SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 22 pampasaherong bus dahil sa iba’t ibang paglabag, kabilang ang hindi pagsunod sa mga kinakailangan para sa malinis at komportableng mga terminal ng pasahero.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, naipadala na ang abiso ng suspensyon at mga show cause order laban sa Elavil Tours, Phils, Inc. at AMV Travel and Tours, Inc., alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyaking ligtas at maginhawa ang biyahe ng mga pasahero sa lahat ng oras.
Kabuuang 17 bus ng Elavil Tours, Inc. na bumibiyahe sa rutang Bicol–Manila ang sinuspinde “ng hindi hihigit sa 30 araw,” habang limang unit ng AMV Travel and Tours, Inc. ang pinatawan ng kaparehong parusa.
“Isang mahigpit na babala ito sa mga kompanya ng transportasyon na sumunod sa minimum standards para sa ligtas na operasyon at pagpapanatili ng pasahero-friendly na mga istasyon at terminal,” ani Chairman Mendoza.
Sa kaso ng Elavil Tours, Inc., mismong si Secretary Lopez ang nag-utos sa LTFRB na imbestigahan ang mga paglabag ng kompanya matapos ang kanyang inspeksyon sa ilang bus terminal sa Metro Manila. Nahuli ang kompanya na gumagamit ng ilegal na terminal sa Pasay City na dati nang ipinasara ng DOTr.
Ang hindi pagsunod sa minimum na requirement para sa kaligtasan at kaginhawaan ng pasahero ang dahilan din ng suspensyon ng limang yunit ng bus ng AMV Travel and Tours, Inc.
Sa magkahiwalay na show cause orders, inatasan ang dalawang kompanya na isuko ang kanilang mga for-hire plate at magpaliwanag sa pamamagitan ng notarized na sulat kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanilang prangkisa.
Tiniyak naman ni Chairman Mendoza ang pagsunod sa due process, at bibigyan ng pagkakataon ang dalawang kompanya na magpaliwanag sa pagdinig na itinakda sa Oktubre 22 sa tanggapan ng LTFRB sa Quezon City. (PAUL JOHN REYES)