat sa edad—hindi man maaga, hindi rin huli.

Sa harap ng mga kawani ng Manila City Hall, pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang seremonya na nagdiwang sa pagsasamang hinubog ng mahabang kasaysayan at pagsubok.

Tatlumpu’t dalawang (32) taon nang nagsasama ang mag-asawa at matagal nang humaharap sa mga hamon ng buhay, kabilang ang pag-aaruga sa anim (6) na apo sa kanilang tahanan, bago pa man nila napagpasyahang gawing pormal ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng kasal.

Ayon kay Mayor Domagoso, isang “heartwarming situation” ang nasaksihan ng mga kawani ng City Hall. Ipinagkaloob aniya ang seremonya bilang pagkilala sa tiyaga ng mag-asawa na igalang at kilalanin ang kanilang relasyon matapos ang mahabang paglalakbay.

Ibinahagi naman ni Baladiang na bagama’t tatlong dekada na silang nagsasama, kinailangan pa rin ng mahabang pasensya upang makarating sa araw na ito.

Inilarawan ng bride ang seremonya bilang katuparan ng isang buhay na ginugol kasama ang kaparehang tunay na nagmamahal at nagmamalasakit.

“For 32 years na nagsasama kami, ngayon lang kasi naging maayos ang mga documents namin. Sa 32 years na pagsasama namin, dito ko napatunayan at nahanap ’yung tunay kong pag-ibig—’yung tunay na hinihintay ko, ’yung totoong nagmahal sa akin. Kaya ito na po ’yung katuparan ko at salamat po,” ani Baladiang.

Sa kabila ng mga pagsubok sa pananalapi—kabilang ang pagpapalaki sa anim na apo at ang pagsasangla kamakailan ng kanilang telebisyon upang maipantustos sa enrollment sa paaralan—nanatiling matatag ang mag-asawa sa kanilang hangaring makarating sa altar.

Binigyang-diin ni Mayor Domagoso na nagsisilbing aral ang kanilang kuwento sa publiko hinggil sa tibay ng pangako at kahalagahan ng kasal.

Ipinahayag din ng alkalde ang kanyang pag-asang pagpalain ang mag-asawa ng mabuting kalusugan at mahabang pagsasama ngayong natupad na ang kanilang pangarap.

“I hope kapulutan ng aral ang pagsasama ninyo na kahit na sa ganitong edad ay kinikilala n’yo pa rin ang kahalagahan ng kasal. Bilang institusyon, bilang indibidwal, bilang Ama ng Maynila, walang huli sa pag-ibig at asawa hanggang dulo,” pahayag ni Domagoso.

Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Baladiang sa alkalde at sa mga kawani ng City Hall sa tulong at kabutihang-loob na kanilang ipinagkaloob.

Ibinahagi rin ng bride na higit pa sa kanyang mga ipinagdasal ang mga biyayang kanyang natanggap.

“Ang daya-daya po ni Lord. ’Yung hinihiling ko po sa Kanya, konti lang; ang binigay Niya po sa akin, sobra-sobra,” ani Baladiang. (Gene Adsuara)