KUMPIYANSA si Vice President Sara Duterte na hindi siya madadawit sa di umano’y corruption scandal na may kinalaman sa flood control projects, kahit pa akusahan siya ng ilang grupo at pilit na isinasangkot siya at ang kanyang political allies sa kontrobersiya.Sa isang press conference sa Kamuning Bakery Cafe sa Quezon City para sa World Pandesal Day celebration, sinabi ni VP Sara na habang inaasahan niya ang pagtatangka na hilahin siya sa isyu dahil kaalyado niya si Senator Bong Go at dating Pangulong Rodrigo Duterte, walang basehan para iugnay siya sa di umano’y anomalya.“Sigurado ako hindi aabot sa akin ‘yung flood control scandal,” ayon kay VP Sara.Tinukoy pa rin ni VP Sara na wala ni isa man sa Office of the Vice President o Department of Education —na kanyang pinamunuan hanggang Hulyo ang humawak ng flood control projects.“Kasi unang-una, wala namang flood control projects sa OVP o Department of Education. At nakasabi naman talaga ang mga contractors, ilan si Sec. (Manuel) Bonoan, wala talaga akong project at all sa DPWH,” anito.Aniya pa, sa kabila ng kanyang high-profile position, hindi siya kailanman nakibahagi sa anumang dealings na may kinalaman sa nasabing proyekto.“Hindi ako sumasali sa ganyan,” giit nito.Gayunman, naniniwala naman si VP Sara na may ilang partido ang pilit na nagtatangka na idawit siya sa usapin para sa politikal na dahilan.“Kung aabot ba sa akin? Sa tingin ko susubukan nilang paabutin sa akin dahil sa kaalyado ni dating Pangulong Duterte si Sen. Bong Go. Doon siguro nila gagawan ng kwento—‘yun ‘yung part na ako, si PRRD sa gitna, at si Sen. Bong Go sa kabilang side,” aniya pa rin.At sa tanong kung sa tingin niya ay pipilitin ng mga imbestigador na idawit siya at ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang tugon ni VP Sara ay “Oo, at saka sa akin.”( Daris Jose)