• April 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

26 katao patay sa hagupit ng bagyo… ‘Tino,’ lalong lumakas; papalapit na bagyo, maaaring maging supertyphoon

PATULOY ang paglakas ng bagyong Tino habang ito’y kumikilos sa direksyong kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 30 km/h sa ibabaw ng West Philippine Sea, silangan-hilagang silangan ng Kalayaan Islands.

Ang mata ng bagyo ay tinatayang nasa layong 330 km silangan-hilagang silangan ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan.

Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 140 km/h malapit sa gitna, at bugso ng hangin na hanggang 170 km/h.

Signal No. 2: Kalayaan Islands

Signal No. 1: Occidental Mindoro kabilang ang Lubang Islands, at ang natitirang bahagi ng Palawan kabilang ang Calamian at Cuyo Islands

Samantala, isang tropical depression ang namataan sa labas ng Philippine area of Responsibility (PAR).

Huli itong namataan sa layong 1,870 km silangan ng hilagang-silangan ng Mindanao.

May lakas ito ng hangin na 55 km/h malapit sa gitna.

Ang pagbugso naman ay hanggang 70 km/h.

Pero wala itong gaanong pag-usad sa nakalipas na mga oras.

Gayunman, inaasahang aabot ito sa supertyphoon category sa mga darating na araw.

Samantala, nasa 26 katao ang nasawi sa pananalasa ng malakas na bagyong Tino na nagdulot ng matinding mga pagbaha sa Visayas Region, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Martes ng gabi.

Sa update, sinabi ni OCD Spokesman Junie Castillo na kabilang sa nakuha nilang report, 22 sa mga nasawi ay mula sa Central Visayas o Cebu, dalawa sa Negros Island Region (NIR), isa sa Region 6 o Western Visayas at isa sa Region 8.

Karamihan sa mga nasawi, ayon sa opisyal ay sanhi ng pagkalunod mula sa Central Visayas habang sa Eas­tern Visayas o Region 8 ay isang nabagsakan ng nabuwal na puno ng niyog.

“Yung mga namatay sa Cebu mostly drowning, merong nabagsakan ng bato, may natabunan ng lupa, may naanod sa baha but all of these are being verified and validated,” saad ni Castillo.

Samantala, ilang lugar rin sa Cebu City ang dumanas ng lagpas taong baha kung saan may mga na-trap sa bubungan ng kanilang mga tahanan partikular na sa Brgy. Bacayan ng lungsod at maging sa ilang bayan din sa Cebu ay rumagasa rin ang mataas na tubig baha.

Inanod din ng tubig baha ang ilang sasakyan sa Brgy. Bacayan habang nasa 50 katao naman ang tinangay din ng flashflood sa lugar, ayon naman kay Cebu City Mayor Nestor Archval.

Napaulat din ang lagpas taong baha sa ilan pang lugar sa Cebu kung saan ang inaasahan ng mga tao ay malakas na hangin pero ang bumu­laga sa kanila ay grabeng flashfloods.

Nasa 387,000 katao na ang isinailalim sa preemptive evacuaton sa mga lugar na tinamaan ng bagyo, ayon pa kay Castillo.

(Daris Jose)