• February 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 25th, 2026

Mayweather 2 kasado na

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKAKASA na ang muling paghaharap ni Filipino boxing champion Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather Jr.
Gaganapin ito sa Sphere sa Las Vegassa Setyembre 19.
Ito ang muling paghaharap ng dalawa matapos ang unang sagupaan nila noong 2015.
Magugunitang inanunsiyo ng 48-anyos na si Mayweather ang muling paglaban niya.

Sinabi ni Pacquiao na nananatiling isang pinakamalaking laban sa kasaysayan ang paghaharap nila kaya marami ang nag-abang ng muling labanan nila.

Tinaguriang pinakamalaking kita ang laban ng dalawa noon na mayroong $600 milyon na revenue.

Taong 2017 ng inanunsiyo ni Mayweather ang kaniyang pagreretiro matapos ang makuha ang malinis na 50 panalo at wala pang talo.

Subalit mula noon ay lumaban pa ito sa ilang exhibition fight.

Habang si Pacquiao ay muling lumaban noong nakaraang taon laban kay Mario Barrios sa Las Vegas.

Oranza bumandera sa Criterium ng PhilCycling Road Nationals

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BINANDERAHAN nina national athletes Ronald Oranza at Jude Gabriel Francisco at Filipino-American Mary Joyce Monton ang Criterium races sa pagpadyak ng PhilCycling National Championships for Road 2026 noong Lunes sa Tagaytay City.

Nagdomina si Oranza sa Men Elite category, habang nanguna si Francisco sa Men Under-23 at wagi si Monton, mula sa Los Angeles, sa Women Elite ng torneong inorganisa ng PhilCycling sa pamumuno ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino.
Kinumpleto nina Edson Corbadora at Ronnilan Quita ang Men’s Elite podium sa event na itinakbo sa 2.2-km circuit na nagsimula at nagtapos sa Praying Hands Monument sa Tagaytay City.
Tumapos sina Marvin Mandac at Mark Alex Baruelo sa 1-2 sa Under-23 race.

Tinalo naman ni Monton sina national team mainstays Maritoni Krog at Phoebe Salazar sa event na inihandog ng Standard Insurance, MVP Sports Foundation at Philippine Sports Commission at suportado ni Tagaytay City Mayor Brent Tolentino at ng Tagaytay CT Velodrome.

Samantala, nanguna sina Rayven Joy Valdez, Althea Campana at Angeline Elvira sa Women’s Under-23 ng karerang itinaguyod ng Excellent Noodles at 7-Eleven Philippines.

Panalo sa Junior races sina CJ Cabreros, Kylle Flores at Piolo Calimlim para kumpletuhin ang Men’s podium, habang sina Maria Louisse Criselle Alejado, Althea Nicole Coronado at Eloiza Pajarito ang wagi sa Women’s contest.

Ang iba pang nanalo sa Youth categories ay sina Mark Terrence Orcino, Ren Axcel Pecson at Johnzoe Canasa (Men 12-13); Allaeza Mae Gulmatico, Alessandra Nicole Paras at Princess Jaydee Pancho (Women 14-15); at Jannshen Sta. Juana, Jyohan Toledo at Louie Jerome Murillo (Men 14-15).
Nakatakdang pakawalan kahapon ang Individual Time Trial at Individual Road Race events at magtatapos sa Biyernes.

Tulak na bebot, timbog sa drug bust sa Valenzuela

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang 39-anyos na bebot na sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Lunes ng gabi.

Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Lt. Sherwin Dascil na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “Maan”, ng Pinalagad, Brgy. Malinta.

Nang magawang makipagtransaksyon kay alyas Maan ng isa sa mga operatiba ng SDEU, kaagad bumuo ng team si Lt. Dascil bago ikinasa ang operation laban sa suspek, sa koordinasyon sa PDEA.

Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, kaagad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto inaresto ang suspek dakong alas-7:20 ng gabi sa Manggahan St., Brgy. Karuhatan.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 3 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20,400, buy bust money na isang tunay na P500, Kasama ang dalawang P500 boodle money at P200 cash.

Ayon kay SDEU investigator PSSg Cris Paul Collo, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutors Office.

Nagpaabot naman ng papuri si Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz sa SDEU team sa kanilang matagumpay na drug operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na sangkot sa illegal drug trade. (Richard Mesa)

LTO Parañaque magandang ehemplo sa paglilingkod

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULA nang pinamunuan ni G. Florante S.Martin ang Land Transportation Office ( LTO) sa Parañaque ay malaki ang ipinagbago nito at isa na rito ay ang Zero-Fixer sa nabanggit na tanggapan gayundin maayos na pamamalakad at sa Registration ng mga iba’t ibang uri ng sasakyan. Bukod dito, ang LTO Parañaque ay nakikiisa sa mga programa ng lokal na pamahalaan lalo na sa usapin ng mandatory drug testing sa mga Transport Organisasyon sa iba’t ibang lugar kasama na rito ang mga ibang pamunuan ng TODA o Tricycle Operators and Drivers Association. Nagkaroon din ng seminars si G. Martin sa mga drivers at sa mga gustong kumuha ng bagong lisensiya sa pagmamaneho upang maiwasan ang anumang disgrasya sa lansangan at trapik sa kalsada. Ang iyan ay ilan lamang sa programa ng LTO Parañaque na hanggang ngayon ay patuloy na pinagsisikapan upang higit na matugunan ang mga serbisyong makabubuti sa mga mamamayan at sa tanggapan ng LTO Parañaque sa pamumuno ni Ginoong Florante S.Martin hepe ng nasabing ahensiya. (Sonny Asignacion)

Erice, nanawagan ng pansamantalang pagsasara ng Rodriguez Dumpsite

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN si Senior Deputy Minority Leader at Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice na magkaroon ng imbestigasyon sa kongreso at pansamantalang suspindihin ang operasyon ng Rodriguez dumpsite, kasunod ng malawakang landslide na iniulat na naglibing umano sa dose-dosenang indibidwal.
Sa kanyang privilege speech sa House of Representatives of the Philippines, binanggiy ni Erice ang mga seryosong alalahanin sa kapaligiran, pinansyal, at kaligtasan ng publiko na nakapalibot sa matagal nang gumaganang dumpsite sa Rodriguez dumpsite. Aniya, noong 2026 General Appropriations Act deliberations, kinuwestiyon niya ang mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) tungkol sa epekto sa kapaligiran ng pasilidad at pangmatagalang sustainability.
Ayon kay Erice, ang mga natural na daluyan ng tubig malapit sa dumpsite ay binago umano at ang polusyon mula sa lugar ay naapektuhan umano ang Laguna de Bay. Napansin din niya ang site’s proximity sa Balara Water Reservoir, na nagpapataas ng mga alalahanin tungkol sa mga potensyal na panganib sa supply ng tubig ng Metro Manila. Kinuwestiyon niya kung bakit nabigo ang mga awtoridad sa loob ng ilang dekada na magtatag ng mga modernong sanitary landfill at waste-to-energy facility, na sinasabi na ang bansa ay nahuhuli sa kahit na hindi gaanong maunlad na mga lungsod sa buong mundo sa pagpapatibay ng mga sustainable waste management system.
Binanggit din ng mambabatas ang mga ulat na humigit-kumulang 50 indibidwal ang nalibing sa nasabing pagguho ng lupa, at ang ilan ay hindi pa rin nakikilala. Nagbigay din siya ng mga alegasyon na ang mga residente at mga namumulot ng basura ay pinanghihinaan o tinatakot na magsalita sa publiko tungkol sa insidente sa takot na ang pagsasara ng dumpsite ay mag-aalis sa kanila ng kanilang kabuhayan.
Iginiit pa ni Erice ang posibleng conflict of interest na kinasasangkutan ng mga contractor na nagpapatakbo ng dumpsite at mga serbisyo sa paghakot ng basura sa buong Metro Manila. Sinabi niya na bilyun-bilyong piso ang binabayaran taun-taon ng mga local government units at ng MMDA sa pamamagitan ng “clean-all” na mga kontrata, kung saan ang mga contractor ay binabayaran batay sa estimated daily waste volumes. Ang Metro Manila ay nakalilikha ng humigit-kumulang 10,000 tonelada ng basura araw-araw.
Ayon kay Erice, may mga indikasyon na ang pagsingil ay maaaring may palaman ng 20 hanggang 30 porsiyento, kung saan ang ilang hindi nakolektang basura ay napupunta umano sa mga sapa, daluyan ng tubig, at kalaunan ay sa Manila Bay at Laguna de Bay. Kung mapatunayang totoo, aniya, ang gayong mga pagkakaiba ay kumakatawan sa isang napakalaking maling paggamit ng pampublikong pondo.
Hinimok ng kongresista ang mga kaukulang komite ng Kamara na agad magsagawa ng pagtatanong bilang tulong sa batas. Nanawagan din siya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) na magbigay ng emergency assistance at pansamantalang trabaho sa mga apektadong pamilya.
Bukod dito, umapela si Erice sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga alegasyon ng pananakot sa mga residenteng maaaring nawalan ng kaanak sa insidente.

“We cannot allow those who were buried in this tragedy to also be buried in silence,” Sabi ni Erice. “Accountability must prevail, and the system that allowed this to happen must be reformed.” (Richard Mesa)

House Committee on Justice, tatalakayin ang apat na impeachment complaint kay VP Sara Duterte

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKATAKDANG talakayin ng House Committee on Justice ang apat na impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa Lunes, March 2.
Ito ang naging pahayag ni
Batangas Rep. Gerville Luistro nitong Martes, matapos na pormal na i-refer ang mga beripekadong reklamo nitong Lunes sa Committee on Justice para maisama sa Order of Business ng Kamara.
“We are considering to start the deliberation of the Justice Committee on March 2, March 3, and March 4. That is Monday, Tuesday, and Wednesday, at least for the purpose of determining sufficiency in form and substance,” sinabi ni Luistro sa panayam ng mga reporters.
“Of course, we cannot start this week as much as we wanted to take action right away because the Justice Committee needs to reproduce the [copy of the complaints and provide copies to all the members of the Justice Committee,” dagdag ni Luistro.
Kabilang sa mga alegasyon ang umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd); mga alegas­yon ni Ramil Madriaga, ­dating aide ni VP Sara; umano’y ill-gotten wealth; kabiguang ilahad ang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN); at ang banta ng Bise Presidente kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Mayroong 60 araw ang Justice committee para magsagawa ng mga pagdinig. Matapos nito ay pagbobotohan ng plenaryo ang rekomendas­yon ng komite at kaila­ngang makakuha ng hindi bababa sa one-third ng kabuuang miyembro ng Kamara para maipadala sa Senado ang Articles of Impeachment.
Ang unang impeachment complaint ay inihain noong Pebrero 2 ng Makabayan bloc ng mga mambabatas. Kasabay din na naghain ang mga progresibong organisasyon at civil society groups ng ikalawang impeachment complaint na inendorso naman nina Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima at Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña.
Noong Pebrero 9, naghain ang mga religious groups, mga pari, madre, civil society at mga ­abogado ng ikatlong impeachment na inendorso rin ni De Lima.
Habang ang ikaapat na reklamo ay inihain ni Atty. Nathaniel Cabrera na inendorso naman nila Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. at Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V.
Nakasaad dito ang culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang high crimes.
(Vina de Guzman)

Pagdinig sa kaso ni FPRRD sa ICC hiling ng ilang mambabatas na bumalik ang Pilipinas sa hurisdiksyon nito

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SA gitna ng pagdinig sa kaso ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, nais ng ilang mambabatas na bumalik ang Pilipinas sa hurisdiksyon nito.
Naghain ng House Resolution No. 811 sina Akbayan partylist Rep. Perci Cendaña at mga kapartidong Rep. Chel Diokno, Rep. Dadah Kiram Ismula at kasama si Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, na bumalik sa ratipiskasyon ng Rome Statute na nagtaguyod ng ICC.
Kasabay nito ang isinasagawang pagdinig sa confirmation-of-charges laban kay Duterte nitong Lunes sa salang crimes against humanity na nag ugat sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
“Kailangan nating ipakita na hindi kagaya ng dating administrasyon, sinusuportahan natin ang mga biktima ng tokhang at huwad na war on drugs ni Digong,” sinabi ni Cendaña.
Ayon kay Cendaña, ang pagbabalik ng Pilipinas sa hurisdiksyon ng ICC ay makabubuti upang maiwasan ang human rights abuses.
“We cannot allow the return to a tokhang presidency that will belittle human rights, murder children, torture, and dehumanize our people. Hindi dapat natin payagan na maulit itong bangungot ng pang-aabuso sa karapatang pantao sa ating bansa,” sinabi ni Cendaña.
(Vina de Guzman)

PBBM, pag-aaralan ang batas na magdedeklara sa EDSA People Power anniv bilang regular holiday

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng Malakanyang na pag-aaralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang ideklara ang Pebrero 25 ng bawat taon bilang isang regular holiday bilang paggunita sa EDSA People Power Revolution.
”Ibigay lang po nila ‘yung versions nila kay Pangulo para po maaral, kung maisusumite po nila ito, ‘yan naman po ay aaksyunan ng ating Pangulo,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang panayam.
Nauna rito, bilang paggunita sa makasaysayang 1986 EDSA People’s Power Revolution, isinulong sa Kamara na ideklara ang Pebrero 25 kada taon bilang regular holiday sa bansa.
Layon ng House Bill (HB) No. 7911 na inihain ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na kilalanin ang mapayapa, hindi ba­yolenteng rebolusyon na isinagawa sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) na tumuldok sa diktaturyang rehimeng Marcos at nagpanumbalik ng demokrasya sa bansa.
Pinuna ng mga mambabatas na sa nakalipas na taon ang paggunita sa Pebrero 2025 ay hindi naging pare-pareho ang klasipikasyon na idineklarang special non-working holiday noong 2023, regular working day noong 2024 at special working holiday noong 2025 at 2026.
Sakaling mapagtibay ang panukala, ang Pebrero 25 o EDSA People Power Day ay oobserbahan kada taon bilang regular na holiday upang hindi na magkaroon ng kalituhan ang publiko.
Samantala, idinahilan naman ni Castro na apektado ang mga negosyante sa holidays, sabay sabing maaari namang gunitain ng mga tao ang EDSA People Power Revolution.
( Daris Jose)

Navotas, muling nakatanggap ng Seal of Good Education Governance

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULING nakatanggap ngayong taon ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng Seal of Good Education Governance mula sa Synergeia Foundation na isa sa tatlong LGUs sa National Capital Region (NCR) na nagkamit ng naturang karangalan. Nagpapasalamat si Mayor John Rey Tiangco sa mga guro at sa lahat ng mga katuwang para makamit ang tagumpay na ito. Aniya, nawa’y maging inspirasyon ng lahat ang parangal na ito para patuloy na makapagbigay ng holistiko, inklusibo, at de-kalidad na edukasyon sa mga kabataang Navoteño. (Richard Mesa)

Suporta ng national gov’t sa LGU, walang kulay pulitika- PBBM

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

WALANG kulay politika ang ginagawang pagtulong pinansiyal ng gobyerno sa local government units (LGUs) sa bansa.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang Facebook post, anuman ang political affiliation ng kani- kanilang lider ay nakahanda ang gobyerno na tulungan ang mga ito.
Sa katunayan, halos P58-billion Local Government Support Fund (LGSF) ang dapat na paganahin ng mga lokal na lider para tugunan ang pangangailangan ng kani-kanilang komunidad.
Sa post ng Pangulo, ibinahagi nito ang mga larawan ng local chief executives mula sa iba’t ibang political affiliations na nagsama-sama sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Lunes para sa paglulunsad ng “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang” initiative, naglalayon na palawakin ang suporta ng national government para sa lahat ng LGUs sa pamamagitan ng LGSF.
May isang larawan ang nagpapakita nakangiti sa isa’t isa sina dating Vice President at ngayon ay Naga City Mayor Leni Robredo at Pangulong Marcos kasama ang ibang Alkalde at provincial governors.
Ito ang ikatlong pagkakataon na nagkita sina Pangulong Marcos at Robredo matapos na talunin ng huli ang una sa vice presidency noong 2016, ang dalawang nagdaang pagpupulong ay nangyari kamakailan lamang.
Ang kanilang pangalawang pagkikita ay nangyari noong Pebrero 20, nang bisitahin ni Pangulong Marcos ang Naga City para inspeksyunin ang “Oplan Kontra Baha” project at personal na i-turn over ang special allotment release order (SARO) na P500 million kay Robredo para sa rehabilitasyon ng Jesse M. Robredo Coliseum.
Sa nasabing paglulunsad ng Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang program, inatasan ni Pangulong Marcos ang mga ahensiya ng pamahalaan na ipalabas na ang LGSF direkta sa LGUs, magagawa nito ang proseso ng “faster, clearer, and more transparent.”
“Our local leaders know their communities best. They see the problems first. They hear the people first. Now they have the resources to act,” ang sinabi ni Pangulong Marcos. (Daris Jose)