• February 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 23rd, 2026

Panukalang magtayo ng Overseas Filipino Workers Hospital, itinutulak na aprubahan ng Kamara

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ITINUTULAK ni Leyte Rep. Martin Romualdez na aprubahan ng Kamara ang panukalang magtayo ng Overseas Filipino Workers Hospital.
Ayon kay Romualdez, ang pagtatatag ng OFW hospital ay pagbibigay pugay sa mga sakripisyo ng mga OFW at ang kahalagahan na pangalagaan ang kanilang kalusugan.
“Dala ng ating mga OFW ang ekonomiya ng bansa. Eto (pagtatag ng OFW hospital) ay isang paraan para kilalanin ang kanilang kontribusyon sa ating bansa ay siguruhin na sila at ang kanilang mga kaanak at pamilya ay mayroong de-kalidad na healthcare,” sinabi ni Romualdez.
“And we can do this through the establishment of an OFW Hospital. Isang institusyong tututok sa ating mga OFWs, mula sa kanilang pangangailangan bago umalis, sa pangangailangang pangkalusugan ng kanilang pamilya, at sa kanilang medical needs pagdating muli sa ating bansa,” dagdag ng mambabatas.
Ang House Bill (HB) No. 7227 o OFW Hospital Act, ay pinanukala ni Romualdez kasama si Tingog party list Rep. Jude A. Acidre. Nais ng dalawang mambabatas na magtaguyod ng OFW Hospital bilang Level III hospital sa San Fernando, Pampanga na direktang nasa kontrol at superbisyon ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ang nasabing ospital ay pangunahing seserbisyuhan ang mga OFWs maging ang kanilang mga dependents, batay sa policy direction na nakasaad sa Executive Order (EO) No. 154, na nagatataguyod ng OFW Hospital at suporta mula sa ilang ahensiya ng gobyerno.
Ayon sa HB No. 7227, ang OFW Hospital ay dinisenyo bilang isang full-service facility na mangangalaga sa kapakanan at kalusugan ng mga migrant workers bago ang kanilang deployment sa abroad, pagbibigay ng komprehensibong healthcare services sa mga OFWs, kabilang ang mga contributors ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa panig ni Acidre, ang panukalang pagtatayo ng OFW Hospital ay isang sistema ng pangagalaga ng gobyerno sa kapakanan ng mga OFWs.
“This is a long-term and permanent service to all of our OFWs and their families. Sa laki ng kontribusyon nila sa ating bansa at ekonomiya, kulang pa itong kapalit. But it is really a very good start if we want to honor our heroes,” sinabi ni Acidre.
(Vina de Guzman)

Administrasyong Marcos, tinatrabaho ang long-term solutions sa pagbaha- Malakanyang

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. , araw ng Sabado sa publiko na tinatrabaho na ng kanyang administrasyon ang long-term solutions para tugunan ang pagbaha sa bansa.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pag-inspeksyon sa nagpapatuloy na operasyon sa ilalim ng Oplan Kontra Baha (Against Flooding), flood mitigation initiative ng national government sa Sagop Creek sa Naga City’s Triangulo village.
In-inspeksyon din ng Pangulo ang Concepcion Pequeña village.
“This is only the beginning. Ito, desiltation lamang ito. Kagaya ng mga ginagawa natin sa ibang lugar, this is not going to be one time,” ang sinabi ng Pangulo matapos ang nasabing inspeksyon.
“We will keep doing this until we have the more long-term solutions at hopefully on the road, if we design everything properly, hindi na natin kailangan paulit-ulit na binabalik-balikan,” dagdag na wika nito.
Pinangunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), layon ng Oplan Kontra Baha ay bawasan ang pagbaha sa pamamagitan ng mabilis na ‘on-the-ground interventions.’
Kabilang naman sa flood mitigation measures ang declogging ng mga kanal, pag-alis sa illegal obstructions sa mga daluyan ng tubig, river dredging, rehabilitasyon ng pumping stations, maintenance ng flood-control structures, at mobilisasyon ng equipment at personnel sa flood-prone areas.
Tanggap ng Pangulo na marami pang gagawin ang national government, isinasaalang-alang ang epekto ng climate change na nag-trigger sa unpredictable na pagbaha.
“This is what we are trying to remedy. Malaking trabaho ito. It will take time but marami na tayo mga intervention na pwedeng gawin, such as the pools that we are going to put up,” ayon sa Chief Executive.
( Daris Jose)

Magkatunggali noon, bespren ngayon: PBBM, Nakasuot ng ‘pink’ na medyas nang makipagkita kay Robredo, itinanggi ang political agenda

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

WALANG political agenda sa naging pagkikita nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Vice President Leni Robredo, araw ng Sabado sa Naga City.
Sa isang media interview matapos ang pag-inspeksyon sa implementasyon ng “Oplan Kontra Baha” project sa Sagop Creek sa Barangay Triangulo, Naga City, ipinagkibit-balikat ng Pangulo ang espekulasyon ukol sa intensyon nito sa pagbisita sa balwarte ni Robredo.
“We’re not talking about that. You know, I think the mayor will agree with me that it’s service first before politics. The most political thing we did today [was] I wore my pink socks. My pink socks in honor of Mayor Leni,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag nang tanungin kung ang kanyang naging pagbisita ay may kinalaman sa usaping politikal, lalo pa’t kapansin-pansin ang pagsusuot nya ng ‘pink’ na medyas na batid naman ng lahat na ang signature color ni Robredo sa kanyang naging kampanya ay ‘pink.’
“We still have a lot to do. We will get to that,” ang sinabi ng Pangulo.

Aniya pa, layunin ng pagpupulong nila ni Robredo ay ang isakatuparan ang “Oplan Kontra Baha” sa lungsod, na madalas na sinasalanta ng mga kalamidad.
Samantala, ang timing ng pagbisita ni Pangulong Marcos ay nagpalutang ng espekulasyon ukol sa posibleng alyansa para sa 2028 elections, lalo pa’t inanunsyo ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro matapos na ideklara ni Vice President Sara Duterte ang intensyon niyang tumakbo sa pagka-pangulo sa 2028 elections.
(DARIS JOSE)

PNP, LGUs kikilos vs yosi smuggling

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TAHASANG sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na paiigtingin ng pulisya at local government units (LGUs) ang kampanya laban sa ciga­rette smuggling kung saan magsasagawa ng inspeksiyon sa ilang mga kahina-hinalang bodega na posibleng ginagamit bilang imbakan ng mga sigarilyo.

Ayon kay Nartatez, madaling makakuha ng mga impormasyon ang pulis at LGUs mula sa mga residente at ­barangay officials upang tuluyang mapasara ang mga bodega ng sigarilyo.

Binanggit niya ang dalawang kamakailang pagkakasabat ng multi-milyong pisong halaga ng smuggled na ­sigarilyo—isa sa San Simon, Pampanga na nagmula sa impormasyon ng isang netizen, at ang pinakahuli sa Maguindanao del Norte na nagsimula sa isang tip.

Gayunman, binigyang-diin niya ang panga­ngailangang tiyakin na ang lahat ng aksyon ng pulisya ay naaayon sa tamang operational procedures upang maiwasan ang suliraning legal at magsilbing mabuting halimbawa sa komunidad hinggil sa paghahari ng batas. (Richard Mesa)

PBBM sa presidential bid ni VP Sara: ‘That’s her choice

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

“THAT’s her choice.”
Ito ang reaksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kamakailan lamang na anunsyo ni Vice President Sara Duterte na tatakbo siya sa pagka-Pangulo sa 2028 elections.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay matapos niyang pangunahan ang pag-inspeskyon sa implementasyon ng “Oplan Kontra Baha” project sa Sagop Creek sa Barangay Triangul, kasama si Naga City Mayor Leni Robredo.
Tumanggi naman si Pangulong Marcos na mag-komento sa posibilidad na ang kanyang kapatid na si Sen. Imee Marcos, ang maging running mate ni VP Sara.
Samantala, nauna nang inanunsyo ni VP Sara, araw ng Miyerkules na tatakbo siyang presidente sa 2028 national elections.
“Ako si Sara Duterte tatakbo bilang pangulo ng Pilipinas,” sabi ni Duterte sa isang punong balitaan. ( Daris Jose)

Minamadaling pagpapasa ng anti-dynasty bills, ‘magandang senyales’- Malakanyang

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PARA sa Malakanyang, magandang senyales ang ginagawang pagsisikap ng dalawang Kapulungan ng Kongreso na kaagad na maipasa ang matagal nang hinihintay na anti-dynasty bill.
“Maganda pong senyales iyan kung kanila po itong minamadali dahil iyan din po ang nais ng Pangulo,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“So, hintayin po natin kung gaano po magiging kabilis ang pagtatrabaho po ng ating Kongreso at para maisumite nila ang binalangkas na bill para sa Pangulo at para maaral po ito,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, nagpahayag ang liderato ng Kongreso na ipapasa nito ang Anti-Political Dynasty measure sa 20th Congress.
Ito’y matapos na magsagawa ang Kongreso ng Mindanao leg ng kanilang pagdinig at public consultations, araw ng Biyernes, Pebrero 20 habang ang Senado ay nagsagawa ng consultative meetings ukol sa anti-political dynasty bills matapos amgdaos ng kanilang pang-lima at panghuli sa Mindanao, araw ng Huwebes.
At nang tanungin naman si Castro kung babanggitin ng Pangulo ang usapin hinggil sa anti-dynasty sa State of the Nation Address ng Chief Executive sa Hulyo, ang tugon ni Castro ay “Hindi natin masasabi sa ngayon, mahirap mangako.” (Daris Jose)

Task Force Kasanag, muling nanawagan nang mahigpit na pananagutan sa mga proyekto ng DPWH

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INILAHAD ng Task Force Kasanag (TFK) sa pamumuno ni Dr. John Chiong DHum, ang pinakahuling update hinggil sa mga reklamong inihain nito kaugnay ng mga umano’y iregularidad sa ilang flood control at iba pang proyektong pang-imprastraktura ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa pagharap sa media sa ginanap na press conference, inilatag ng organisasyon ang estado ng mga kasong sinimulan nito noong 2022 at muling nanawagan nang mahigpit na pananagutan sa paggamit ng pondo para sa pampublikong imprastraktura. Iginiit nito na ang bawat proyekto ay dapat sumailalim sa ganap na transparency, wastong oversight, at masusing pagsusuri.

Binigyang-diin ng Task Force Kasanag ang patuloy nitong pakikipag-ugnayan sa DPWH at sa mga kaukulang ahensya sa pamamagitan ng pormal na pagsusumite ng dokumento at ebidensya upang matiyak ang masusi, patas, at naaayon sa batas na pagsusuri sa mga reklamong may kaugnayan sa flood control at iba pang proyekto.

Ipinaliwanag ni Dr. Chiong na pormal nang naghain ang kanilang grupo ng Ethics Complaint laban kay House Committee on Public Works Chairperson at Surigao del Sur 1st District Representative Romeo Salazar Momo Sr., kasama ang iba pang mga indibidwal at kumpanya na saklaw ng kanilang mga reklamo.

Kabilang dito ang ilang kumpanyang ginawaran umano ng kontrata para sa multi-bilyong pisong flood control at iba pang proyektong pang-imprastraktura ng DPWH sa kani-kanilang rehiyon, gaya ng: GCI Construction and Development Corp. (Bicol), Equi-Parco Construction Company (Region XIII / X), Montesclaros Enterprises, Inc. (Region X), EUS Construction (Region V), Brentmin Roofing Enterprise (Region V), Centerways Construction and Development, Inc. (Region V), at EGB Construction Corporation (Northern Luzon).

Nilinaw ng organisasyon na ang mga nabanggit ay batay sa dokumentadong kontrata at sa mga pormal na reklamong isinumite sa mga kinauukulang ahensya para sa pagsusuri. Ang lahat ng indibidwal at kumpanya ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala alinsunod sa due process ng batas.

Muling binigyang-diin ng Task Force Kasanag ang mga reklamong inihain nito noong 2022 laban kina Zaldy Co, Eric Yap, Edwin Gardiola, dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at Mga Regional Director ng DPWH.

Tinukoy din ng organisasyon ang mga kasong Plunder at Graft laban sa dating DPWH Undersecretary na si Romeo Momo, na kasalukuyang sumasailalim sa naaayon na legal na proseso.

Ayon kay Dr. Chiong, kabilang ang Task Force Kasanag sa mga unang grupo na nagbigay-diin sa mga isyung may kinalaman sa flood control projects noong 2022. Aniya, magpapatuloy ang organisasyon sa pakikipagtulungan sa mga awtoridad at sa pagsusulong ng mga repormang magtitiyak ng integridad at mahigpit na pananagutan sa paggamit ng pondo ng publiko.

Muling pinagtibay ng Task Force Kasanag ang pangako nitong bantayan ang mga proyektong pang-imprastraktura at suportahan ang mga hakbang na magpapalakas sa transparency at accountability sa pamahalaan.
(Richard Mesa)

Nakaharap si Mayor Leni Robredo… PBBM ininspeksyon ang mga ginagawang pagsasaayos sa Oplan kontra baha sa Naga City

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ININSPEKSYON ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Sabado ang patuloy na operasyon ng Oplan Kontra Baha (OKB) sa Naga City, bilang patunay ng matibay na paninindigan ng administrasyon na tugunan ang matagal nang problema sa pagbaha sa bansa.

Pagdating sa Naga City, unang binisita ng Pangulo ang Jesse M. Robredo Coliseum bago nagtungo sa Sagop Creek sa Barangay Triangulo upang personal na inspeksyunin ang mga isinasagawang dredging, paglilinis ng basura, at clearing operations sa lugar.

Kasama ni Pangulong Marcos sa inspeksyon si Naga City Mayor Maria Leonor Robredo, Kalihim Vince Dizon ng Department of Public Works and Highways at mga opisyal ng local government.
Sinabi ng Pangulo na bahagi ang mga dredging at cleanup activities ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na resolbahin ang paulit-ulit na pagbaha sa mga lugar sa paligid ng Bicol River Basin.

Binanggit din ng Pangulo ang matinding siltation o naipong putik na lubhang nagpababaw sa ilog at nagpapababa sa kapasidad nitong magdala ng tubig, dahilan ng madalas na pagbaha sa lugar.

Ayon kay Pangulong Marcos, base sa sinabi ni Mayor Robredo, may mga lugar na dati ay hindi binabaha ngunit ngayon ay naaapektuhan na, dulot ng mga pagbabagong pangkapaligiran at mas pinalalang epekto ng climate change.

Binigyang-diin ng Pangulo na determinado ang pamahalaan na tugunan ang problema sa pagbaha sa lungsod, bagama’t inamin niyang mangangailangan ito ng komprehensibo at pangmatagalang solusyon.

Matapos ang Sagop Creek, nagtungo rin ang Pangulo sa Sitio Magaya-gaya Creek sa Barangay Concepcion Pequeña upang inspeksyunin ang isinasagawang dredging at clearing operations sa lugar.

Nagsimula ang OKB operations sa Naga City noong Pebrero 18, 2026 at inaasahang matatapos sa Hulyo 31, 2026. Saklaw ng proyekto ang 29 na ilog at sapa at dalawang lawa, na may kabuuang dami ng tubig na 26,621,370.51 cubic meters.

Kasama rin sa proyekto ang paglilinis at clearing ng drainage system ng lungsod na may habang 250.51 kilometro, kung saan tinatayang 75,152.19 cubic meters ng sediment ang aalisin.

Upang suportahan ang mga operasyong ito, nag-deploy ang DPWH at ang lokal na pamahalaan ng 27 dredging units, 30 dump trucks, at 1,525 personnel na may kumpletong protective gear.

Ang Oplan Kontra Baha ay isang patuloy na inisyatiba ng administrasyong Marcos upang mabawasan ang pagbaha at maprotektahan ang mga komunidad sa buong bansa sa pamamagitan ng mas maayos na pamamahala ng mga daluyan ng tubig at drainage systems.

Kasalukuyan ding isinasagawa ang mga operasyon nito sa Metro Manila, Cebu, at Bacolod. (Daris Jose)

Ads February 23, 2026

Posted on: February 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments