• November 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: November 22, 2025
    Current time: November 22, 2025 10:35 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 20th, 2025

Life imprisonment ALICE GUO, HINATULAN NG GUILTY SA KASONG QUALIFIED HUMAN TRAFFICKING

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HINATULAN ng guilty si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kasong qualified human trafficking na konektado sa iligal na operasyon ng POGO hub sa nasabing bayan.Si Guo ay hinatulan ng life imprisonment kasama sina Jaimielyn Santos Cruz, Racelle Malonzo Carreon, Walter Wong Rong ng Pasig RTC Branch 167.Ayon kay Department of Justice (DOJ) Under Secretary Nicholas Ty, ito ang bunga ng lahat ng kanilang trabaho kaya masaya sila sa naging hatol ng korte .Dagdag pa, Ikinatuwa nila na nakamit ang hustisya hindi lamang sa paghatol kay Guo at iba pa kundi pati sa forfeiture ng Bamban property.Bukod sa habambuhay na pagkakakulong, pinagmumulta rin ng korte ng tig P2 milyon ang nabanggit na mga indibidwal .Sinabi rin ni Ty na ang human trafficking case ang “pinakamabigat” sa mga kaso ni Guo, bukod pa sa falsification of public documents at money laundering. (Gene Adsuara)

Ibat ibang samahan nagpakita ng suporta para kay PBBM

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG QUEZON – Sa pangunguna ng Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), at iba’t ibang samahan ay nagsagawa ng isang Anti-Corruption and Peace Rally, na may temang, “Protect PBBM, protect the mandate of the Filipino People” hapon ng ika-18 ng Nobyembre 2025, sa Welcome/Mabuhay Rotonda, sa Lungsod ng Quezon, ay naglalayong ipakita ang paninindigan at suporta kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. at pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa katiwalian sa flood control projects.“Mariin naming kinokondena ang anumang uri ng kaguluhan at katiwalian na sumisira sa kapakanan at kapayapaan ng bayan. Naninindigan kami para sa isang lipunang makatarungan, mahinahon at may paggalang sa karapatan ng bawat Pilipino. Hinihikayat namin ang bawat Pilipino na patuloy na maging mapagbantay laban sa mga gawaing hindi makakatulong sa ikakabuti ng sambayanan. Pagsunod sa mga demokratikong proseso, umiiral na mga batas, at ang mandato na ibinigay ng mamamayan sa ating mahal na Pangulo upang matiyak na may matibay na ebidensyang maihahain sa hukuman upang maipakulong at mapanagot ang lahat ng mga sangkot sa korapsyon sa flood control projects”, ayon sa pahayag ni Giselle Albano, ang tagapagsalita ng FDNY Movement.“Kami ay patuloy na maninindigan, makikipagtulungan at ipagtatanggol ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para sa pagtataguyod ng Bagong Pilipinas para sa tao at para sa bayan. Ang tao, ang bayan, ayaw ng kaguluhan at katiwalian. Protect PBBM, protect the government of the people, by the people, for the people,” dagdag ni RJ Villena Jr., ang tagapagsalita ng Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD).Sa pagtatapos ng programa, hinikayat ng mga taga-suporta ni PBBM ang mamamayan na makiisa sa pagtataguyod ng kapayapaan, demokrasya at maayos na pamamahala para sa Pilipinas nating mahal. (PAUL JOHN REYES)

Pinoy boxer Criztian Laurente sasabak sa Thailand

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

Sasabak sa unang pagkakataon sa Thailand si Criztian Pitt “Golden Boy” Laurente.
Makakaharap niya si Sagar Singh ng India para sa anim na round na tune-up fight.
Gaganapin ang laban sa darating na Nobyembre 29 sa Bangkok, Thailand.
Si Laurente ay kasalukuyang Pan Pacific lightweight champion ng International Boxing Federation (IBF) mayroon itong 15 panalo at wala pang talo at siyam na knockouts.
Habang si Singh ay mayroong tatlong panalo at wala pang talo na mayroong dalawang knockouts.

Filipino Tennis Star Alex Eala, nagsanay kasama si Rafael Nadal

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

Bumalik sa pag-eensayo si 22-time Grand Slam champion at tennis icon Rafael Nadal, halos isang taon matapos magretiro.

Sa bagong post ng tennis legend, makikitang kasama niya sa pagsasanay si Filipino tennis star Alex Eala sa Rafa Nadal Academy.

Ikinatuwa ni Nadal ang kanyang muling pagbabalik sa tennis court, habang kinikilala rin niya ang husay ng Pinay tennis player.

Biro pa ni Nadal, sa susunod ay mas malakas na siyang haharap kay Eala.

Oktubre 30 nang huling lumaban si Eala sa singles ng Hong Kong Open, kung saan nabigo siyang umusad sa Round of 16 laban kay Canadian tennis player Victoria Mboko.

Nagretiro si Nadal noong 2024 matapos ang mahaba-habang karera sa professional tennis, kung saan isa sa kanyang pinakatanyag na rekord ay ang pagiging World No. 1 sa loob ng 209 linggo.

ALLOWANCES SA MGA PISKAL AT HUKOM, INILABAS NA

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INANUNSIYO ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Huwebes, Nobyembre 20, ang pagpapalabas ng higit ₱22.3 milyon na allowances para sa mga piskal at hukom na naka-assign sa lungsod. Ito ay nagpapatuloy sa linggong sunod-sunod na payout matapos ilabas noong Lunes ang ₱317 milyon na year-end benefits para sa mga empleyado ng City Hall.

Ginawa ng alkalde ang anunsyo matapos ang kanyang pulong noong Miyerkules, Nobyembre 19, kasama ang mga opisyal ng Office of the City Prosecutor at mga kinatawan ng trial courts ng Maynila.

Dumalo sa pagpupulong sina Senior Assistant City Prosecutor Jolas Brutas, Assistant City Prosecutor Jasyrr J. Garcia, Metropolitan Trial Court Executive Judge Michelle Divina-Delfin, at Regional Trial Court Executive Judge Carolina Icasiano-Sison.

Ayon kay Domagoso, babayaran ng city government ang naipong allowances na nakalaan para sa Office of the City Prosecutor, mga hukom ng Metropolitan Trial Court (MeTC), at mga hukom ng Regional Trial Court (RTC).

Saklaw ng payout ang iba’t ibang panahon—mula Abril hanggang Oktubre 2025 para sa mga piskal, at mula Mayo hanggang Setyembre 2025 para sa mga hukom, depende sa kani-kanilang alokasyon.

Para sa Office of the City Prosecutor, naglaan ang lungsod ng ₱10,448,233.27 para sa Abril hanggang Oktubre 2025.

Makakatanggap naman ang MeTC Manila ng ₱4,047,000.00 para sa Mayo hanggang Setyembre 2025, habang ₱7,807,000.00 ang ilalabas para sa RTC Manila para sa Mayo hanggang Hulyo 2025.

Sa kabuuan, aabot sa ₱22,302,233.27 ang allowances na ipalalabas ng city government.

Ang hakbang na ito ay kasunod lamang ng tatlong araw matapos ipag-utos ni Domagoso ang pagpapalabas ng ₱317,014,291.84 na year-end bonuses at cash gifts para sa regular na kawani ng City Hall—na aniya’y naisakatuparan dahil sa mas mahigpit na paggastos, mas mahusay na revenue performance, at mas istriktong disiplina sa mga departamento.

Sa flag-raising ceremony noong Lunes, inamin ng alkalde ang hirap pinansyal bago maisagawa ang payout, ngunit pinuri niya ang kanyang team sa pagpapanumbalik ng kaayusan sa pananalapi.

Paulit-ulit din niyang pinaalalahanan ang mga empleyado na magbigay ng pasensya at maayos na serbisyo lalo na’t tumataas ang foot traffic sa City Hall, habang ipinaalala rin sa publiko ang nagpapatuloy na General Tax Amnesty sa ilalim ng Ordinance No. 9118 hanggang Disyembre 31, 2025, at ang mga schedule ng early-payment discounts para sa 2026 Real Property Tax.

Hinimok rin ni Domagoso ang mga residente na gamitin ang Go Manila online platform upang magbayad ng buwis, kumuha ng business permits, at magsagawa ng iba pang transaksiyon sa pamahalaan nang hindi na pumipila onsite. (Gene Adsuara)

Usec. Castro, hindi masabi kung bakit at sino ang nagpatanggal kay Bersamin bilang Executive Secretary

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HINDI masabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung bakit tinanggal sa puwesto si dating Executive Secretary Lucas Bersamin at kung sino ang nasa likod ng hakbang na ito matapos na idawit ni Bicol party-list Rep. Elizaldy Co sa kontrobersiyal at maanomalyang flood control scam ang dating tinaguriang “Little President.”
“Hindi ko po masasabi kung sino po ang nagpatanggal sa kaniya,” ang sinabi ni Castro nang tanungin sa press brefing sa Malakanyang kung bakit tinanggal si Bersamin at sino ang nagpatanggal sa kanya.
Matatandaang, si Castro ang nag-anunsyo nang pagbibitiw sa puwesto ni Bersamin, ‘out of delicadeza.’
Nauna rito, itinanggi ni Bersamin ang lumabas na balita na siya ay nagbitiw sa puwesto, ‘out of delicadeza’.
Noong Setyembre ay nadamay ang pangalan ni Bersamin sa anomalya sa flood control project kung saan ibinunyag ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo na mayroong commitment ito ng 15 percent sa Office of Executive Secretary mula sa P2.85-bilyon na halaga ng proyekto na pinabulaanan naman ni Bersamin.
Sinasabing hindi lamang si Bersamin ang isang malaking kuwestiyon sa mga mamamayang filipino na inalis sa puwesto, kinuwestiyon din ng publiko ang pagkakaalis kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong mula sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.
“Tanong po natin, tinanggal po ba si Mayor Magalong? Sino po ba ang nag-resign? Ang huli nating pagkakasabi tungkol kay Mayor Magalong ay papatingnan, ipapa-check, ipapa-assess sa legal team kung mayroon bang naba-violate. Wala pong nagpa-resign kay Mayor Magalong, aksiyon niya po iyan, boluntaryo kaya hindi po puwedeng isama or sabihin na may unceremoniously call for his resignation,” ayon kay Castro.
At sa tanong kung bakit tila nauuna ang anunsyo bago pa ipatawag sila para ipaalam na aalisin sila sa puwesto, sinabi ni Castro na “Tandaan po natin, lahat naman po kami ang aming service ay upon the pleasure of the President. Sabi nga nila pagpasok mo dito hindi mo alam kung ito na iyong huling araw mo. So, lahat po kami dapat ay handa doon.”
Samantala, sa ngayon ay wala pang ipinaaabot kay Castro kung may internal investigation ukol sa flood control mess.
Ang katuwiran ni Castro ay mayroon naman na kasing ICI na nag-iimbestiga sa mga isyu patungkol sa flood control projects at infrastructure para mas maging independent aniya ang imbestigasyon. ( Daris Jose )

NAVOTAS, DOE SANIB-PUWERSA SA GREENER PUBLIC FACILITIES

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PARA mapabuti ang kahusayan sa energy efficiency at mapababa ang mga gastos sa kuryente sa mga pampublikong gusali, ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ay nagsasagawa ng mga hakbang
na nagpapahintulot sa mas maraming pondo na mailipat sa mga programang direktang makikinabang ang mga Navoteño.
Ito ay kasunod ng pakikipagtulungan sa Department of Energy (DOE), na tinatakan sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement para sa programang “Solar Solutions for Government: Energy Efficiency at Renewable Energy in Public Buildings”.
Ani Mayor John Rey Tiangco, ang inisyatiba ay makatutulong sa pagbuo ng isang mas mahusay, matipid, at responsableng lokal na pamahalaan na maaaring maglaan ng mas maraming mapagkukunan sa mga mahahalagang serbisyo.

“Every peso we save on electricity is a peso we can redirect to services that truly matter to our people,” pahayag niya.
Sa ilalim ng kasunduan, ang Navotas ay magiging kabilang sa mga local government unit na magpapatibay ng mga teknolohiyang matipid sa enerhiya, kabilang ang LED lighting, inverter-type air-conditioning units, smart metering systems, solar photovoltaic (PV) installations, at electric vehicle charging infrastructure.
Sinusuportahan ng proyekto ang pagsunod sa Government Energy Management Program (GEMP), na nangangailangan ng mga institusyon ng gobyerno na bawasan ang konsumo ng kuryente at gasolina ng hindi bababa sa 10%.
Ang DOE ay magbibigay ng teknikal na tulong, magsasagawa ng pag-audit ng enerhiya, at mangangasiwa sa pag-install ng renewable energy at energy-efficient system sa mga piling pampublikong gusali.
Samantala, tutukuyin ng Navotas ang mga site ng proyekto, tutulong sa mga survey at validation, at ihahanda ang Local Energy Efficiency and Conservation Plan nito.
Ang lungsod ay kasalukuyang may siyam na solar-powered na pasilidad, kabilang ang walong multi-purpose na gusali at ang Navotas Polytechnic College.
Plano rin nitong maglagay ng mga solar panel sa Navotas Convention Center at sa Navotas Sports Complex.
Sinabi ni Tiangco na pinalalakas ng partnership ang mga pangmatagalang layunin ng lungsod na gawing moderno ang pampublikong imprastraktura at bawasan ang epekto sa kapaligiran sa pamamagitan ng malinis at napapanatiling enerhiya.
“Hangad nating maging modelo ang Navotas sa paggamit ng malinis na enerhiya. This partnership brings us closer to that goal,” aniya.
Ang programa ay tatakbo sa loob ng limang taon, kung saan ang Navotas at ang DOE ay nakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng isang Technical Working Group upang matiyak ang maayos na pagpapatupad.
(Richard Mesa)

PBBM, ginamit ang appraisers para sa ‘mas malinaw, updated’ SALNl

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng Malakanyang na isinama at ginamit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang professional appraisal sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) para bigyan ang publiko ng mas maliwanag na larawan ng kasalukuyang value o halaga ng kanyang ari-arian.
Sa press briefing sa Malakanyang, ipinaliwanag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung bakit kinuha ni Pangulong Marcos ang Cuervo Appraisers Inc. para i- assess ang ari-arian ng Chief Executive.
“‘Di ba mas maganda kung makikita ninyo kung ano ‘yung value, ‘yung updated value ng mga properties — mas maganda, mas maliwanag, mas transparent,” ang sinabi ni Castro.
Winika pa ni Castro na ang pag-update sa halaga ng ari-arian ay makatutulong sa publiko na maintindihan kung magkano ang mga ari-arian ang halaga ngayon.
“Mas maganda ring makita ng taumbayan kung magkano na ‘yung value ng mga properties na dating na-acquire… So dapat i-declare rin,” anito.
Ang “appraised” value ay tumutukoy sa isang professional na nagtatantiya kung magkano ang halaga ng ari-arian ngayon, base sa market conditions at isinagawa ng qualified appraiser.

Nauna rito, hiniling ng Akbayan party-list sa Office of the Ombudsman ang paglabas ng Statement of Asset and Liabilities and Net Worth (SALN) nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr , Vice President Sara Duterte, dating Ombudsman Samuel Martires at ilang constitutional commission officials.
Ayon kay Akbayan President Rafaela David na ito ay isang pagpapakita ng gobyerno na seryoso sila sa pagpapakita ng transparency at accountability.
Dagdag pa nito na mula ng maupo si Martires ay itinago nito ang SALN ng mga matataas na opisyal ng gobyerno.
Maghahain sila ng pormal na kaso kapag naipasakamay na ng Ombudsman ang kanilang hinihingi.
Sa ulat, mayroong kabuuang yaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na P389 milyon.
Ito ay base sa inilabas niyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth mula pa noong Disyembre 31, 2024.
Kasama rin na isinumite ng kaniyang SALN ang appraisal ng isang private firm na Cuervo Appraiser Inc na naglalagay ng kaniyang net worth na P1.375 bilyon.
Nangangahulugan nito na ang P389.57 milyon ay base sa panuntunan ng Civil Service Commission sa paghahain ng SALN habang ang P1.375-B ay base sa halaga mula sa appraisal ng Cuervo.
Kinabibilangan ng assets nito na P142.026-M na halaga ng 21 piraso na real estate property kasama rin an agricultural at residential land at ang personal pieces ng property na nagkakahalaga ng P247.332-M.
Ilan sa mga personal pag-aari ni Marcos ay ang cash na P38.7-M at investment na P134.192-M ganun din ang mga alahas, 12 sasakyan at paintings na nagkakahalaga ng P247.332-M.
Ilan sa mga sasakyan nito ay Mercedez-Benz Maybach na nagkakahalaga ng P10.5-M at 126 na paintings mula sa sikat na pintor kung saan ang pinakamahal ay P19-M.
Wala namang idineklara ang pangulo ng liabilities mula sa kaniyang 2024 SALN ganun din sa mga SALN niya na mula Hunyo 2022. ( Daris Jose)

Navoteño athletes na nag-uwi ng karangalan, binati ni Mayor JRT

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINATI ni Mayor John Rey Tiangco ang mga batang Navoteño athletes na nag-uwi ng karangalan sa nagdaang Batang Pinoy 2025! Ani Mayor Tiangco, makakatanggap sila, pati na ang kanilang coaches, ng incentives alinsunod sa Navoteño Athletes and Coaches Cash Incentives Ordinance. Hangad niya nilang patuloy silang maging inspirasyon ng kanilang kapwa kabataan para linangin pa ang kanilang mga kakayahan. (Richard Mesa)

ABALOS, PINURI ANG PASIG RTC SA HATOL NA GUILTY KAY DATING BAMBAN MAYOR ALICE GUO

Posted on: November 20th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGPAHAYAG ng kanyang papuri si dating Secretary ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa desisyon ng Pasig Regional Trial Court na nahatulang guilty ang dating alkalde ng Bamban na si Alice Guo sa kasong qualified trafficking. Si Abalos ang personal na nanguna sa operasyon upang matunton at maibalik si Guo mula sa Indonesia noong nakaraang taon.

Napatunayang nagkasala si Guo sa mga kriminal na gawain na natuklasan sa isang ilegal na POGO complex sa Bamban, Tarlac.

Ayon kay Abalos, ang hatol ay patunay na ang buwan-buwang pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan upang maiharap si Guo sa korte “ay hindi nasayang.”

Noong Setyembre 5, agad na lumipad patungong Jakarta, Indonesia sina Abalos at noo’y PNP Chief Francisco Marbil matapos lumitaw si Guo doon matapos ang ilang buwang pagtatago. Nakipag-ugnayan at nakipagkasundo sila sa mga matataas na opisyal ng Indonesia, na nagresulta sa pagkakaaresto ni Guo at sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.

“Ako at si Gen. Marbil ay nakipagtulungan nang malapitan sa mga mataas na opisyal ng Indonesia upang matiyak ang kanyang pag-aresto at maibalik siya rito upang harapin ang batas,” ani Abalos.

Ang operasyon ay kalaunan ding naging tampok ng usapan sa publiko matapos kumalat ang isang litrato nina Abalos, Marbil, at Guo dahil sa posisyon ni Guo sa larawan. Ipinaliwanag ni Abalos na ang kuha ay bahagi ng karaniwang dokumentasyon matapos hilingin ni Guo na makausap ang mga awtoridad hinggil sa umano’y mga banta sa kanyang buhay. Isa lamang ito sa maraming larawan na kinunan sa proseso, at giit ni Abalos, hindi niya namalayan ang posisyon ni Guo sa partikular na kuha na naging viral.

“Ang hatol ay nagpapakita na tinupad ng DILG at PNP ang kanilang mandato, kumilos nang walang kinikilingan, at tiniyak na ang proseso ng hustisya ay dumaan sa buong yugto hanggang sa hatol na ating nasasaksihan at ipinagdiriwang ngayon,” wika ni Abalos, isang abogado at multi-awarded na dating alkalde ng Lungsod ng Mandaluyong. (PAUL JOHN REYES)