29 Patay sa leptospirosis sa Maynila
- Published on August 26, 2025
- by @peoplesbalita

Sa report ng Manila Health Department ang nasabing kaso ng leptospirosis at dengue ay nairekord mula Hulyo 1, hanggang Agosto 22, 2025. Pinaalalahanan naman ng mga health expert ang publiko na mag-ingat sa panahon ng tag-ulan.
Ang pagtaas ng bilang ng mga nagkasakit ng leptospirosis at dengue ay sa gitna na rin ng matitinding mga pag-ulan sa lungsod ng Maynila lalo na sa nakalipas na tatlong makakasunod na bagyo at habagat. Ayon sa opisyal na data, 29 sa mga nasawi ay dulot ng leptospirosis habang dalawa naman ay sa impeksiyon sa dengue.
Nabatid na ang Ospital ng Maynila Medical Center ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng kaso ng leptospirosis na nasa 114 kung saan 14 ang namatay at apat pa ang naka-confine.
Sinundan ito ng Sta. Ana Hospital na nasa 49 kaso, 10 ang nasawi habang anim pang mga pasyente ang patuloy na ginagamot. Ang Ospital ng Tondo ay may 38 kumpirmadong kaso, lima ang nasawi at isa pang pasyente ang patuloy na nagpapagaling .
Ang iba pang tinamaan ng naturang mga karamdaman ay naitala naman mula sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center; Ospital ng Sampaloc at iba pa.
Samantala nasa 247 kaso naman ng dengue ang naitala sa parehong period kung saan pinakamataas ang na kasong naitala sa Ospital ng Maynila na nasa 98 kataong nagkasakit na sinundan ng iba pang mga pagamutan sa lungsod.