• February 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 18th, 2026

Kelot na tumangay ng motor sa Valenzuela, tiklo rin sa droga

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KULUNGAN ang kinasadlakan 27-anyos na lalaki nang tangayin ang motosiklo ng kanyang kabarangay at makuhanan pa ng shabu sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, mahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A10883 o ang New Anti-Carnapping Law at R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na si alyas “Jun”, ng Brgy., Paso De Blas.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7:00 ng umaga, lumabas ng kanyang bahay sa East Service Road, Paso De Blas ang complainant na si alyas “Efren”, 37, nang makita niya na tinangay ng suspek ang kanyang motorsiklo.

Hinabol niya ang suspek hanggang sa hanggang sa makahingi siya ng tulong sa nagpapatrolyang mga tanod ng Paso De Blas na sina Ex-O German De Sotto Cuaño at Eduardo Caliso Edo Jr. na nagresulta sa pagkakaaresto kay ‘Jun’.

Nang kapkapan, nakumpiska sa suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,156 habang nabawi ang motorsiklo ng biktima.

Kaagad humingi ng assistance ang mga tanod kay Valenzuela Police Sub-Station 1 Commander P/Capt. Michael Oxina para magpatulong sa tamang proseso.
(Richard Mesa)

Tulak, kalaboso sa pagbenta ng droga sa pulis sa Valenzuela

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang isang kelot na sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga nang bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na si alyas “Toyo”, 36, ng Brgy. Mabolo

Sa kanyang report kay NPD Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Talento na alas-5:50 ng umaga nang maaresto ang suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa San Francisco Del Monte St., Corner D. Santiago St., Brgy. Malanday.

Ani SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, nakumpiska kay ‘Toyo’ ang nasa limang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000, buy bust money at P200 cash.

Nauna rito, positibo ang natanggap na impormasyon ng mga operatiba SDEU hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ng suspek kaya agad bumuo ng team si P/Lt. Sherwin Dascil bago ikinasa ang buy bust operation laban kay ‘Toyo’, sa koordinasyon sa PDEA.

Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga tauhan ni Lt. Dascil.

Pinuri naman ni BGen. Dela Cruz ang arresting team na binigyang-diin na ang matagumpay na operation ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga upang patuloy na isulong ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad. (Richard Mesa)

Mahigit 30-K katao, inaasahang dadalo sa ika-3 ‘Trillion Peso March kasabay ng EDSA Revolution anniv

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INAASAHAN ang mahigit 30,000 katao na lalahok sa ikatlong “Trillion Peso March” sa Pebrero 25, kasabay ng paggunita sa EDSA People Power.

Layunin ng kilos-protesta na igiit ang mas matinding aksyon laban sa katiwalian, lalo na sa flood control projects.

Ayon kay Tindig Pilipinas co-convenor Francis “Kiko” Aquino Dee, magsisimula ang prayer march alas-otso ng umaga mula sa EDSA Shrine sa ilalim ng temang “Tayo ang People Power Laban sa Korapsyon at Dinastiya.”

Aniya, bagama’t may ilang “big fish” nang nahaharap sa kaso, kabilang si dating Senador Bong Revilla at sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, kulang pa rin umano ang pag-usad ng mga imbestigasyon.
Nagpahayag din siya ng pangamba na may ilan umanong nakaiiwas sa pananagutan dahil sa pagiging malapit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Samantala, isa sa pangunahing panawagan ng kilos-protesta ang pagpasa ng batas para sa isang independent body na may kapangyarihang mag-imbestiga ng katiwalian, hiwalay sa impluwensya ng Malacañang.

Gaganapin ang pangunahing programa sa People Power Monument alas-dose ng tanghali, susundan ng misa sa EDSA Shrine na pangungunahan ni dating CBCP President Archbishop Socrates Villegas at konsiyerto ng Caritas Philippines bilang pag-alala sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1986.

Survey ratings, hindi dapat gamitin para baluktutin ang katotohanan- Malakanyang

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGTATAKA ang Malakanyang kung saan nanggagaling ang “ratings” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil tila hindi ito sumasalamin sa work ethic ng Chief Executive.
Ito’y matapos na lumabas na neutral o nasa -3 ang latest net satisfaction performance rating ng mga filipino para kay Pangulong Marcos batay sa pinaka­huling Social Weather Stations (SWS) survey habang naungusan na ni Vice President Sara Duterte ang iba pang opisyal ng gobyerno na may pinakamataas na net satisfaction ratings.
Nakakuha kasi si VP Sara ng +28 net satisfaction sa fourth-quarter national survey na isinagawa noong Nobyembre 24-30, 2025.
“Sana po ang mga survey ratings na ito ay hindi magsilbing paglilinlang sa katotohanan kung sino ba talaga ang nagtatrabaho at sino ang hindi,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sa 4th quarter nationwide survey, nasa 40 percent ang satisfied, 17 percent ay satisfied o dissatisfied at 43 percent ay dissatisfied sa net satisfaction rating ng Pangulo.
“So, kung ang susunod mong katanungan is saan nagmumula ang rating na ito, hinahanap din po namin,” ang sinabi ni Castro.
“Dahil kahit ano pong maging numero diyan, ang katotohanan, ang Pangulo ang siyang nagtatrabaho at ang ilan ay nagbabakasyon lamang ay hindi po maaaring pasinungalingan ninuman,” aniya pa rin.
Sa ulat, ang pinaka-mataas na net satisfaction rating ni Pangulong Marcos ay nagmula sa Balanced Luzon na nasa ­“moderate” +13, may 5 puntos taas mula sa nagdaang quarter na “neutral” +8. Sinundan ito ng Visayas at +2, na may 10 points na taas mula sa -8 sa nagdaang quarter.
Sa Metro Manila, ang net satisfaction rating ni Marcos ay ­bumagsak ng 5 points na mula neutral ay naging poor na nagpapakita ng -2 noong Setyembre at -17 sa last quarter ng 2025 samantalang ang net satisfaction ­rating naman ni Marcos sa Mindanao ang pinaka mababa na “poor” o -29, mula sa -28 sa nagdaang quarter.
Ang nationwide survey ay ginawa sa ­paraang face-to-face interviews sa 1,200 adults na may edad 18-anyos at pataas nationwide. ( Daris Jose)

PBBM, inilunsad ang Phase II ng Chinatown Revitalization para palakasin ang pamana, turismong pang-kultura at negosyo

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PAGKATAPOS ng Pasig River Esplanade, ang Binondo naman ang susunod na pagagandahin.
Inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Phase II ng Chinatown Revitalization Project sa Binondo, Manila, araw ng Biyernes upang pangalagaan ang pamana ng distrito habang pinalalakas ang turismo at mga lokal na negosyo.
Sa opisyal na paglulunsad na ginanap sa Hotel Lucky Chinatown sa Binondo, sinabi ni Pangulong Marcos na pinarangalan ng proyekto ang matagal nang ugnayan sa kalakalan at ng kultura sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
“Itong inisyatiba ay tungkol sa paggalang sa kasaysayan at pagbibigay sa distrito ng pansin at paggalang na nararapat dito,” ayon sa Pangulo.
Matapos ang tagumpay ng Phase I na nagpanumbalik sa kagandahan ng Jones Bridge, sinabi ng Pangulo na layon ng Phase II na gawing masiglang sentrong pang-kultura at pang-ekonomiya ang Binondo.
“Lalo nating pauunlarin ang Ongpin Street bilang sentrong kultural at pang-ekonomiyang, at pagagandahin ang mahahalagang makasaysayang landmark gamit ang ilaw at tematikong presentasyon sa Ongpin at Escolta Streets,” ang winika ng Pangulo.
Katuwang din ito ng Pasig Bigyang Buhay Muli Program ng Administrasyon upang mapanumbalik ang Pasig River at mga komunidad sa paligid sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga pampublikong espasyo, makabagong sistema ng transportasyon at paglilinis ng waterways.
Maaari na ngayong maglakad, mag-jogging, o magbisikleta ang mga tao mula Intramuros hanggang makarating sa Binondo, ayon sa Pangulo.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang proyekto ay para sa kapakinabangan ng mga Chinese-Filipino na tinuturing ang Binondo bilang tahanan, ng lahat ng mga Manileño na pumupunta sa lugar araw-araw, at ng bawat Pilipinong nais na higit na maunawaan ang kultura at kasaysayan.
Sinabi ng Pangulo na naging posible ang proyekto dahil sa matibay na pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor, at Filipino-Chinese community.
Sa nasabing launching, pinanood din ng Pangulo at First Lady Louise Araneta-Marcos ang nailawang MacArthur Bridge; La Madre Filipina; Minor Basilica of Our Lady of the Pillar (Parokya ng Sta. Cruz); Qui Shan Gate; at ang Dragon Lights sa kahabaan ng Quentin Paredes Street. (Daris Jose)

Mahigit 423K na mga bahay, naipamahagi na; mas marami pang bahay, asahan – PBBM

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes na mahigit sa 423,000 pabahay ang naitayo o napondohan ng pamahalaan mula Hulyo 2022 hanggang Enero 2026 sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program.
Ito ay patunay ng mas pinaigting na pagsisikap ng administrasyon na maghatid ng ligtas, disente, at abot-kayang tahanan sa mga Pilipino.
“Mula Hulyo ng 2022 hanggang Enero ng 2026, tayo ay nakagawa at nakapag-finance ng higit 423,000 housing unit,” ayon sa Pangulo na pinangunahan ang seremonyal na pamimigay ng mga bagong pabahay at tulong sa ilalim ng Expanded 4PH Program na idinaos sa Megawide Precast Plant sa Taytay, Rizal.
“Malayo na ang ating narating, ngunit patuloy pa rin tayong nagsisikap upang maabot ang ating target na bahay sa mga susunod pa na taon,” dagdag pa ng Pangulo sa nasabing okasyon ng pagdiriwang ng ika-7 na anibersaryo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Binigyang-diin ng Pangulo na patuloy na magsisikap ang pamahalaan upang maabot ang target na pabahay sa mga susunod na taon.
Kanyang ipinaliwanag na pinabilis ang konstruksyon at pinagaan ang proseso ng pagkuha ng bahay sa pamamagitan ng mga reporma gaya ng pagpapababa ng interest rates sa housing loans, na nagbigay-daan upang mas maraming miyembro ng Pag-IBIG Fund ang makinabang.
Sa tulong ng mga subsidiya ng pamahalaan, mas maraming pamilya ang nagkaroon ng pagkakataong magkaroon ng sariling tahanan.
“At hindi po kami titigil dito,” ayon kay Pangulong Marcos, na idinagdag na ng kanyang pagbisita sa Megawide precast plant ay isang hakbang para sa pagtatayo ng mga bahay gamit ang modernong teknolohiya.
“Dito po ay ating natunghayan ang isang napakahalagang proseso kung paano mas mapabilis ang produksyon ng mga housing unit,” diin ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa produksyon ng housing units ay makatutulong upang mas mapabilis ang pagtatayo ng mga bahay.
Sa ika-pitong anibersaryo ng DHSUD, muling tiniyak ni Pangulong Marcos ang kanyang pangako na bigyang access ang mga Pilipino sa disente at abot-kayang pabahay, at nanawagan ng mas matibay na pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang palawakin ang saklaw ng Expanded 4PH Program.
“Kaya patuloy na magtutulungan ang pamahalaan at pribadong sektor upang pabilisin ang produksyon, ayusin ang proseso, at palawakin ang saklaw ng ating mga programa, lalo na ang Expanded 4PH Program,” pahayag ng Pangulo.
“Habang may Pilipinong nangangarap ng sariling tahanan, patuloy na kikilos ang pamahalaan upang suportahan ang pangarap na ito.” (Daris Jose)

PBBM, namahagi ng mga bagong bahay sa mga benepisaryo ng 4PH sa ika-pitong anibersaryo ng DHSUD

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng mga bagong tahanan at tulong sa mga benepisyaryo ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program bilang bahagi ng ika-7 anibersaryo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Sa naturang programa, binigyang-diin ng Pangulo ang kanyang pangako na magbigay ng disente at abot-kayang pabahay sa mga pamilyang Pilipino.
“Maraming kababayan pa natin ang nangungupahan nang walang katiyakan. Ang iba naman, walang sapat na proteksyon ang tirahan laban sa sakuna. Ang mga hamon na ito ang patuloy na tinutugunan ng DHSUD,” sinabi ni Pangulong Marcos sa okasyon na idinaos sa Megawide Precast Plant sa Taytay, Rizal.
Personal na ipinagkaloob ng Pangulo ang mga simbolikong susi para sa vertical at horizontal housing units, gayundin ang Certificates of Lot Award at tulong pinansyal para sa land at site development sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP).
Ipinagkaloob din niya ang Certificates of Entitlement sa mga benepisyaryong matagal nang naghihintay sa bisa ng mga Presidential Proclamations, na sa wakas ay nagbigay sa kanila ng kapanatagan sa lupang tinitirhan.
“Sila po ang mga kinatawan ng mga pamilyang natulungan natin na makamit ang pangarap na panatag sa lupang tinitirhan at bagong pag-asa sa bagong tahanan,” diin ni Pangulong Marcos.
“Nawa’y alagaan ninyo ang inyong mga bahay at punan ito ng maraming magagandang alaala kasama ng inyong mga mahal sa buhay.”
Itinatag noong Pebrero 14, 2019 sa bisa ng Republic Act No. 11201, ang DHSUD ang pangunahing ahensya na nangangasiwa, nagbabalangkas, at nakikipag-ugnayan hinggil sa mga programa sa pabahay at urban development. (Daris Jose)

Kasong plunder at anomalya sa flood control projects sa Bulacan… Korte, naglabas ng hold departure order laban kina Sen. Estrada at dating Sec. Bonoan

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGLABAS ng precautionary hold departure order (PHDO) ang Branch 52 ng Manila Regional Trial Court (RTC) laban kay Senador Jinggoy Ejercito Estrada at ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng mga kasong plunder at anomalya sa flood control projects sa Bulacan.

Ang utos ay inilabas noong Pebrero 10, 2026 sa ilalim ni Presiding Judge Juan Ranola Jr., at inatasan ang Bureau of Immigration na isama ang mga pangalan sa HDO list upang maiwasan ang pag-alis ng bansa habang nakabinbin ang kaso.
Kabilang sa mga pinangalanan sa order ang dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, dating Undersecretary Roberto Bernardo, at mga district engineers na sina Henry Alcantara at Gerard Opulencia.
Nakalista rin ang yumaong DPWH Undersecretary Cathy Cabral, na pumanaw noong Disyembre 2025, ngunit isinama pa rin sa dokumento bilang bahagi ng mga orihinal na respondent.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), ang hakbang ay bahagi ng pagtiyak na haharap sa proseso ang mga nasasakdal at hindi makakatakas sa bansa.
Samantala, naghain na ng counter-affidavit si dating DPWH Secretary Bonoan at nagpahayag ng intensyon na bumiyahe sa Estados Unidos sa gitna ng kaso.
Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), may P275 milyong halaga ng flood control projects sa Bulacan na may iregularidad, na siyang naging batayan ng imbestigasyon.
Binibigyang-diin ng DOJ na ang PHDO ay isang preventive measure upang mapanatili ang integridad ng proseso ng hustisya.
Sa kasalukuyan, nakatakdang ipagpatuloy ang pagdinig sa mga kasong isinampa laban kina Estrada at mga dating opisyal ng DPWH sa mga susunod na buwan.
Wala pa namang ipinalalabas na tugon ang kampo ng senador. (Daris Jose)

353 kolorum na sasakyan nalambat ng LTO

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UMAABOT sa 353 kolorum na mga sasakyan ang nalambat ng mga elemento ng Land Transportation Office (LTO) sa isinagawang One-Time Big-Time (OTBT) anti-colorum operation mula Pebrero 9 hanggang 11 ng taong ito.

Mula sa Region 4 A nakuha ang pinaka maraming bilang ng huli na umaabot sa 140 sasakyan, sinundan ng Region X – 34 apprehended vehicles at National Capital Region- 29 sasakyan ang nahuli. Sa mga nahuli, aabot sa 34 na sasayan ay mga bus.
“Colorum vehicles risk passenger safety, bypass regulations, and disadvantage compliant operators. We commend our personnel and ask the public to use only authorized transport. We will keep working to create a safer, more orderly system,” ani LTO Chief Markus Lacanilao.

Una nang binalaan ni Lacanilao ang mga private vehicle owners na huwag gagamitin bilang pampasaherong sasakyan dahil may katapat itong parusa at multa. (Daris Jose)

Back job sa mga depektibong flood control projects

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INIUTOS ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa mga kontratista na agad ayusin ang mga flood control projects na natukoy na may depektibo o hindi tumutugma sa itinakdang pamantayan.

Ayon sa mga ulat, natukoy ang mga proyektong ito matapos ang isinagawang inspeksyon at beripikasyon ng DPWH. Nakasaad sa kontrata ng DPWH na may “gua­rantee provision” kung saan obligadong itama ng kontratista sa sariling gastos, ang anumang kakulangan o depekto.
Ilang contractor naman ang nagpahayag ng kahandaan na gawin ang pagsasa-ayos batay sa obligasyon sa kontrata.

Samantala, sinusuri rin ng DPWH ang mga discrepancy kaugnay ng ilang proyekto sa Bulacan na napaulat bilang “ghost projects” bunsod ng maling grid coordinates na nakatala sa opisyal na records.

Ilang contractor naman ang nagpahayag ng kahandaan na gawin ang pagsasa-ayos batay sa obligasyon sa kontrata.

Samantala, sinusuri rin ng DPWH ang mga discrepancy kaugnay ng ilang proyekto sa Bulacan na napaulat bilang “ghost projects” bunsod ng maling grid coordinates na nakatala sa opisyal na records.
Ang grid coordinates ang ginagamit upang matukoy ang eksaktong lokasyon ng proyekto sa mapa at monitoring system. Batay sa joint inspection na isinagawa sa lugar, may mga proyektong napatunayang umiiral at gumagana, ngunit nagkaroon ng kalituhan dahil sa hindi tugmang datos ng lokasyon.

Patuloy ang beripikasyon ng mga dokumento at rekord upang maitama ang anumang maling impormasyon at malinawan ang ­katayuan ng mga nasabing proyekto.
(Daris Jose)