MULING binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,araw ng Biyernes ang “Bayanihan Village,” isang inter-agency project sa San Remigio, Cebu na inilaan para sa mga pamilyang apektado ng magnitude 6.9 earthquake na tumama sa lalawigan noong nakaraang buwan.
Ito ang pangalawang pagbisita ng Pangulo sa lalawigan para personal na i-check ang mga biktima. Ang unang naging pagbisita ng Pangulo ay sa Bogo City noong October 2.
Ang village ay kinabibilangan ng 67 prefabricated modular units, nagsisilbi bilang pansamantalang tirahan ng mga apektadong pamilya hanggang sa sila ay mailipat sa permanent residences, ayon sa Department of Social Welfare and Development Field Office 7 – Central Visayas.
Binisita rin ni Pangulong Marcos ang Family Tents ng DSWD kung saan nakausap nito ang Women and Child-Friendly Spaces ng kampo. Kasama ng Pangulo sina DSWD Secretary Rex Gatchalian at DSWD Field Office VII Regional Director Shalaine Marie Lucero sa nasabing pagbisita.
Kabilang sa pansamantalang mananatili sa village ay ang mga displaced families na ang mga bahay ay totally damaged ng lindol at iyong mga tahanan ay nakatayo sa fault lines o malapit sa sinkhole-prone areas.
Ang completed units ay magsisilbi rin bilang evacuation camps, pangangasiwaan ng DSWD’s Camp Coordination and Camp Management (CCCM) Cluster sa ilalim ng Disaster Response Operations nito.
Ang death toll sa magnitude 6.9 earthquake sa Bogo City, Cebu noong nakaraang September 30 ay tumaas sa 79, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sinabi rin ng NDRRMC na may 559 katao naman ang nasaktan.
Samantala, tinatayang may kabuuang 747,979 katao o216,947 pamilya sa Central Visayas ang naapektuhan ng lindol. (Daris Jose)