• February 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 20th, 2026

Pacquiao makakaharap si Russian boxer Provodnikov sa Abril

Posted on: February 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KINUMPIRMA ni retired boxing champion Manny Pacquiao na makakaharap niya sa isang exhibiton fight si dating junior welterweight world ⁠champion Ruslan ⁠Provodnikov.

Gaganapin ang laban nito sa Russian boxer sa darating na Abril 18 sa Las Vegas.

Ito na ang pangalawang laban niya mula ng muling bumalik sa boksing matapos ang kaniyang retirement.

Huling lumaban kasi ang 47-anyos na si Pacquiao noong Hulyo ng nakaraang taon kung saan nagtapos sa majority draw ang laban nito kay WBC welterweight champion Mario Barrios.
Sinabi ni Pacquiao na tuwing lumalaban siya ay dala niya ang watawat ng bansa kung malaking inspirasyon niya ang mga suporta ng Pinoy mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ang eight-division world champion ay mayroong record na 62 panalo, walong talo at tatlong draws sa nagdaang 73 laban nito.

Habang ang 42-anyos nasi Provodnikov ay mayroong record na 25 panalo, limang talo na may 18 knockouts.

Alex Eala pasok na sa quarterfinals ng Dubai Open

Posted on: February 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PASOK na sa quarterfinals ng Dubai Tennis Championship si Pinay tennis star Alex Eala.
Ito ay matapos na ma-sweep niya ang laban kay Sorana Cirstea sa score na 7-5, 6-4.
Tinapos ng 20-anyos na si Eala ang laro laban kay World number 32 Romanian tennis player sa loob ng isang oras at 38 minuto.
Sa unang round ay hawak ng Romanian tennis player ang kalamangan 4-5 subalit hindi bumitiw si Eala hanggang nakontrol ang laro.
Pagpasok ng ikalawang set ay dala pa rin ni Eala ang momentum at tuluyang tinalo si Cirstea.
Pinasalamatan ni Eala ang mga fans na nanood sa laro kung saan ito ang isa sa mga nagdadagdag ng kaniyang lakas.
Susunod na makakaharap nito si World number 4 na si Coco Gauff para sa quarterfinals.

281 Founding Anniversary ng Cocolunay Festival 2026, ipinagdiwang

Posted on: February 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IPINAGDIWANG ang 281 Anibersaryo ng Cocolunay Festival sa Bayan ng Mulanay Quezon na nagsimula noong ika-26 ng Enero hanggang Pebrero 06, 2026.
Ito ay pinangunahan ng butihing Punong Bayan na si Mayor Aris Aguirre kasama ang kanyang Pangalawa Punong Bayan na si Vice Mayor Jay Castilleja at mga Miyembro ng Sangguniang Bayan nito na sina Konsehal Gelo Amisola at iba pa.
Sa huling bahagi nito ay nagkaroon ng isang makasaysayang Paradang Bayan na linahukan 38 na grupo mula sa kabataan, mag-aaral, guro, nakakatanda, at mga iba’t – iba pang pribadong sektor.
Ito ay sinundan ng Street Dancing Competition mula sa iba’t ibang eskwelahan sa Elementarya at Sekondarya na naging makulay at masaya ang nasabing selebrasyon.
Sa huli ay nagpaunlak ang butihing Punong Bayan ng panayam sa miyembro ng mga mamamahayag, ayon sa Punong Bayan ay labis ang kanyang pasasalamat dahil sa pagdalo upang matunghayan ang masayang selebrasyon ng Cocolunay Festival 2026.
Binanggit niya ang iba’t ibang naging aktibidad nila sa loob na ilang araw na pagdiriwang, labis ang kagalakan ng Alkalde na naging matagumpay ang nasabing programa. (Kim Bornella/ Boy Morales Sr.)

RESO SA SOCE CASE NI MARCOLETA NAKATAKDANG ILABAS NG COMELEC

Posted on: February 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKATAKDANG maglabas ng resolusyon ang Political Finance and Affairs Department (PFAD) ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa isinagawang imbestigasyon sa umano’y hindi tamang pagdedeklara ni Senator Rodante Marcoleta ng mga donor sa kanyang statement of contributions and expenditures (SOCE) para sa eleksyon noong Mayo 2025.
Sa kanyang counter-affidavit, iginiit ni Marcoleta na ang mga donasyon ay ginawa bago siya opisyal na maideklarang kandidato, alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Penera vs. Comelec, na nagsasabing ang mga aspirante sa automated elections ay opisyal na nagiging kandidato lamang sa unang araw ng campaign period.
Noong Nobyembre 2025, naglabas ang Comelec ng show cause order (SCO) na nag-aatas kay Marcoleta na ipaliwanag ang kanyang pahayag na hindi niya ganap na idineklara ang mga donor sa kanyang SOCE para sa midterm elections noong nakaraang taon.
Pinagpapaliwanag din ng SCO ang diumano’y hindi pagkakatugma ng kanyang SOCE at statement of assets, liabilities at net worth (SALN)
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nakatuon ang imbestigasyon sa kanyang SOCE.
Inamin ni Marcoleta na hindi niya idineklara ang mga natanggap na kontribusyon para sa eleksyon noong Mayo 2025 dahil hiling ng kanyang mga donor na manatiling anonymous.
Batay sa kanyang SOCE, gumastos ang senador ng P139.9 milyon para sa kampanya, mas mataas kaysa sa kanyang SALN na P51,965,559.
Samantala, hindi na nagbigay pa ng detalye si Garcia kung kailan maglalabas g resolusyon ang PFAD .
Dagdag pa ni Garcia, nasa law department na aniya kung magsasagawa ng preliminary investigation dahil siya ay nag-inhibit kaya hindi siya nakikialam.
Nauna nang sinabi ni Garcia na kailangang ideklara ng mga kandidato ang kanilang mga gastusin at donasyon lalo na kung ang mga gastusin at kontribusyon ay naganap s panahon ng kampanya alinsunod sa Section 99 ng Omnibus Election Code.
(Gene Adsuara)

PBBM, Leni magkikita sa Naga sa Feb. 21

Posted on: February 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKATAKDANG magkita sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Vice President Leni Robredo sa darating na Sabado, Pebrero 21 para sa implementasyon ng Oplan Kontra Baha sa Naga City.
Sinabi ni ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang nakatakdang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Naga City ay may kinalaman sa ‘flood mitigation measures’ ng gobyerno.
”’Yung Oplan Kontra Baha ay pinasimulan na po sa Naga City ng ating Pangulo. Busy po ngayon ang kawani ng DPWH para linisin ang mga kanal at estero sa Naga City. ‘Yan po ang bibisitahin ng Pangulo at totoo po na bibisita po siya at makakasama niya po ang Mayor Leni Robredo ng Naga City,” ayon kay Castro.
Si Robredo ay kasalukuyang Alkalde ng Naga City.
Ani Castro, wala pang impormasyon ang ibinibigay sa kanya kung pag-uusapan ng dalawa ang political plans para sa 2028 national elections.
(Daris Jose)

Bading, laglag sa droga sa Valenzuela

Posted on: February 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TIMBOG ang isang hinihinalang tulak ng iligal na droga nang kumagat umano sa ikinasa buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Huwebes ng madaling araw.
Ayon kay Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Lt. Sherwin Dascil, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na si alyas “Ella”, 28, ng Brgy., Potrero, Malabon City.

Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Lt. Dascil na ikinasa nila ang buy bust operation laban kay ‘Ella’ sa koordinasyon sa PDEA nang magpositibo ang natanggap nilang ulat hinggil sa umano’y illegal drug activities nito.

Dakong alas-5:00 ng madaling araw nang makipagtransaksyon umano ang suspek sa isa sa mga operatiba ng SDEU na nagpanggap na buyer sa R. Jacinto Street, Brgy. Canumay West, na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang sa 3 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20,400, buy bust money na isang tunay na P500 bill, at dalawang P500 boodle money, P200 cash at coin purse.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang SDEU team sa kanilang dedikasyon at pagsisikap para hulihin ang mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga sa Valenzuela.
(Richard Mesa)

Metro Manila Mayors, nakipagpulong kay ES Ralph Recto

Posted on: February 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKIPAGPULONG si Navotas City Mayor John Rey Tiangco kay Executive Secretary Ralph Recto, kasama ang kanyang kapwa Metro Manila mayors upang talakayin ang pagpapatupad ng Local Government Support Fund (LGSF) at mas maayos na maihanay ang mga prayoridad ng pambansa at lokal na pamahalaan. Ani Tiangco, patuloy silang makikipagtulungan sa national government para maihatid ang mga programang direktang makakatulong sa kanyang mga kababayan at sa patuloy na pag-unlad ng lungsod.
(Richard Mesa)

Kaya’t hindi siya dadalo sa ICC hearing sa susunod na linggo: Malakanyang, itinanggi ang bintang ni Digong Duterte na kinidnap siya ng gobyerno ng

Posted on: February 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ITINATWA ng Malakanyang ang bintang ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte na siya ay kinidnap ng gobyerno ng Pilipinas.
Ito kasi ang ginamit na dahilan ni Digong Duterte kaya’t tumanggi siya na dumalo sa International Criminal Court’s (ICC) hearings sa susunod na linggo.
“Alam naman natin kung anong ibig sabihin ng kidnapping,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang panayam.
“Since nag-start na ang hearing doon, pinauubaya ng ating gobyerno through RA 9851 ang pagdinig nang tuluyan ng kaso doon,” aniya pa rin.
Tinukoy naman ni Castro ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, at iba pang Crimes Against Humanity.
Sinabi pa nya na sa ilalim ng Section 17, “Philippine authorities defer to an international tribunal if a case is already being heard or investigated there.”
Tinukoy din nito na ang mga reklamo na inihain kay Digong Duterte ay inihain ng mga mamamayang Filipino na naramdaman na hindi nila makukuha ang hustisya noong panahon na iyon.
Sa ulat, muling naghain ng waiver si Digong upang hindi na personal na dumalo sa confirmation of charges hearing ng International Criminal Court (ICC) na itinakda mula Pebrero 23 hanggang 27, 2026.
Sa liham na may petsang Pebrero 17 at ipinadala mula sa ICC Detention Centre, iginiit ni Duterte na hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC.
Iginiit din ng dating Pangulo na ang kasalukuyang administrasyon umano ang nasa likod ng kaniyang sapilitang pagdadala sa Netherlands, na tinawag niyang isang uri ng “kidnapping.”
Mariin din niyang pinabulaanan ang mga paratang kaugnay sa umano’y extra-judicial killings, na aniya ay isang “outrageous lie.”
Binanggit din ni Duterte ang kanyang edad at kalagayang pangkalusugan bilang dahilan ng hindi pagharap sa pagdinig.
Gayunman, sinabi niyang handa siyang harapin ang anumang kahihinatnan ng kaso at ipinauubaya na lamang sa kanyang mga abogado ang pagtutol at paghamon sa ebidensyang ihaharap ng prosekusyon, habang nananatiling nakatuon ang kaniyang puso sa Pilipinas. ( Daris Jose)

Melvin Matibag, itinalaga bilang bagong NBI director

Posted on: February 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Atty. Melvin Matibag bilang bagong director ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na nakita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maaaring pagkatiwalaan si Matibag kaya’t itinalaga ito sa nasabing posisyon kahit pa naging kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte si Matibag.
Bukod dito, prerogative rin aniya ng Pangulo kung sino ang kanyang itatalaga sa nababakanteng puwesto.
“Unang-una, prerogative po ng Pangulo. Masasabi natin, bakit niya in-appoint? Nandoon po ang tiwala. Nakitaan po niya si Atty. Melvin Matibag na maaaring pagtiwalaan, maaaring magtrabaho para sa gobyerno,” anito.
Sa kabilang dako, hindi naman na idinetalye pa ni Castro kung ang naging desisyon ni Pangulong Marcos na italaga si Matibag ay may kinalaman sa political affiliations nito kay Digong Duterte.
Samantala, papalitan ni Matibag si Lito Magno, itinalaga bilang acting NBI chief matapos magbitiw si director Jaime Santiago noong nakaraang taon.
( Daris Jose)

City of Malabon University, nakatanggap ng bomb threat

Posted on: February 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KAAGAD nagpatupad ng mahigpit na panuntunan ang City of Malabon University makaraang makatanggap ng mensahe sa e-mail na may bomba sa naturang pamantasan, Huwebes ng tanghali.

Sa inilabas na kalatas ng pamunuan ng naturang pamantasan, nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ni Malabon City Police Station Chief P/Col. Allan Umipig at inalam kaagad ang sitwasyon habang nagdagdag at hinigpitan na rin nila ang seguridad sa buong campus.

Matapos ang masusing pagrerekisa at pagsisiyasat sa buong campus, walang nakumpirmang panganib bagama’t patuloy pa rin ang mahigpit na panuntunang ipinatupad sa mga pumapasok sa campus na masusing nirerekisa ang dalang gamit pati na ang pag-monitor sa mga sasakyan sa pasilidad.

Hindi naman nagsuspinde ng klase ang unibersidad bagama’t inabisuhan ng pamunuan ang miyembro ng kanilang pamayanan na maging kalmado, mapagmasid, at ipagkaloob ang kooperasyon sa mga pulis at security personnel.

Bagama’t hindi inilagay sa kalatas na inilabas ng pamunuan ang uri ng pananakot na kanilang natanggap, kinumpirma naman ni Malabon Station Community Affairs Section (SCAS) chief P/Capt. Eduardo Antalan, Jr. na bomb threat ang mensaheng natanggap ng pamunuan na ipinadala sa kanilang e-mail.

Sinabi naman ng pamunuan na sineseryoso nila at kinokondena ang lahat ng uri ng mensahe ng pananakot at karahasan kasabay ng pagtiyak na hahabulin ang mga ito hanggang sa lawak na maaabot ng batas. (Richard Mesa)