• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 10:14 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 23rd, 2025

Iimbestigahan kung aksidente o sinadya ang sunog Opisina ng DPWH sa Quezon City, nasunog

Posted on: October 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NASUNOG ang tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa NIA Road sa Barangay Pinyahan, Quezon City kahapon, Miyerkoles ng hapon. Pero pagtiyak ng kagawaran, walang dokumentong nasunog na may kaugnayan sa isinasagawang imbestigasyon sa flood control projects.Ayon sa bulletin ng Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR), iniulat ang sunog dakong 12:39 p.m. at umabot sa ikatlong alarma pagsapit ng 12:56 p.m.Idineklara namang fire-out ang sunog pagsapit ng 1:34 p.m.Sinabing naapektuhan ng sunog ang Bureau of Research Standards (BRS) building.Sinabi ng DPWH na walang mga dokumento na may kaugnayan sa isinasagawang imbestigasyon sa flood control anomalies ang nasa BRS building.“The DPWH BRS is responsible for the conduct of research, studies, pilot testing, and formulation of policies for government infrastructure projects,” ayon sa DPWH.Inihayag din ng DPWH, na sumabog na computer unit ang pinagmulan ng sunog batay sa paunang imbestigasyon.“Initial findings indicate that the fire originated from a computer unit inside the Materials Testing Division that reportedly exploded,” ayon sa DPWH, na sinabing walang nasaktan na tauhan nila sa nangyaring insidente.“An investigation team to assess the fire incident has been deployed and is currently conducting a thorough assessment to determine the full extent of the damage and to prevent similar incidents in the future,” dagdag nito. (Daris Jose)

Malakanyang , dumistansiya sa panawagan sa Ombudsman na imbestigahan ang confidential funds ni VP Sara at ng kanyang opisina

Posted on: October 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

DUMISTANSIYA ang Malakanyang mula sa panawagan para sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang confidential funds ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang opisina.
Bahala na ayon sa Malakanyang ang independent anti-graft body sa bagay na ito.
Nauna rito, nanawagan ang isang grupo kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na usisain ang nasabing pondo ng Bise Presidente mula noong 2022 hanggang 2023.
“It’s in the hands of the Office of the Ombudsman,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Mababasa naman sa Facebook post ng Tindig Pilipinas noong Lunes, Oktubre 20, ang panawagan nilang imbestigahan ni Remulla ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ni VP Sara.
“Today we, along with different citizen impeachment complainants against the Vice President, submitted a letter to Ombudsman Jesus Crispin Remulla, urging him to conduct a thorough investigation into the grave allegations that are the basis of the impeachment complaints filed against the Vice President,” anang Tindig Pilipinas.
“The Vice President must also fully explain how the confidential funds under the Office of the Vice President and the Department of Education were used, just as we demand accountability from those involved in the ghost flood control projects that plundered the nation’s coffers,” dagdag pa nila.
Saad pa ng grupo, “We call for a comprehensive and impartial investigation – not only to uphold the rule of law, but to restore integrity and public trust in our institutions.”
Matatandaang kamakailan lamang, nagbigay din ng paglilinaw ang Ombudsman sa naisin nitong isapubliko naman ng mga politiko ang kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN), kaugnay sa kumakalat na usaping una umano niyang iimbestigahan ang SALN ni VP Sara.
“Ang gagawin natin d’yan sa SALN issue, hindi lang isa ‘yan, lahat ‘yan. Ire-reduct lang natin ‘yong dapat i-reduct, that’s a data privacy. Siyempre hihingi tayo sa lahat ng requesting parties undertaking na hindi gagamitin ito sa paraan na hindi makakabuti sa bayan. Kasi baka mamaya, maging political noise lang ‘yan at maging poison lang. Baka naman pag-isipan natin ulit ‘yan,” ani Remulla.
( Daris Jose)

Livestream ng ICI kinukuwestiyon ni (ML) Partylist Rep. Leila de Lima

Posted on: October 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ANG ICI kailan kaya?
Ito ang pagtatanong ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima kasunod nang pagbibigay suporta ng
Office of the Ombudsman sa desisyon ng Bicameral Conference Committee na i-livestream ang proceedings nito.
Ayon sa mambabatas, ang pagiging bukas sa publiko ng ganitong pagdinig ay magbibigay linaw at magpapaintindi sa proseso.
Sinabi nito na huwag naman sanang mag-tengang kawali ang ICI sa ganitong panawagan.
Kahit magsagawa umano ng regular press conferences ang ICI ay hindi ito sapat.
Pahayag nito, nais ng publiko na malaman kung ano ang nangyayari at kung papaano ang ginagawang imbestigasyon at pagtatanong.
“Magmamatigas ba ang ICI hanggang sa abutin ng sunset clause ng EO 94?
Marami pang aabangan ang publiko. Bukod sa flood control projects, nandyan pa yung mga maanomalya ring farm-to-market roads, haunted hospitals, at iba pang mga substandard at ghost projects,” pahayag nito. (Vina de Guzman)

Valenzuela, nakahanda sa “The Big One”

Posted on: October 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BILANG paghahanda sa pananalasa ng lindol at sa posibleng “The Big One”, nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ng citywide simultaneous earthquake drill sa pangunguna ni Mayor Wes Gatchalian at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), kasama ang mga pribado at pampublikong paaralan, government offices, at business establishments.
Ani Mayor Wes, layon ng disaster preparedness initiative na ito na turuan ang mga Valenzuelano at balangkasin ang tamang survival procedure sakaling magkaroon ng lindol habang ipinapakita naman ng disaster recovery simulation ang rescue mission kung sakaling may mga sugatan at casualty. (Richard Mesa)

ICI hearings, magkakaroon na ng livestream sa susunod na linggo – Chairman Reyes

Posted on: October 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INANUNSYO ni Chairman Andres Bernal Reyes Jr. ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na sisimulan na ang livestreaming ng mga pagdinig ng komisyon simula sa susunod na linggo.
Ayon kay Reyes, layunin ng hakbang na ito na mapalawak ang transparency at maipabatid sa publiko ang mga isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa mga anomalya sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan.
Ang ICI ay binuo upang magsagawa ng masusing pagsusuri sa mga kontrobersyal na proyekto ng gobyerno, kabilang ang mga isyu sa bidding, implementasyon, at paggamit ng pondo.
Sa pamamagitan ng livestream, inaasahang masusubaybayan ng publiko ang takbo ng mga pagdinig at ang mga testimonya ng mga sangkot na opisyal at kontratista.
Dagdag pa ni Reyes, ang livestream ay magiging accessible sa publiko sa pamamagitan ng mga opisyal na social media platforms ng ICI at iba pang partner media outlets.
Inaasahan na ang unang serye ng pagdinig ay magtatampok ng mga proyekto sa transportasyon, flood control, at public buildings na may ulat ng irregularidad. (Daris Jose)

Malakanyang, itinanggi ang tsismis na nagbitiw na si Recto bilang Kalihim ng DoF

Posted on: October 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINABULAANAN ng Malakanyang ang tsismis na di umano’y nagbitiw na sa puwesto bilang Kalihim ng Department of Finance (DoF) si Ralph Recto.
“Not true,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang text message sa Malacanang Press Corps (MPC) nang hingan ng kumpirmasyon ukol sa di umano’y pagbibitiw sa puwesto ni Recto.
Sa ulat, may X post na nakapangalan sa aktor na si Edu Manzano, kung saan inaabangan umano ang anunsiyo ng Malacañang para sa susunod na Finance secretary.
Batay sa X post, dalawang batikan umano sa larangan ng pinansiyal ang pinagpipilian kabilang na dito sina Monetary Board member Walter Wassmer at Government Service Insurance System (GSIS) director Emmanuel Samson.
Magugunitang, isa si Recto sa mga nagsumite ng kanyang courtesy resignation noong buwan ng Mayo matapos hilingin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang courtesy resignation ng lahat ng kanyang gabinete, subalit hindi tinanggap ng Pangulo. (Daris Jose)

SALN ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang inilabas na

Posted on: October 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IPINALABAS na ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Nakalagay dito ang kanyang net worth na P74 million. Kabilang na dito ang real properties na nagkakahalaga ng P32.5 million, at personal properties na nasa P121 million. Habang nakasaad naman sa dokumento ang liabilities nito na P47 million, na sumasatutal sa net worth na P74 million.
Base pa sa dokumento, si Dy ay mayroong 16 kaanak sa gobyrrno, kabilang ang anak na sina Quezon City 6th District Rep. Faustino Dy V, at Echangue, Isabela Municipal Mayor Francis Faustino Dy.
Tatlong kapatid ay nagsisilbing board members ng 4th at 5th districts ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela, at Vice Mayor ng San Manuel, Isabela.
Samantala, muling binuo ni Dy ang SALN Review and Compliance Committee ng Kamara.
Base aniya ito sa probisyon ng Republic Act No. 6713, at naging pahayag dati ni Speaker kaugnay sa guidelines sa pagpapalabas ng SALN.
(Vina de Guzman)

Tulak, nalambat sa Navotas drug bust

Posted on: October 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang isang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos umanong bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa buy bust operation sa Navotas City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Navotas Police Acting Chief P/Col. Renante Pinuela hinggil sa umano’y illegal drug activities ng 28-anyos na si alyas “Badong”.
Kaagad isinailalim ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang suspek at nang makumpirna na positibo ang report, ikinasa ng SDEU ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Hindi na nakapalag ang suspek nang dambahin ng mga tauhan ni Col, Pinuela matapos umanong bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Brgy. San Roque, dakong alas-7:08 ng gabi.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 5.65 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P38,420.00 at buy bust money.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa custodial facility unit ng Navotas Police at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Richard Mesa)

Lalaki, kalaboso sa pang-aabuso sa menor-de-edad sa Valenzuela

Posted on: October 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SHOOT sa selda ang isang lalaki na wanted sa kaso ng pang-aabuso sa isang menor-de-edad matapos makorner ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.
Nito lamang October 20, 2025 nang maglabas ang Valenzuela City Regional Trial Court (RTC), Branch 16 ng warrant of arrest para sa paglabag sa Lascivious Conduct under Section 5(b) ng R.A 7610, as amended by R.A. No. 11648 laban sa 48-anyos lalaking residente ng Brgy. Gen T De Leon.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Northern Police District–District Anti-Carnapping Unit (NPD-DACU) na naispatan ang presensya ng akusado sa kanilang lugar ay agad ikinasa ng mga ito ang operation.
Dakong alas-2:00 ng hapon nang tuluyang masukol ng mga operatiba ng NPD-DACU ang akusado sa Karen Avenue, Tanada Subdivision, Brgy., Gen. T. De Leon.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng mga operatiba ng NPD-DACU ang naturang arrest warrant bago ipinaalam sa kanya ang nalabag niyang pagkakasala.
May inirekomenda namang piyansa ang korte na nagkakahalaga ng P200,000 para sa pansamantalang paglaya ng akusado na ipiniit umano sa custodial facility unit ng NPD habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order ng hukuman. (Richard Mesa)

40 footer na misdeclared na fresh carrots, nasabat

Posted on: October 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TATLONG 40-foot containers ng mga misdeclared fresh carrots mula China ang nasabat ng BOC-Port of Manila .
Ayon kay District Collector Alexander Gerard Alviar, nadiskubre ang mga karot na nagkakahalaga ng mahigit P13.2 milyon noong Oktubre 17 matapos ilabas ang Alert Order dahil sa derogatory report.
Sa deklarasyon, nakasaad na mga bathroom fixtures, napkins at storage boxes ang laman ng shipment ngunit sa aktwal na inspeksyon,puro sariwang karot ang laman.
Ayon naman kay Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla nakahanda na ang mga legal na aksyon laban sa mga responsable, at tiniyak niyang paiiralin ang due process sa kaso.
Maglalabas din ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention sa paglabag ng Customs Modernization and Tariff Act, partikular sa misdeclaration at kawalan ng import permit.
Samantala, ipinahayag ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na ang operasyon ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang lokal na magsasaka at tiyakin ang patas na kalakalan.
(Gene Adsuara)