• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:31 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 23rd, 2025

1 PATAY SA KILOS PROTESTA

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KUMPIRMADO na patay ang isa sa mga rallyista sa naganap na kaguluhan sa kilos protesta kahapon, Sept.21 sa C.M Recto sa Maynila.

 

Ayon ito sa Department of Health (DOH) matapos isugod sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC) ang nasa 48 indibidwal na nasaktan sa nasabing aktibidad.

 

Inaalam pa ang pagkakilanlan ng biktima na idineklarang dead on arrival dahil sa tinamong saksak.

 

Dalawang pulis naman ang nagtami ng minor injuries (laceration at pasa sa katawan) at agad ding nakalabas matapos gamutin.

 

Mayroon ding 6 na iba pang pasyente ang nagtamo ng iba’t ibang sugat kabilang ang hiwa sa paa, eye trauma, head trauma, injury sa ugat ng kaliwang braso, gunshot wound, at matinding sugat sa braso. Apat sa kanila ay nakalabas na matapos gamutin, habang dalawa ang kasalukuyang naka-admit para sa karagdagang gamutan.

 

Bukod dito, 39 pang raliyista ang sumasailalim ngayon sa physical examination bilang bahagi ng proseso bago sila dalhin sa kulungan. Wala namang agarang panganib sa kanilang kalusugan.

 

Ayon kay Health secretary Ted Herbosa, sakop pa rin ng Zero Balance Billing ang mga pasyente na nasangkot sa kaguluhan sa marahas na kilos protesta.

 

“Tinitiyak ng DOH na sakop pa rin ng Zero Balance Billing ang mga pasyenteng ito, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na tiyakin ang maagap at dekalidad na serbisyong medikal para sa lahat ng Pilipino,” ani Herbosa. (Gene Adsuara)

 

Pagtutuunan muna ng pansin ng liderato ng Kamara ang pagpasa sa 2026 panukalang national budget

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ITO ang pahayag ni Speaker Faustino “Bojie” Dy sa media, na dumalo sa ginanap na meetings ng subcommittee ng House Appropriations Committee para talakayin ang amendments at revisions sa badyet.

 

“Ngayon ay meron tayong ginagawang amendments and revisions sa sub committees na kung saan maraming members ng House ang tinatalakay at binubusisi ang budget for next year. Iyan po an dapat nating pagtuunan ng pansin at hinihiling ko sa inyong lahat na sama-sama nating bantayan ang proposed budget na ito nang matiyak na tama ang paglalaanan ng bawat pondo, nang bawat sentino para po sa ating sambayanan,” ani Dy.

 

Nang tanungin sa isyu naman ng paglalabas ng Statement of Asset, liabilities and networth (SALN), inihayag ng Speaker na handa siyang ilabas ito sa publiko kung kinakailangan.

 

Ayon pa sa kanya ay dapat na makita at maging bukas ang SALN ng bawat isa upang makita ng publiko at manumbalik ang pagtitiwala sa kanila,

 

Muling nabuhay ang panawagan sa mga mambabatas na ilabas ang kanilang slan kaugnay na rin sa kontrobersiya ng flood control projects. (Vina de Guzman)

 

SECURITY ALERT, ITINAAS SA MAYNILA

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ITINAAS ang security alert sa Maynila kasunod ng pagkakaaresto ng 113 indibidwal ng ManilaPolice District (MPD) dahil sa marahas na anti-korapsyon rally kahapon sa Mendiola at Ayala Avenue sa Maynila.

 

Sa ulat ng MPD , 51 ang nahuli sa Ayala Bridge, 21 sa Mendiola at 41 sa CM Recto Avenue.

 

Karamihan sa kanila ay nahaharap sa kasong malicious mischief at paglabag sa Anti-Barricade Act, habang ang mga menor de edad ay nasa kustodiya ng Manila DSWD.

 

Samantala, nagsimula na rin ang mapping operation ng MPD sa University upang tiyakin ang seguridad ng mga paaralan, dormitoryo, at negosyo.

 

Ilan sa mga establisyimento na dinamay at sinira ng mga kabataang ralyista ang SOGO Hotel sa kahabaan ng Recto Avenue .

Nagkalat sa kalsada ang mga basag na bote at bato maging ang mga sinunog na mga motorsiklo at mga plakards.

(Gene Adsuara)

PBBM, handang harapin ang mga tanong ukol sa flood control projects sa Ilocos Norte

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HANDA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na harapin ang alegasyon na ibinato laban sa kanya .

Iyon lamang, kailangan na ‘substantiated’ o napatunayan ito.

Tugon ito ng Malakanyang sa naging pahayag ni dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson na dapat na iprayoridad ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang pagi-imbestiga sa flood control projects sa balwarte ng Pangulo.

Ipinag-ingay din ni Singson na karamihan sa mga flood control projects sa Ilocos Region ay tadtad na anomalya dahil ang mga ito ay nasungkit ng Discaya-owned firms.

Dahil dito, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na handa si Pangulong Marcos na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya, kailangan lamang ay may matibay na ebidensiya.

“Basta ibigay lang nila iyong tamang mga ebidensiya. Kasi ang hirap dito magtuturo ka lang eh, eh ang dami-daming opisyal ng Ilocos Norte,” ang sinabi ni Castro.

Tinukoy ni Castro na si Singson ay identify ngayon sa mga Duterte.

“So hindi tayo agad-agad dapat maniwala sa ganito lalo na kung namedropping tapos creating an intrigue na walang ebidensiya, huwag po kayo agad-agad maniwala sa ganoon,” dagdag na wika nito.

Kamakailan ay isiniwalat ni Singson na apat umano sa mga contractors sa Ilocos Norte ay pag-aari umano ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, na kasalukuyang iniimbestigahan sa maanomalyang flood control projects.

 

“Ang mga contractor nila sa Ilocos Norte, Discaya rin, eh paano tayo maniniwala ngayon sa mga pinagsasabi nilang mga iniimbestiga?” saad ni Singson.

“Sa Ilocos Norte lang—St. Matthew General Contractor & Development Corporation, P962 million plus…almost a billion; St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Dev’t Corporation P608 billion; Alpha & Omega Gen. Contractor & Dev’t Corporation, St. Timothy Construction Corporation, apat ito sa Ilocos Norte. Paano nila hindi alam ito e probinsya niya ito?” ani Singson.

(Daris Jose)  

 

Mga bayolenteng tao na nasa rally, mga kriminal, hindi protesters – Malakanyang

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MARIING kinondena ng Malakanyang ang marahas na aksyon na ginawa ng tinawag nitong mga “kriminal” sa pag-hijack sa mapayapang anti-corruption protests, araw ng Linggo.

Sa katunayan, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Interior Secretary Jonvic Remulla na payapain ang ‘barbarong aksyon’ lalo na iyong ginawa sa labas ng Malacañang complex sa Manila, sa pamamagitan ng pag-aresto sa lahat ng mga nanggulo.

Dahil dito, inilarawan ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang mga nasa likod ng karahasan na “not to be protesters, but outlaws (tulisan).”

“It’s very clear that they have no other intention but to discredit the government. It seems they want to bring the government down. They are definitely doing a crime,” ang sinabi ni Castro.

Sa kabila ng naging kautusan sa kapulisan na ‘to keep maximum tolerance’ nanaig pa rin ang karahasan sa dalawang lugar sa labas ng Malakanyang.

Ang mga naka-maskarang indibidwal na nakasuot ng itim na t-shirt ay natangkang itulak ang anti-riot police na nagbabantay sa daan patungong Palasyo ng Malakanyang, bago batuhin ng bato at sunugin ang trailer truck na naka-park sa paanan ng Ayala Bridge.

Naghagis ng bato ang mga nakamaskarang indibiduwal kung saan isa sa tinamaan ay ang dzBB broadcast journalist na si Manny Vargas.

Sa ngayon, hindi pa ma-establish ng kapulisan ang affiliation ng mga tao, may 20 ang nasakote kabilang ang tatlong menor de edad matapos ang gulo.

May ilang indibiduwal ang may dalang watawat na na may “One Piece” Straw Hat Jolly Roger, o isang skull-and-crossbones symbol, nakasuot ng isang straw hat mula sa popular Japanese media.

Nasugatan din si Renato Reyes Jr., pangulo ng activist group Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), tinamaan ng bato sa mukha, habang tinatapos na ng grupo ang rally sa Mendiola.

Sinabi ni Reyes na hindi niya alam ang affiliation ng violent protesters na nakitang nambato ng bato at molotov cocktails, at sinira ang public property, kabilang na ang street light. Subalit kinumpirma nito na hindi sila mula sa Bayan.

Tinatayang may 30 police officers ang nasugatan habang nangyayari ang marahas na komprontasyon.  (Daris Jose)

Gilas Pilipinas bumaba ang ranking sa FIBA

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BUMABA ang FIBA ranking ng Gilas Pilipinas matapos ang bigo nilang kampanya sa nagdaang FIBA Asia Cup na ginanap sa Saudi Arabia.

Sa inilabas na ranking ng FIBA ay nasa pang-37 na ngayon ang national basketball team ng bansa.

Mula kasi noong Nobyembre ng nakaraang taon ay nasa ranked 34 ang Gilas Pilipinas ng talunin nila ang New Zealand na ginanap as Pilipinas sa second window ng FIBA Asia Cup Qualifiers.

Maguugnitang sa torneo na ginanap sa Saudi Arabia ay natalo ang Gilas sa Chinese Taipei at New Zealand bago sila nagwagi laban sa Iraq para makapasok sa qualification ng quarterfinals game.

Black Propaganda kay Zambales 1st District Representative at House Deputy Speaker Jay Khonghun

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INIHAYAG ni  Zambales 1st District Representative at House Deputy Speaker Jay Khonghun na black propaganda ang nagsabing nakasuot siya ng Rolex na relo na nagkakahagala ng P.24 milyon.

 

Ayon kay Khonghun, ang relong suot niya ay isang Seiko Daytona black gold mod at hindi mamahaling brand gaya ng ikinakalat sa social media.

 

“Kung nagtanong lang sila, ipinakita ko sana ang mismong relo. Seiko lang ito na paborito kong isuot,” pahayag ni Khonghun.

 

Kaugnay ito ng pinaigting na lifestyle checks matapos ibunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang umano’y ghost flood control projects, kung saan nasangkot ang ilang kontratista na nakitang may mamahaling relo.

 

Paliwanag ni Khonghun, tungkulin lamang ng mga kongresista ang maghain ng panukalang batas para sa pondo ng proyekto, habang ang implementasyon ay nasa Department of Public Works and Highways (DPWH).

 

“Kung galit kayo sa mga kinatawan, baka sa maling tao kayo bumabaling. Tanungin ninyo ang DPWH dahil sila ang nagpapatupad ng proyekto,” giit niya.

 

Dagdag pa ng kongresista, dapat malinaw sa publiko kung kanino dapat magtanong para malaman ang katotohanan at maiwasan ang haka-haka. (Vina de Guzman)

 

Laban sa multi-bilyong anomalya sa mga flood control projects… SINGSON NANAWAGAN NG PEACEFUL REVOLUTION NG KABATAAN

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ISANG “Peaceful Revolution” ang panawagan ni business magnate at former Ilocos Sur Governor Chavit Singson sa mga kabataan laban sa multi-bilyong anomalya sa mga flood control projects ng pamahalaan, sa press conference sa Club Filipino sa Green Hills San Juan, City, noong Biyernes, Setyembre 19.

 

Si Singson, former ally-turned critic of President Marcos, ay mariing nanawagan sa mga mag-aaral na mag-boycott ng kanilang mga klase at lumahok sa mga pagkilos. Gayundin aniya, mahalaga ang suporta ng mga magulang, kasama na ang miyembro ng kapulisan at military na hayaan ang kanilang mga anak  na mag-aklas sa mga lansangan at mamuno sa “revolution against corruption”.

 

“This is the future of the children. Mga kabataan- pabayaan  natin sila. Sila ang mag-lead ng revolution para matanggal ang corruption natin,” aniya ni Singson.

 

Inaasahang libu-libong mga galit at naniningil na Filipino ang dadalo sa mga malawakang protesta sa Luneta Grandstand at Edsa People Power Monument, Linggo, Setyembre 21, 2025. Nangangamba si Singson na maaaring maging magulo at bayolente ang mga pagtitipon. “Ang suggestion ko lang wag na natin pahirapan ang taumbayan. Rally rally baka may manggulo pa. Ang pakiusap ko lang, it will be a peaceful revolution about corruption. Ang mga kabataan, ang mga estudyante, ang magle-lead ng revolution na ito,” sabi niya.

 

Nanawagan si Singson sa mga kabataan “to stand up because it is their rights. Hindi ito para sa amin. Tumutulong lang po kami sa inyo,” dagdag pa niya.  (MRA)

Malabon LGU, nakiisa sa International Coastal Clean-Up Day

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAKIISA ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval sa International Coastal Clean-Up Day sa Mega Dike, Brgy. Dampalit kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa paglilinis at pagtatanim ng mga puno upang mapangalagaan ang kalikasan at mapanatili ang kaayusan ng kapaligiran.

 

Ani Mayor Jeannie, ang pagkilos na ito ay isang paalala na ang kalikasan ay responsibilidad ng lahat sa patuloy na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, mga organisasyon, at mamamayan, ay makakamit ang isang mas ligtas at mas maayos na kinabukasan para sa susunod na henerasyon. (Richard Mesa)

 

Wanted na kriminal timbog sa Malabon, shabu, granada, baril nasamsam

Posted on: September 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGWAKAS na ang pagtatago ng isang wanted na kriminal matapos maaresto ng pulisya sa manhunt operation at makuhanan ng granada, shabu at baril sa Malabon City.

 

Ayon kay Malabon police chief P/Col Allan Umipig, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng akusadong si alyas “Regie”, 30, na kabilang sa mga Most Wanted Person ng Malabon CPS.

 

Katuwang ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS), at Special Weapon and Tactics (SWAT), kaagad ikinasa ng Station Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni P/Lt. Joselito Sunega ang joint operation.

 

Hindi na nakapalag ang akusado nang makorner siya ng mga tauhan ni Col. Umipig sa kanyang tinutuluyang bahay sa Block 2 Kadima, Brgy. Tonsuya dakong alas-10:10 ng gabi.

 

Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Hulyo 17, 2025 ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 74 para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.

 

Nakumpiska sa akusdo ang humigi’t kumulang 18 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P122,400, granada, baril at dalawang magazine na kargado ng 13 bala.

 

Ang akusado ay wanted umano sa pamamaslang sa 50-anyos na babae noong Marso 23, 2025 sa Brgy. Tonsuya na nakuhanan pa ng CCTV sa lugar kung saan nauna ng nadakip ang kanyang noon ding araw na naganap ang krimen.

 

Ang akusado umano ang tumatayong “hitman” ng sindikato ng ilegal na droga na pumapatay sa mga hindi nagre-remit ng bayad at kinukuhanan pa ng larawan ang biktima matapos nilang paslangin bilang patunay na tapos na ang misyon. (Richard Mesa)