• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:32 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 12th, 2025

Pinangalanan ng Malakanyang: Mendoza LTFRB chair, Lacanilao LTO chief

Posted on: October 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INANUNSYO ng Malakanyang ang pagbabago sa pinakamataas na posisyon sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa isang Viber message sa mga mamamahayag, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na si LTO chief Atty. Vigor Mendoza II ay magiging bagong LTFRB chair, papalitan nito si Teofilo Guadiz III.

Si Markus Lacanilao ang uupo bilang LTO chair, habang si Guadiz ay itinalaga bilang chair ng Office of Transport Cooperatives. Si Lacanilao ay dating Special Envoy on Transnational Crime.

Hindi naman nagpalabas ang Malakanyang ng opisyal na kalatas kaugnay sa pagbabago subalit ang transport groups, kilala bilang “Magnificent 7,” ay nanawagan kamakailan ng pagbibitiw ni Guadiz hinggil sa di umano’y kabiguan na maipatupad ang Public Transport Modernization Program (PTMP), dating PUV Modernization Program.

Ang mga grupong ito ay ang Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Stop-and-Go, Fetodap, Busina, at Alliance of Concerned Transport Organizations. Gayunman, binawi ng limang miyembro ng grupo ang kanilang panawagan na magbitiw na sa tungkulin si Guadiz.

Nagpahayag naman ng suporta ang Transport group na Manibela, para kay Guadiz matapos muling pagtibayin ng LTFRB ang commitment nito na ganap na ipatutupad ang PTMP at binigyang diin na ang reporma sa transport sector ay nananatiling ‘top priority.’

Sa ulat, iniugnay si Guadiz sa usapin ng “lagayan (bribery) scheme” ibinunyag ng kanyang dating executive assistant na si Jeffrey Tumbado, na di umano’y gumagawa si Guadiz ng under-the-table transactions, kabilang na ang route modifications at pagbibigay-prayoridad ng franchise papers at special permits—na itinanggi naman ni Guadiz.

Samantala, si Lacanilao ay ipinagharap ng contempt noong nakaraang Abril para sa di umano’y pagsisinungaling sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations na nag-iimbestiga sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Boluntaryo namang nagpakita ito sa Senado sa kaparehong buwan bilang pagtugon sa kautusan.
( Daris Jose)

Napaulat na 1.7 trillion peso na nawala sa stocks sa nakalipas na tatlong linggo dahil sa flood control anomaly, fake news

Posted on: October 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

FAKE NEWS!
Ito ang sigaw ni Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Secretary Frederick Go sa lumabas na ulat hinggil sa umano’y P1.7 trilyong piso ang nawala sa market value ng mga nakalistang kumpanya sa Philippine Stock Exchange dahil sa isyu ng korapsyon na may kinalaman sa flood control projects.

Ani Go, walang katotohanan ang lumabas na impormasyon partikular sa social media na nagsasabing umabot sa 12% ang naitalang main drop sa Philippine Stock Exchange o PSE.

Sa katunayan, nakausap niya ang PSE President at top brokers ng stock market at itinanggi ang ulat na malinaw na gawa-gawa lamang ito.

“The attributed source confirmed na fake news ito at hindi galing sa kanila. The fact is, the drop wasn’t 12%. You may confirm this with the Philippine Stock Exchange or your favorite stock brokers,” ang pahayag ni Go.

Sinabi ni Go na 1.6% lamang ang naitalang pagbaba sa merkado at malayo sa pinalitaw sa fake news.

Ito ayon kay Go ay nasa period ng August 11 to 29, 2025.

Sana po huwag na tayo magpaloko sa fake news,” aniya pa rin.

Tinuran ni Go na nakakalungkot na sa kabila ng mga ginagawa ng gobyerno ay mayroon pa ring mga grupo na pilit sumisira sa bansa sa pamamagitan ng pagkakalat ng maling impormasyon laban sa gobyerno. ( Daris Jose)

PBBM, binisita ang TESDA training facilities, muling pinagtibay ang commitment sa accessible, high-quality TVET

Posted on: October 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINISITA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang training facilities ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Taguig City, araw ng Biyernes, Oktubre 10, para saksihan ang patuloy na pagsisikap ng ahensiya na bigyan ang mga Filipino ng world-class technical at vocational skills na nakaayon sa pangangailangan ng industriya.

Sa naging pagbisita ng Pangulo, nilibot ng Chief Executive ang TESDA Regional Training Center – National Capital Region (RTC-NCR), at ang National Training Center for Women (NTCW), kapwa matatagpuan sa loob ng TESDA Complex sa Taguig City.

Mainit namang tinanggap ang Pangulo ni TESDA Secretary Kiko Benitez, kasama ang mga Deputy Directors General, directors, trainers at trainees ng TESDA.

Matatandaan na sa pang-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos noong Hulyo, binigyang diin nito ang lumalagong kahalagahan ng technical vocational education and training (TVET) sa pagbibigay ng paraan para sa kumikitang trabaho at mas mataas na pag-aaral para sa mga kabataang Filipino.

“Napatunayan na nating mabisa ang tech-voc. Kaya, unti-unti nang pinapasok sa senior high ang TVET ng TESDA. Diretso pagka-graduate, puwede na kaagad na maghanapbuhay kung gugustuhin, dahil para na rin siyang nakapag-aral sa TESDA at nakakuha ng NC II or NC III,” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang SONA.

“Kitang-kita natin ang bunga ng mga programang ito. Napakataas ngayon ng bilang ng kabataan nating pumasok sa kolehiyo o sa TESDA. Mas marami na rin ang nakakapagtapos. Kaya mga magulang: sulitin na ninyo ang mga pagkakataong ito. Dahil hangad natin na sa lalong madaling panahon, ang bawat isang pamilya ay may anak na nakapagtapos ng kolehiyo o sa TESDA,” aniya pa rin.

Sa RTC-NCR, ininspeksyon ni Pangulong Marcos ang iba’t ibang workshops, kabilang na iyong para sa ‘Welding, Mechatronics, at Visual Graphics Design’ habang ipinakita naman ng mga trainees ang kanilang technical competencies.

At para masaksihan kung paano pinagsama ng TESDA ang hands-on learning sa industry collaboration, binisita rin ng Pangulo ang TESDA-Petron Car Care Center, TESDA-Honda Training Room, at ang TESDA-Daikin Heating, Ventilation and Air Conditioning Training Center.

Idagdag pa rito, binisita rin ng Punong Ehekutibo ang state-of-the-art TESDA-Unitec Pipe Manufacturing Corp. Plumbing Training Laboratory.

Nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat si TESDA Secretary Kiko Benitez sa pagbisita ng Pangulo, binigyang diin ang ‘united approach’ ng gobyerno para iugnay ang edukasyon, inobasyon, at trabaho.

“TESDA’s mission goes beyond training — it is about transforming lives and preparing Filipinos for a rapidly changing world of work. With the President’s guidance, we will continue to strengthen partnerships with industry and integrate technology-driven and gender-responsive programs across all training centers,”ayon sa Kalihim.

Samantala, ang naging pagbisita ng Pangulo ay pagpapakita lamang ng pagsisikap ng pamahalaan na paghusayin ang technical education bilang “a driver of productivity, competitiveness, and sustainable livelihood for all Filipinos.” ( Daris Jose,)

Alex Eala, sasabak sa 3 sunud-sunod na WTA 250 tournaments sa Asia

Posted on: October 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAGPAPATULOY ang kampanya ng Filipina tennis star na si Alexandra “Alex” Eala sa tatlong magkasunod na WTA 250 tournaments sa Asia simula sa susunod na linggo.

Kasunod ‘yan ng kanyang paglahok sa US Open, nagtala si Eala ng impresibong mga resulta sa tatlong WTA 125 events kabilang ang pagkapanalo sa Guadalajara 125, semifinals finish sa Jingshan Tennis Open, at quarterfinals sa Suzhou.

Naglaro rin siya sa WTA 250 SP Open sa Brazil kung saan umabot siya sa quarterfinals.

Sa kabila ng pagkabigo sa qualifiers ng Wuhan Open (WTA 1000), nananatiling determinado ang 20-anyos na si Eala, na ngayon ay ranked No. 54 sa mundo, na makabawi sa nalalapit na pagtatapos ng WTA season.

NBA magbabalik sa paglalaro sa China

Posted on: October 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MULING magbabalik ang NBA sa China matapos ang ban na ipinatupad noong 2019.

Mayroong dalawang pre-season games ang laro sa araw ng Biyernes at Linggo.

Ang laro ay sa pagitan ng Brooklyn Nets at Phoenix Suns na gaganapin sa Venetian Casino and hotel sa Macau.

Gagawin ang laro matapos ang anunsiyo ng Chinese technology giant na Alibaba ng multi-year partnership sa katapusan ng taon.

Ang Nets din ay pag-aari ng Alibaba Chairman Joseph Tsai.

Magugunitang ipinagbawal ng China na magsagawa ng laro ang NBA matapos ang pagsuporta ng management sa pro-democracy protesters sa Hong Kong.