• February 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 19th, 2026

Lamar Odom bumubuti ang lagay sa loob ng rehab center sa Las Vegas

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGKAROON ng magandang epekto ang pananatili sa rehabilitation center ni dating NBA star Lamar Odom.

Ayon sa kampo nito na nagiging maganda na ang lagay ng dating NBA star sa rehab center sa Las Vegas.

Lalo aniya ito ng naganahan dahil sa mainit na suporta na ibinigay ng kaniyang kaanak at mga kaibigan.

Mayroon pang ilang linggo bago tuluyang matapos ni Odom ang kaniyang rehab program.
Magugunitang inaresto si Odom dahil sa pagmamaneho sa ilalim ng nakakalasing na inumin sa Las Vegas.

Tumalima naman ito at handa umano nitong pagbayaran ang kasalanang kaniyang nakamit.

Mike Tyson at Floyd Mayweather Jr., maghaharap sa exhibition fight sa Congo sa Abril 2026

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKATAKDANG magharap sa isang exhibition bout sina Mike Tyson at Floyd Mayweather Jr. sa Abril 25, 2026 sa Democratic Republic of Congo, ayon sa mga ulat.

Gaganapin umano ang laban sa Kinshasa, na kilala sa makasaysayang “Rumble in the Jungle” noong 1974 kung saan nagharap sina Muhammad Ali at George Foreman para sa heavyweight championship.

Si Tyson, 59 anyos, ay may rekord na 50 panalo, 7 talo at 2 no contests. Huli siyang lumaban noong Nobyembre 15, 2024 laban kay Jake Paul, kung saan siya natalo via unanimous decision sa walong round.
Hindi na siya nanalo sa isang opisyal na laban mula noong 2003.
Samantala, si Mayweather, 48 anyos, ay nananatiling undefeated sa rekord na 50-0. Huli siyang lumaban sa exhibition match laban kay John Gotti III noong Agosto 24, 2024.

Ito na ang ikawalong exhibition fight ni Mayweather mula nang magretiro siya matapos talunin si Conor McGregor noong 2017.

Unang inanunsyo ang laban noong Setyembre 2025 ngunit walang detalye ng laban noon.

Nagkaroon pa ng agam-agam nang ianunsyo ang laban ni Mayweather kontra kay Mike Zambidis sa Greece. Gayunman, kinumpirma ni Tyson sa TMZ na kanilang itutuloy ang laban.
“Yeah, that’s happening. You think I’d give that up? I was minding my business, he challenged me!” ani Tyson.

PBBM sa mga Pinoy: Gamitin ang Fire Horse energy para umunlad

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., araw ng Martes, ang mga Filipino na pantayan ang simbolismo ng katapangan at pasulong na galaw ng Fire Horse na may disiplina, pagsusumikap at pamamahala.
“I invite all Filipinos to move with purposeful haste — swift when necessary; measured when it matters most. Momentum can be energizing, but direction is what truly delivers results,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng Lunar New Year.
“Let us protect what is essential such as fair opportunity and reliable public services, while enhancing productivity, stronger value chains, and communities that never leave the vulnerable behind,” aniya pa rin.
Binigyang diin pa ni Pangulong Marcos na hindi nagsusulong ng simbolismo ng nag-iisa.
“It (the country) progresses when Filipinos show up for work, when households make every peso count with prudence and good judgment, and when government and industries keep the country growing through consistent service and sound decisions, and the rigor that turns daily effort into long-term growth,” anito.
Inilarawan naman ni Pangulong Marcos ang Lunar New Year bilang “a season of renewal for many Filipino families, communities, and businesses — a time to set priorities, execute plans, and focus on what sustains them.”
‘Across generations, we have come to see prosperity as something we cultivate: built by everyday work, guided by discipline, and multiplied when it creates jobs and supports initiatives that hold our people together,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, itinigil na ni Pangulong Marcos ang pagtawag sa selebrasyon na “Chinese New Year,” at sa halip ay tinawag niya itong “Lunar New Year” upang maging mas ‘inclusive’ sa ibang Asian nations na nagdiriwang ng kasiyahan.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1006 ipinalabas ni Pangulong Marcos noong Setyembre ng nakaraang taon, kasama ang Feb. 17, 2026 sa listahan ng karagdagang special non-working days para sa pagdiriwang “Chinese New Year.”
(Daris Jose)

3 DAYUHAN, INARESTO SA PAGLABAG SA BATAS SA IMMIGRATION

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TATLONG dayuhan ang inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa mga lumalabag sa batas sa imigrasyon.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, isang South African national ang naaresto noong Pebrero 12 sa Camp Fort Magsaysay sa Nueva Ecija dahil sa paglabag sa kondisyon ng kanyang working visa.
Kinilala ang dayuhan na si Faaiz Ameer Garnie, 32, na nahuling nagtatrabaho sa kumpanyang hindi niya petitioning employer—isang paglabag sa mga tuntunin ng kanyang 9G working visa.
Ipinaliwanag ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. na isinagawa ang operasyon ng BI Regional Intelligence Operating Unit (RIOU) 3 sa pakikipag-ugnayan sa Military Police ng kampo, batay sa mission order na inilabas ng Commissioner.
Pagdating sa lugar ng trabaho, nadatnan si Garnie na aktibong gumaganap bilang project manager ngunit hindi nakapagpakita ng pasaporte o anumang dokumentong pang-imigrasyon. Siya ay inaresto, ipinaalam ang kanyang mga karapatan, at dinala sa BI Main Office para sa booking at dokumentasyon.
Sa parehong operasyon, nadakip din ang isa pang dayuhan na kinilalang si Imran Khattak matapos matagpuang nagtatrabaho bilang operations specialist nang walang balidong working visa. Siya ay isinailalim din sa kaukulang immigration proceedings.
Samantala, sa hiwalay na operasyon noong Pebrero 13, dalawang Chinese nationals ang inaresto ng BI Intelligence Division sa Iloilo dahil sa overstay at paglabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa.
Kinilala ang mga ito na sina Wang Jiabai, na kilala rin bilang Kevin Wang, 43, at Wang Libi, na kilala rin bilang Lisa, 46.
Ayon sa BI, nagsagawa ng koordinadong operasyon ang RIOU 6 sa mga bayan ng Balasan at Barotac Nuevo matapos makatanggap ng ulat hinggil sa mga dayuhang umano’y sangkot sa hindi awtorisadong pagtatrabaho.
Natuklasang pinamamahalaan ni Wang Jiabai ang isang negosyo sa Balasan kahit wala na siyang balidong visa extension, at kinumpirmang lampas na siya sa itinakdang panahon ng kanyang pananatili sa bansa.
Samantala, naaresto si Wang Libi sa Barotac Nuevo matapos matagpuang nagtatrabaho sa kumpanyang hindi niya petitioning employer at mabigong magpakita ng balidong pasaporte o immigration documents sa isinagawang inspeksiyon.
Kapwa ipinaalam sa dalawa ang kanilang mga karapatan bago dinala sa mga awtoridad para sa booking at dokumentasyon, at kalaunan ay inilipat sa Maynila. Sila ay kasalukuyang nasa kustodiya ng BI Warden Facility habang nakabinbin ang deportation proceedings.
Binigyang-diin ni Viado ang patuloy na pagpapatupad nang mahigpit na batas sa imigrasyon.
“Ang mga dayuhang pinipiling manatili at magtrabaho sa Pilipinas ay kailangang sumunod sa mga kondisyon ng kanilang visa. Hindi namin kukunsintihin ang anumang paglabag sa ating mga batas. Ang mga lalabag ay aarestuhin at ipade-deport,” ani Viado. (Gene Adsuara)

Halos P.1M marijuana, nasamsam sa Caloocan drug bust

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UMAABOT sa halos P.1 milyong halaga ng marijuana ang nasamsam sa ikinasang buy bust operation ng pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang drug suspect habang nakatakas naman ang kanilang target sa Caloocan City, Miyerkules ng madaling araw.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng marijuana ni alyas “King”, (HVI), ng Tagaytay St., Brgy. 131.
Nang magawang makipagtransaksyon kay ‘King’ ng isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan Police, kaagad ikinasa ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation laban sa kanya, sa koordinasyon sa PDEA.
Gayunman, nakatunog umano si ‘King’ na pulis ang kanyang katransaksyon kaya mabilis itong tumakas habang naaresto naman nina Lt. Mables ang kasabwat umano nitong si alyas “Atan, 25, dakong alas-1:22 ng madaling araw sa isang Vapeshop sa Tagaytay St., Brgy. 131.
Nakumpiska ng mga operatiba ang nasa 500 grams ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P60,000, 25.25 grams ng high grade marijuana na nasa P37,875 ang halaga, buy bust money na isang tunay na P500 bill at limang P1,000 boodle money at identification ni ‘King’.
Ayon kay Lt. Mables, kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni Gen. Dela Cruz ang arresting team sa kanilang matagumpay na drug operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na nagpapakalat ng iligal na droga. (Richard Mesa)

METRO PACIFIC FRESH FARMS, BINISITA NI YORME ISKO

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BUMISITA si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Miyerkules, Pebrero 18, sa Metro Pacific Fresh Farms (MPFF) sa San Rafael bilang bahagi ng kanyang adyenda na maipakilala ang makabagong teknolohiya sa urban farming sa kabisera ng bansa.
Sa isinagawang pagbisita, binigyan ng briefing ang alkalde ni Shahar Turgeman, Director ng MPFF, hinggil sa operasyon ng greenhouse facility at paggamit nito ng controlled-environment agriculture upang makapagprodyus ng mga gulay nang episyente at tuloy-tuloy.
Ang Metro Pacific Fresh Farms ay isang greenhouse complex na gumagamit ng controlled-environment agriculture upang magtanim ng mga gulay sa isang mahigpit na pinamamahalaang kapaligiran.
Ang pagbisita ay bahagi ng pagsusulong ng alkalde sa planong gawing urban farming areas ang mga bukas at hindi nagagamit na espasyo sa lungsod upang mapalakas ang lokal na suplay ng pagkain.
Sa mga nakaraang linggo, nakipagpulong ang alkalde sa mga opisyal ng Singapore Food Agency upang pag-aralan ang mga regulasyon sa food safety at mga sistema ng pamamahala ng suplay ng pagkain na maaaring iangkop sa mga lungsod na may mataas na densidad ng populasyon.
Nakipag-ugnayan din siya sa mga kinatawan mula sa Israel hinggil sa mga teknolohiyang pang-agrikultura, kabilang ang water-efficient systems at modernong pamamaraan ng pagtatanim na angkop sa limitadong espasyo.
Nakipagpulong din ang alkalde sa mga opisyal ng Department of Agriculture upang talakayin ang high-density urban gardening initiatives at posibleng teknikal na suporta para sa lungsod.
Kabilang din sa kanyang mga isinagawang hakbang ang pag-inspeksyon sa isang 23-ektaryang lupain sa Boystown Manila na ikinokonsidera para sa paggamit na pang-agrikultura, gayundin ang pagtanggap ng ₱463,343.62 halaga ng tool kits at training equipment mula sa Technical Education and Skills Development Authority para sa mga lokal na institusyon ng pagsasanay bilang bahagi ng mas malawak na paghahanda sa urban farming initiatives. (Gene Adsuara)

PBBM, pinag-aaralan pa rin ang ICI report — Malakanyang

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINAG-AARALAN pa rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang report ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na isinumite sa kanyang tanggapan.
”Inaaral pa po hanggang sa ngayon – medyo makapal po ang report na ibinigay. Pero most probably, maibibigay po kaagad namin kung ano ang mangyayari po; at kung magtutuluy-tuloy po ang ICI, ibibigay din po namin ang estado nila,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Ang report ayon kay Castro ay unang isinumite sa Office of the Executive Secretary (OES).
Binigyang diin sa report ang accomplishments ng independent body mula nang magsimula ang operasyon nito noong September 2025.
Nauna nang sinabi ng ICI na mula September 15, 2025 hanggang January 18, 2026, nagawa nitong isumite ang 9 na referrals sa Office of the Ombudsman, saklaw ang 65 indibiduwal.
Buwan ng Enero, sinabi ng Malakanyang na hinihintay pa ng Pangulo ang report, muling inulit ang pahayag ng Pangulo na ang kapalaran ng Komisyon ay dedesisyunan matapos ang pagsusumite nito.
Samantala, sinabi ng Pangulo na patapos na ang trabaho ng ICI na may tungkulin na imbestigahan ang flood control corruption is “coming towards the end.”
Iyon nga lamang, sinabi ng Pangulo na ang pamamalagi ng ICI ay nakadepende kung gaano pa ang naiwang trabaho nito.
(Daris Jose)

HUDYAT NG KUWARESMA, NAGSIMULA NA

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ISINAGAWA kahapon ang Ash Wednesday o 40 araw na paghahanda para sa pinakamahalagang gawain ng Simbahan Katoliko bilang hudyat sa pagsisimula ng Kuwaresma.
Naging mahigpit naman ang seguridad na pinatutupad ng Manila Police District (MPD) sa paligid ng mga simbahan partikular sa Minor Basilica of Jesus Nazareno o Quiapo church upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan ng mga deboto sa pagdalo ng banal na misa.
Tuloy-tuloy naman ang misa mula alas 5 ng madaling araw hanggang alas 7 ng gabi.
Pagkatapos ng Misa ay saka naman nagpapahid ng abo sa mga nakapilang deboto sa labas ng Simbahan .
Ito ay upang hindi maabala ang ibang dumadalo sa panibagong Misa.
Ilan lamang sa mga gawain sa pagsisimula ng Kuwaresma ang Pasyon, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesus, na nagsisimula sa Huwebes Santo, Biyernes Santo at nagtatapos sa Linggo ng Pagkabuhay.
Kaugnay nito, nanawagan sa mga Katoliko ang Simbahan na muling sariwain ang kanilang pananampalataya at maghanda para sa muling pagkabuhay ni Hesus sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno, at kawanggawa.( Gene Adsuara)

Nag-champion sa Inter Brgy. Basketball, Volleyball League sa Navotas, binati ng Tiangco brothers

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BINATI nina Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ang lahat ng mga team na nag-champion sa Inter Barangay Basketball at Volleyball League 2025 sa Navotas City. Anila, hindi lang sila inspirasyon sa kanilang mga ka-barangay kundi maraming oportunidad pa ang pwedeng magbukas para sa kanila tulad ng scholarships sa magagandang paaralan. Dagdag nila, patuloy na isulong ang palakasan sa lungsod para sa mga kabataan upang makaiwas ang mga ito sa bisyo at magkaroon din sila ng healthy lifestyle. (Richard Mesa)

Sa deklarasyon ni VP Sara na tatakbo sa pagka-Pangulo sa 2028 election: Goodluck- Malakanyang

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

GOOD LUCK!
Ito ang naging tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nang ideklara na ni Vice-President Sara Duterte na tatakbo siya bilang Pangulo ng bansa sa 2028 elections sa isang press conference, araw ng Miyerkules.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ‘nakangiti’ ang Pangulo nang magsabi ng goodluck para kay VP Sara.

“Kapag po kasi nagsasabi si Pangulo ng goodluck, naka-ngiti naman siya eh. So, kung sarcastic ‘to o hindi… hindi ko masasabi,” ayon kay Castro.

Sinabi pa ni Castro na narinig din ng Pangulo ang mga sinabi ni VP Sara na pinagsisisihan at humihingi ng kapatawaran ang Bise Presidente sa taumbayan na isa-isa namang niresbakan ng tugon ni Castro.
“Okay. Isa-isahin natin, mas maganda po iyan. Humingi siya ng kapatawaran dahil tinulungan niya sa pangangampanya. Tandaan po natin, ang taumbayan ang naghalal kay Pangulong Marcos Jr. Kung anuman po ang natulong niya, pareho naman po silang nagtulungan dahil ito ay UniTeam kaya huwag niya pong solohin ang credit kung nanalo man ang Pangulo. At nakikita ngayon ng Pangulo—ah, rather ng mga kababayan natin kung sino ba ang nagtatrabaho – isang working president compared sa Bise Presidente,” ang litanya ni Castro.
At nang hingan naman ng reaksyon si Castro sa sinabi ni VP Sara na “‘Di ko kinayang maging bahagi ng 2025 budget na tadtad ng katiwalian. Pinili kong umalis sa gabinete kahit alam ko na since 2023, ang magiging kapalit ang aking impeachment.”
Ang sinabi ni Castro ay “pinag-uusapan po ba ang korapsiyon/ang katiwalian? Siguro po dapat mauna muna na ihingi niya ng tawad kung anuman ang mga isyu ng korapsiyon at katiwalian at diumanong paglulustay ng confidential funds ng kaniyang dalawang opisina at that time – OVP at ng DepEd,” ang sinabi ni Castro.
“Kung mayroon pang napipintong impeachment, ito po ay dahil sa kanyang kagagawan mismo. Kung wala naman siyang ginawa na mga maanomalya at labag sa konstitusyon, hindi naman po siguro siya masasampahan ng mga impeachment complaints,” aniya pa rin. ( Daris Jose)