• November 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: November 22, 2025
    Current time: November 22, 2025 11:11 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 20th, 2025

Potensiyal na foreign-funded rallies, pagtataksil sa bayan- Malakanyang

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

“Pagtataksil sa bayan”
Ganito ilarawan ng Malakanyang ang report na may ilang anti-government rallies sa bansa ang maaaring sinuportahan ng foreign funding.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na mahigpit na mino-monitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kaganapan sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP).
Nauna rito, sinabi ng AFP na tinitingnan nito ang posibilidad ng foreign entities ang pagpopondo ang kamakailan na anti-government protest actions sa bansa.
“Kung ito man ay may katotohanan, kapwa Pilipino kung, again, kung may katotohanan at makikita po sa kanilang pag-iimbestiga na foreign-funded itong kanilang isinasagawang rally, masasabi po nating ito ay pagtataksil sa bayan,” ang sinabi ni Castro.
“Hindi po nararapat ito na pinanghihimasukan tayo ng ibang bansa. Ang politika natin ay mukhang pinanghihimasukan na ng ibang bansa, so, hindi po maganda,” aniya pa rin.
Sa ulat, posibleng pinopondohan umano ng ‘foreign groups’ ang magarbong kilos protesta laban sa korapsyon sa flood control projects na isinagawa sa People Power Monument sa Quezon City .
Ito ang inihayag sa press briefing sa Camp Aguinaldo ni Acting AFP Spokesman at Navy Spokesman for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na naghihinalang ang dayuhang grupo ay mula sa China .
“And we are checking all possible leads especially when it comes to funding if these were done by domestic or maybe even, for all we know, foreign groups. We’re checking all possible leads,” ani Trinidad.
Ang anti-corruption rally sa PPM ay inorganisa ng United People’s Initiative (UPI) na pinangungunahan ni ret. Philippine Air Force Major General Romeo Poquiz.
Sa nasabing rally ay may ilang mga personalidad ang nanawagan ng pagbibitaw sa puwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. habang hinikayat rin ng mga ito ang AFP na kumalas na ng suporta sa punong ehekutibo na kanilang Commander in Chief.
Kabilang naman sa mga dumalo sa nasabing rally ay ilang mga retiradong heneral na naging malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakaditine sa The Hague, Netherlands kaugnay ng kasong crimes against humanity. (Daris Jose)

LAHAT NG KITA MULA SA AUCTION NG LUXURY VEHICLES, MAPUPUNTA SA KABANG BAYAN – MALAKANYANG

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ILALAGAY sa pambansang kabang bayan ang lahat ng kita mula sa isusubastang pitong luxury vehicles nagkakahalaga ng mahigit sa Php103 milyon na pag-aari ng mag-asawang Pacifico at Cezarah Discaya—bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa korapsyon.
“Bilang tugon sa utos ni Pangulong Marcos Jr. na maibalik ang pera ng taumbayan mula sa mga maanomalyang flood control projects, sinimulan na kaninang umaga ang pag-auction sa pitong mamahaling sasakyan ng mga Discaya na nakumpiska sa Bureau of Customs (BOC),” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malacañang.
“Ayon sa BOC, sa pangunguna ni Commissioner Ariel Nepomuceno, makakaasa ang taumbayan na lahat ng proceeds mula sa auction ay agad na iri-remit sa national treasury. Ibig sabihin, buong-buo na maibabalik ang pondo sa kaban ng bayan,” diin ni Castro.
Isinusubasta ang nasabing mga luxury vehicles ng Bureau of Customs (BOC) sa South Harbor, Port Area, Maynila, bilang patunay ng seryosong paninindigan ng Pangulo na hindi palalampasin ang mga illegal na gawain sa pamahalaan at pananagutin ang mga tiwaling opisyal.
Sinabi ni Castro batay na rin sa pahayag ng BOC, ang pagsubasta ang unang hakbang sa pagbawi ng mga ninakaw na pondo ng gobyerno.
Dagdag pa rito ang ginagawang imbestigasyon sa 14 pang construction companies.
“Mahigit tatlong buwan pa lang simula nang paimbestigahan ni Pangulong Marcos Jr. ang isyu ng korapsyon, may nakikita nang resulta ang taumbayan,” punto pa ni Castro.
“Isa itong patunay sa seryosong paghahabol ng Pangulo sa mga iligal na gawain ng mga korap sa pamahalaan.”
Una nang kinumpiska ng BOC ang mga sasakyan ng mga Discaya dahil sa mga iregularidad sa importasyon at dokumentasyon.
Kabilang ang mag-asawang Discaya sa mga pangunahing kontratista na nasangkot sa kontrobersiya sa flood control projects.
Kasama sa mga sasakyang isinailalim sa auction ang sumusunod: Toyota Tundra (2022), Toyota Sequoia (2023), Bentley Bentayga (2022), Rolls-Royce Cullinan (2023), Mercedes-Benz G500, Brabus (2019), Mercedes-Benz G63 AMG (2022), at Lincoln Navigator L (2021).
(Daris Jose)

Valenzuela, inilunsad ang “Trash to Cashback: May Balik sa Basura” Program PARA hikayatin ang mga Valenzuelano sa wastong pamamahala ng basura at pagtataguyod ng kamalayan at pananagutan sa kapaligiran, nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa Basic Environmental Systems & Technologies, Inc. (BEST) sa paglulunsad ng “Trash to Cashback: Valenzuela City’s May Balik sa Basura” Program na ginanap sa Disiplina Village Bignay.

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

Bilang isa sa mga highly urbanized na lungsod sa Metro Manila, ang mabilis na paglaki ng populasyon ng Valenzuela ay katumbas ng pagtaas ng waste generation. Habang ang lokal na pamahalaan ay aktibong nagpapakalat ng mga dump truck upang araw araw mangolekta ng basura, napansin na ang isang bahagi nito ay maaaring i-recycle.

Ang pamahalaang lungsod ay naghanap ng solusyon para isulong ang pag-uugali sa pag-recycle sa mga Valenzuelano, simula sa kanilang sariling mga tahanan, sa pamamagitan ng pagbibigay-insentibo at pag-convert ng mga recyclable sa monetary o redeemable rewards.

Dahil dito, nakipagtulungan ang lungsod sa BEST na siyang nagsusulong ng “Trash to Cashback: May Balik sa Basura” Program na naglalayong gumamit ng reward-based system upang hikayatin ang mga Valenzuelano sa wastong paghihiwalay at pag-recycle ng basura.

Ang mga recyclable gaya ng single-use na plastic, metal, papel, salamin, at electronic na basura ay may katumbas na Environmental Points na maaaring i-convert sa mga redeemable reward

Ang Trash to Cashback Program ay hindi lamang nagtataguyod ng pag-uugaling responsable sa kapaligiran, nag-aalok din ng pagkakataong kumita. Para maipalaganap ang kamalayan sa mga benepisyo ng Trash to Cashback na initiative, sisimulan ng pamahalaang lungsod ang pagpapatupad ng programa sa mga komunidad na highly condensed tulad ng Disiplina Villages.

Upang matiyak ang tagumpay ng programang Trash to Cashback, lumagda ang pamahalaang lungsod sa isang Memorandum of Agreement sa BEST para patatagin ang kanilang partnership. Nakipagtulungan din ang lungsod sa mga pribadong organisasyon tulad ng RMC Enviro, Envirocycle, at River Recycle, na nag-alok din ng suporta sa mga inisyatiba sa kapaligiran ng lungsod.

Ang River Recycle ay nangako ng mga basurahan gawa sa mga recycled na materyales, ang Envirocycle ay nagbigay ng “E-bins” para sa electronic waste, at ang RMC Enviro Enterprises ay nagkaloob ng cash payments para sa mga residente na nangongolekta ng used cooking oil.

Sa paglulunsad, nasaksihan ng mga Valenzuelano ang unang seremonyal na transaksyon sa pamamagitan ng Trash to Cashback program, kung saan ang mga nakolektang recyclable ay ginawang redeemable points.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor WES Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng disiplina at pagsasabuhay ng kultura ng paghihiwalay ng basura sa tulong ng Trash to Cashback Program.

“Simula pa lamang ito. Ang panalangin ko po ay sana kumalat pa ito [Trash to Cashback Program] sa 33 barangays; at higit sa lahat, ay ‘yung kultura po [ng pag-segregate],” ani Mayor Wes.
(Richard Mesa)

LTFRB NAGBABALA sa mga PUV driver, operator ba sunduin ang batas hinggil sa 29% fare discount lalo na sa mga estudyante

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs) na mahigpit na sundin ang umiiral na batas hinggil sa 20% fare discount, lalo na para sa mga estudyante.
Ipinahayag ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II ang babala matapos makatanggap ng mga reklamo na ilang sasakyang pampasahero ang hindi nagbibigay ng 20% discount tuwing long weekends at sa mga nagdaang class suspensions.
“Napakalinaw ng batas tungkol dito. Dapat may discount ang mga estudyante kahit sa mga holiday basta’t sila ay naka-enroll,” ani Chairperson Mendoza, na idinagdag na ang babala ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang matiyak ang kapakanan ng mga estudyante.
Tinukoy niya ang Republic Act 11314, o “An Act Institutionalizing the Grant of Student Fare Discount Privileges on Public Transportation.”
Ayon sa Seksyon 4 ng Batas: “Ang fare discount na ipinagkakaloob sa ilalim ng Act na ito ay dapat ipatupad sa buong panahon ng enrollment ng estudyante, kabilang ang weekends at holidays.”
“Kaya’t muli naming pinaaalalahanan ang mga operator at driver na mahigpit na sundin ang batas. Kung wala man kayong anak o kamag-anak na estudyante, lahat tayo ay dumaan sa buhay estudyante,” dagdag ni Chairperson Mendoza.
“Kaya umayos kayo dahil kung hindi, ako mismo ang mag-aasikaso ng mga kaso laban sa inyo para hindi lang kayo magmulta kundi mawalan pa kayo ng prangkisa,” mariing babala niya.
Batay sa batas, ang pinakamataas na parusa para sa mga PUV driver ay tatlong buwang suspensyon ng driver’s license at multang ₱1,000 sa bawat paglabag.
Samantala, ang operator ay maaaring pagmultahin ng hanggang ₱15,000 at mabawi ang Certificate of Public Conveyance.
Hinimok din ni Chairperson Mendoza ang mga estudyante na magsampa ng reklamo sa LTFRB sa pamamagitan ng Hotline 0956-761-0739 o sa mga social media account ng LTFRB.
Ipinanawagan din niya ang parehong hakbang sa iba pang benepisyaryo ng fare discounts gaya ng senior citizens at persons with disabilities.
(PAUL JOHN REYES)

Bawat OFW dapat itrato bilang bayani -PBBM

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KINILALA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes, Nobyembre 20, ang mahalagang ambag ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kaunlaran ng bansa at tiniyak na patuloy ang suporta ng kanyang administrasyon upang mapagaan ang kanilang buhay at palakasin ang mga programang nagtataguyod sa kanilang kapakanan.
Sa ginanap na seremonya ng 2025 Bagong Bayani Awards sa Ceremonial Hall sa Palasyo ng Malakanyang, ipinaabot ni Pangulong Marcos ang taos-pusong pasasalamat sa mga migranteng manggagawa sa pagpapamalas ng diwa ng malasakit at kasipagan ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo, na siyang hinahangaan ng international community.
“Ngayong araw, magbibigay pugay tayo sa ating mga bagong bayani. Kinikilala ng Bagong Bayani Awards ang kakayahan, karangalan at kabutihang loob ng mga Pilipino na sa kabila ng pang-iibang bansa, ay nagagawang ipakita ang tunay na pagka-Pilipino,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Tuwing may kausap akong taga-ibang bansa, parating sinasabi sa akin ang husay ng mga Pilipino na nandoon sa amin. Kaya, maraming salamat sa inyong lahat pagbibigay karangalan sa ating bayan,” dagdag pa ng Pangulo.
Tiniyak ng Pangulong Marcos na magpapatuloy ang buong suporta ng pamahalaan sa mga OFW.
“Through the Department of Migrant Workers, we shall continue to elevate protection, streamline services, and ensure that every OFW is treated as the hero that they are,” diin ng Chief Executive.
Ang Bagong Bayani Awards ay itinatag noong 1983 sa pamamagitan ng Letter of Instruction No. 1320 na inilabas ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., bilang pagkilala sa mga OFW na nagpapakita ng propesyonalismo, kahusayan, at dedikasyon sa kanilang trabaho.
Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang mga sakripisyo ng mga OFW para sa kanilang pamilya at nangakong magpapatuloy ang suporta ng pamahalaan upang mapabuti ang kanilang pamumuhay.
“Hindi biro ang manirahan sa ibang bansa, makisama sa ibang lahi, at mawalay sa pamilya, ngunit patuloy pa rin ang inyong mga sakripisyo para sa inyong mga minamahal sa buhay. Kaya bilang suporta, asahan ninyo na nandito lang ang inyong pamahalaan,” ayon sa Pangulo.
Kabilang naman sa mga kasalukuyang inisyatibo ng gobyerno para sa OFWs ang:
• Digitalization ng proseso ng overseas employment gaya ng OFW Travel Pass sa eGovPH App at Online Employment Contract Verification System
• Pag-isyu ng humigit-kumulang 300,000 electronic cards mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa mas madaling access sa mga serbisyo at benepisyo ng gobyerno, at
• Pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng OFW Hospital at OWWA Botika
Samantala, sa ilalim ng AKSYON Fund, nagbibigay ang mga tanggapan ng DMW ng legal, medikal, at pinansyal na tulong sa mga OFW.
Itinatag din ng pamahalaan ang OFW Lounge sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang tiyakin ang kaginhawahan ng mga bumibiyaheng OFW.
Para sa kanilang proteksyon, pinaigting ng gobyerno ang mga hakbang laban sa human trafficking.
Sinusuportahan din ng DMW ang mga programa para sa reintegration ng mga nagbabalik na OFW sa pamamagitan ng pagbibigay ng panimulang puhunan, pagsasanay sa financial literacy, at suporta sa kabuhayan.
“Lahat ng ito ay upang masiguro na hindi masasayang ang inyong pinaghirapan at maging matagumpay ang inyong pag-uwi. Kaya naman po sa inyong pag-alis at pagbalik, tandaan po ninyo na hindi kailanman kayo nag-iisa,” hayag ng Pangulo.
“Gagawin namin ang aming makakaya upang maprotektahan at masuportahan ang bawat Bagong Bayani.”
Ang mga awardee ng Bagong Bayani Award ngayong taon ay sina Engr. Romaline Dizon Isla bilang Outstanding Employee; Eva Rasgo Mapa para sa Community and Social Service; Michael Palic Conjusta para sa Culture and the Arts; Capt. Rolly Tenorio Lapinig and the 18 Filipino Crew of MV MSC Aube F para sa Heroic Act; at Camille Figueras Jesalva-Junio para sa the Susan “Toots” V. Ople Award.
Para sa Bagong Bayani Award for Successful Reintegration, ang mga awardee ay sina Elaine Vianca G. Figueroa, Ruellyn S. Ribon, at Alexander Inday Sebastian.
Bilang panghuli, si Capt. Gaudencio C. Morales ay awardee ng Bagong Bayani Award for Successful Reintegration at Capt. Gregorio S Oca Achievement Award.

Pinas, Palestine hangad ang mas malakas na pagtutulungan

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HANGAD ng Pilipinas at Palestine ang mas malakas na pagtutulungan habang muling inulit ng Maynila ang long-held position nito para sa two-state solution para resolbahon ang Palestinian at Israeli conflict, sinasabing “it is the only viable path” tungo sa kapayapaan at katatagan sa Gitnang Silangan.
Inanunsyo nina Foreign Secretary Theresa Lazaro at visiting Palestinian Foreign Minister Varsen Shahin ang mga plano para palakasin ang pagtutulungan sa ilang lugar, kasama ang ginawang pag-aalok ng Maynila na magbigay ng capacity-building training sa Palestine government.
“The future of Philippine-Palestine relations is bright and promising,” ayon kay Lazaro sa kanilang joint press conference sa Maynila sabay sabing “I look forward to a stronger and more dynamic cooperation between our two countries under the shared vision of peace, stability, and prosperity.”
Kapwa naman sinang-ayunan ng dalawang opisyal na i-promote “common interests” at gumawa ng kaukulang hakbang para isapinal ang kasunduan sa ilang pinakamahalaga sektor gaya ng edukasyon at mga usapin ng konsulado.
Sinabi ni Lazaro na napagkasunduan nila ni Shahin na madaliin ang konklusyon ng visa waiver agreement para sa mga diplomatic at official passports para sa dalawang bansa.
Ang kasunduang ito ayon kay Lazaro, magbibigay-daan para sa “greater interaction and closer cooperation” sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at Palestine at maging policy makers.
Si Shahin, ang first high-ranking Palestinian official na bumisita sa Pilipinas sa halos apat na dekada, pinasalamatan ang Pilipinas para sa suporta nito para sa Palestine, partikular na sa ‘message of concern’ nito para sa situwasyon ng mga alestinian people, partikular na sa Gaza, at pakikipaglaban nito para sa liberasyon.
“We’ve had great discussions, and I’ve heard lots of words of support, and we have been received with a lot of warmth, so thank you very much for that,” ang sinabi ni Lazaro.
“If we look at the (United Nations) voting record of the Philippines, that’s extremely positive in terms of Palestine. It stands on the two-state solution.”aniya pa rin.
Ipinabatid din niya kay Shahin ang kahandaan ng Pilipinas na magbigay ng technical at capacity-building assistance sa Palestine, “which may be relevant to the development agenda of Palestine.”
(Daris Jose)

MOA signing kasama ang Department of Energy para sa “Solar Solutions for Government: Energy Efficiency and Renewable Energy in Public Buildings”

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

LUMAGDA si Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa Memorandum of Agreement kasama ang Department of Energy para sa “Solar Solutions for Government: Energy Efficiency and Renewable Energy in Public Buildings” program. Aniya, layon nitong palakasin ang paggamit ng renewable energy sa public buildings at isulong ang mas maayos at efficient na paggamit ng kuryente.

Malaking hakbang rin aniya ito hindi lang para mabawasan ang gastusin sa kuryente, kundi para mapangalagaan din ang kalikasan. (Richard Mesa)

Pinabulaanan na sangkot siya sa flood control controversy… Lucas Bersamin: “I never did resign.”

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ITINANGGI ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin na nagbitiw siya sa kanyang tungkulin taliwas sa kalatas na ipinalabas ng Malakanyang na umalis siya sa gabinete.
Pinabulaanan din ni Bersamin na sangkot siya sa flood control controversy.
“I resigned out of delicadesa. Masarap pakinggan ang out of delicadesa. Pero di naman totoo yan, di ako nag-resign,” ayon kay Bersamin.
“The only letter I sent regarding my position na wala na was that letter I signed yesterday late afternoon na sinabi ko I bow to the prerogative of the President. That is the nature of my tenure at the pleasure of the President. So wala. I will not also validate na may resignation ako kung wala.” … I am to go to leave as Executive Secretary exit na ako,” aniya pa rin.
“You ask them kung bakit nila without consulting me. The messaging should be clear. You ask them if they had a letter.” ani Bersamin.
At nang tanungin kung ano ang naramdaman niya sa bagay na ito, ang sagot ni Bersamin ay “I felt bad somehow but I am not going to waste time worrying about the new ones or the way they did it because maybe they were also under instruction or given the impression na may resignation.”
“I cannot blame them for that. I just would like to correct ‘yung impression na nag-resign ako. I never did resign,” diing pahayag ni Bersamin.
Sa kabilang dako, inamin ni Bersamin na problema niya ang naging pagkakadawit ng kanyang tanggapan sa usapin ng anomalya sa flood control projects.
“Ako yan ang problema ko. Malaki kasi hindi ko alam yung mga ganyan. Yung Office of the Executive Secretary does not have anything to do with insertions or budget,”giit ni Bersamin.
“I vehemently deny the imputation against me that I said anything to Sec. (Manny) Bonoan that ‘we will take care of it’ regarding the supposed facilitation of the P52 billion,” aniya pa rin.
At nang tanungin si Bersamin kung handa siyang humarap sa anumang pormal na imbestigasyon o inquiry para malinis ang kanyang pangalan, ang sagot ni Bersamin ay “Wag na. Dahil alam ko roon, there is no thing that I can say. If ever they want to charge me as the mastermind, whatever case they want to file, they file it. Ayaw ko na magsira-sira mga buhay ng tao at papasinungalingan ko :yan. Wala naman akong papasinungalingan pa.”
Sa kabilang dako, sinabi ni Bersamin na wala siyang dapat na ipaliwanag sa publiko dahil wala talaga siyang kinalaman tungkol sa budget insertion.
“Kung may mga tao na gusto akong i-implicate dyan, itigil nyo na yan, i-demanda nyo na lang ako para sagutin ko ng tama. Kasi right now puro innuendo, puro mga pasaring,” ayon kay Bersamin sabay sabing “Di maganda yan. Justice ako dati. Wala akong eskandalo.”
“Ngayon pa na Executive Secretary ako, idadamay nyo ako sa ganyan, idadawit nyo ako. Patunayan nyo na lang ‘yan kung may patunay. Kung chismis lang, huwag naman. Dahil sa social media napakabilis na makasira,” pakiusap ni Bersamin.
“So inuulit ko lang yan, sinasabi ko lang, inuulit ko na ang sulat na pinadala ko tungkol sa pagkapalit sa akin ay kahapon ko lang pinirmahan, kahapon ay Martes, November 18. Ang announcement was made around 2 o’clock yata ng hapon ng lunes, November 17. Alam mo, ang mga ganitong proseso dapat may mauna na logical may resignation muna bago mo tanggapin,” ang pahayag ni Bersamin.
(Daris Jose)

Recto, nanumpa sa harap ni PBBM bilang bagong Executive Secretary; Go bilang Finance chief

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINANGASIWAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panunumpa sa tungkulin nina Acting Executive Secretary Ralph Recto at Finance Acting Secretary Frederick Go sa Palasyo ng Malakanyang.
Ang seremonya ay isinagawa matapos tanggapin ni Pangulong Marcos, “out-of-delicadeza” ang pagbibitiw sa tungkulin nina Executive Secretary Lucas Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman, kung saan ang kani-kanilang tanggapan ay nabanggit sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa di umano’y anomalya sa flood control projects.
Nauna rito, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na boluntaryong nagbitiw sa kani- kanilang tungkulin sina Bersamin at Pangandaman para bigyan ang administrasyon ng “full latitude” para tugunan ang mga usapin sa imbestigasyon at protektahan ang integridad ng tanggapan na kanilang pinamumunuan.
Sa pag-upo ni Recto bilang Executive Secretary, inaasahan na pangangasiwaan nito ang day-to-day operations ng Office of the President (OP), palalakasin ang inter-agency coordination, at isulong ang ‘high-impact programs’ ng administrasyon.
Bitbit ni Recto ang may ilang dekada nang karanasan sa ‘national planning, fiscal policy, at legislative reforms.’
Samantala, kagyat na uupuan ni Go ang liderato sa Department of Finance matapos magsilbi bilang Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs.
Sinabi ni Castro na ang pagpapalit ng liderato ay sumasalamin sa commitment ng Pangulo na “institutional strengthening and clean governance as inquiries continue into alleged budget irregularities.” ( Daris Jose)

Mga BPO firms na pilit nagpapasok sa mga empleyado noong may kalamidad, imbestigahan

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HINIKAYAT ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno ang Kamara na imbestigahan ang napaulat na ni-require ng mga business process outsourcing (BPO) firms ang mga empleyado nito na pumasok kahit may kalamidad at matinding bagyo.

Sa House Resolution No. 491 na isinumite kasama sina Akbayan Partylist Reps. Perci Cendana at Dadah Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, nanawagan si Diokno sa House committee on labor and employment, committee on disaster resilience, ay iba pang kaukulang komite na magsagawa ng joint inquiry sa umano’y hindi ligtas na work practices na nakaapekto sa mahigit na 1.8 million Filipino BPO workers sa buong bansa.

Sinabi ni Diokno sa kanyang privilege speech nitong Lunes (Nov. 17) na batay sa lumabas na credible reports na pinapasok ng BPO companies ang kanilang empleyado na pisikal na pumasok sa trabaho o pilit na pinagamit ng leave credits noong may bagyo at iba pang natural na kalamidad, sa kabila ng mapanganib na kondisyon at government advisories.

“Sa kasagsagan ng Bagyong Tino at Bagyong Uwan, maraming BPO workers ang napilitang lumusong sa baha at sumuong sa malalakas na ulan at hangin—hindi upang maghanap ng ligtas na masisilungan, kundi upang makapasok sa trabaho. Ayon sa kanila, pinagbantaan sila ng kanilang mga kumpanya na paparusahan kung hindi sila papasok, kahit malinaw na delikado ang sitwasyon,” anang mambabatas.

Binigyan diin nito na ang practice na papasukin ang manggagawa na pumasok kahit may kalamidad ay ipinagbabawal sa batas, kabilang na ang probisyon sa Labor Code on occupational safety, at Republic Act No. 11058, para sa karapatan ng empleyado na tumanggi ng trabaho ng walang pangamba na mapapatalsik sa trabaho.

Dagdag pa aniya ang DOLE Labor Advisory No. 17 (2022) na nagsasaad na ang “employees who fail or refuse to work due to imminent danger resulting from weather disturbances shall not be subject to administrative sanction.”

Sa kabila ng mga polisiya, 98 BPO firms ang tinignan ng Department of Labor and Employment kasunod ng ulat na pinilit na pumasok sa trabaho noong may bagyo.

Bukod sa imbestigasyon, pinasisilip din ng resolution ang contingency plans at emergency protocols ng mga kumpanya para masiguro ang kaligtasan ng empleyado, enforcement mechanisms ng RA 11058 at karapatan na tumanggi sa hindi ligtas na trabaho; sapat na tugon ng DOLE sa reklamo at potential legislative reforms, tulad ng paid emergency leave, expanded remote-work options, simplified reporting mechanisms, at mabigat na parusa sa mga lalabag.
Ang Pilipinas ay tinatamaan ng nasa 20 bagyo sa isang taon, na nakaapekto sa kaligtasan at work mobility ng mga manggagawa.
“Filipino workers are not waterproof and calamity-proof. Forcing them into danger for profit is unacceptable, and we will never stand idly by in the face of unjust policies,” pagtatapos ni Diokno.
(Vina de Guzman)