INALERTO ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng Coast Guard operating units para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan sa paggunita ng Undas sa buong bansa.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, inilagay na sa heightened alert ang PCG districts, stations at Sub-stations nito mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 4 kung saan paiigtingin ang monitoring at assistance operations sa lahat ng ports at waterways sa buong bansa.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr na tiyaking ligtas, komportable ang seguridad ng mga publikong maglalakbay.
Katuwang ng PCG ang Department of Transportation (DOTr), Philippine Ports Authority (PPA), at Maritime Industry Authority (MARINA) , maglalagay ng Malasakit Help desk sa mga pangunahing ports, daungan at public transport hubs sa buong bansa.
Ang help desks na ito ay makakatulong sa mga pasahero na mabigyan ng agarang tulong, travel information at emergency response services.
Magde-deploy din ng medical teams na tutulong sa Malasakit Help Desks ng DOTr.
Paiigtingin din ang security measures kung saan magdedeploy din ng Coast Guard K9 units na mag-iinspeksyon sa mga barko at bagahe ng mga pasahero.
Bukod dito, magtatalaga rin ng mga rescuers at lifeguards ang PCG sa mga beach, island resorts at iba pang coastal tourist destination upang masiguro ang kaligtasan ng mga nagbabakasyong pamilya at mga turista.
Patuloy na nagpapaalala ang PCG sa publiko na manatiling mapagmatyag, sumunod sa safety protocols at makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad upang masiguro ang ligtas na karanasan sa paglalakbay ngayong Undas 2025.( Gene Adsuara)