TININTAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act (RA) 12288 upang maging ganap na batas, naglalayong isatatag ang Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders upang masiguro ang kanilang professional development at career growth.
Pinirmahan ng Pangulo ang nasbaing batas noong Sept. 12, ang isang kopya ay isinapubliko, araw ng Martes.
Sa pamamagitan ng RA 12288, naitatag ang competency-based promotion system na pinahihintulutan ang mga elementary at secondary teachers na sumulong base sa merito at kuwalipikasyon.
Ang mga posisyon mula Teacher I hanggang Master Teacher I ay magsisilbi bilang base ng expanded system, may kasamang promosyon na dinetermina sa pamamagitan ng ‘fitness and competence’ na naka-ayon sa professional standards.
Kinikilala rin ng batas ang paunang pag-aaral at karanasan sa pagtuturo, payagan ang mga kuwalipikadong guro na pasukin ang anumang posisyon sa loob ng base level, batay sa qualification standards ng Civil Service Commission (CSC) at ng career stage indicators ng Teacher Education Council (TEC).
At para ipatupad ang batas, ang CSC, Department of Education (DepEd), Professional Regulation Commission (PRC), at TEC ay inatasan na i-harmonize ang qualification standards para sa teaching positions sa iba’t ibang public school system, isinasaalang-alang ang mandatong Standards-Based Assessment.
Samantala, inatasan naman ang Department of Budget and Management (DBM) na magtatag ng bagong teaching positions gaya ng Teacher IV to Teacher VII, Master Teacher V to VI, at School Principal V — para alawigin ang promotion opportunities.
Magpapalabas naman ang DepEd ng guidelines para suriin ang mga guro at school leaders na nafahangad ng promosyon, kabilang na ang ‘assessment process, criteria, point system, at standards-based assessment’ upang masiguro ang ‘transparency at accountability.’
Para palakasin ang implementasyon, inatasan ang TEC na i-align at pangasiwaan ang papel ng National Educators Academy of the Philippines at Bureau of Human Resource and Organizational Development ng DepEd.
Ang DepEd, CSC, PRC, at DBM, sa pagsangguni sa TEC at iba pang education stakeholders, ay dapat ipalabas ang implementing rules and regulations ng batas sa loob ng 90 araw ng pagiging epektibo nito.
Ang IRR ay magiging epektibo 30 araw matapos na mailathala sa pahayagan na may general circulation. ( Daris Jose)