• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 5:05 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 17th, 2025

P272-M HALAGA NG ILLEGAL NA DROGA NASABAT SA BATANGAS PORT

Posted on: September 17th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NASAMSAM ang tinatayang P272 milyong halaga ng illigal na droga sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng PCG, PDEA, at Coast Guard K9 Unit, sa Batangas Port noong Martes, Setyembre 16.
Nadiskubre ang mga  kontrabando sa loob ng 4 na speakers, na lulan ng isang sasakyan na minamaneho ng isang 30-anyos na taga-Cotabato City. matapos nagpositibo ito sa K9 unit, ayon sa PCG.
Dinala na ang suspek at mga ebidensya sa PDEA Headquarters, para sa imbestigasyon.
Itinuring naman ng PCG, na isa itong matagumpay na operasyon  na nagpapakita ng matibay na pagtutulungan sa pagitan ng mga pinagsanib na pwersa ng mga ahensya sa pagpigil at pagpasok ng ilegal na droga sa pamamagitan ng mga daungan sa bansa. (Gene Adsuara)

MGA KALYE NA BAWAL PARADAHAN, INILABAS NG MANILA LGU

Posted on: September 17th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGLABAS ang Manila LGU ang mga lansangan na sakop ng MMDA Regulation No 25-001 na nagbabawal sa pagparada ng mga sasakyan sa mga kalsada.
Kabilang dito ang 7 na nasa ilalim ng ABSOLUTE NO PARKING ZONES o 24-oras na bawal pumarada sa kalye ang: Pres Quirino Ave; Roxas Blvd o R1; Taft Ave o R2; Magsaysay Blvd at Aurora Blvd o R6; Rizal Ave o R9; Delpan o R10 at ang 17 Mabuhay Lanes.
Habang ang mga kalye na ipagbabawal magparada o No Parking Zones sa pagitan ng 7-10 ng umaga at 5-8 ng hapon, ang Alfonso Mendoza St, Ayala Blvd, Blumentritt Rd.
Kasama rin ang Finance Rd, Guanzon St, Jose Abad Santos Ave, westbound ng Kalaw, Lawton, Legarda St, Moriones St. Onyx St, Osmeña Highway, Pablo Ocampo St, Mel Lopez Blvd o R10, San Andres Bukid, United Nations Ave, at Zobel Roxas St.
Samantala, nagsumite naman ng hiling na exemption ang Manila Traffic and Parking Bureau sa MMDA.
Ito ay dahil sa may ilang kalsada umano sa Maynila ang kailangan mapagamit bilang paradahan dulot ng interes ng pagne-negosyo at mga paaralan.
(Gene Adsuara)

Suporta sa inisyatibo ng BOC na bumuo ng task force na tututok sa balikbayan box concerns, ibinigay ni Agimat Partylist Rep Bryan-Revilla

Posted on: September 17th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
BUONG suporta ang ibinigay ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chair at AGIMAT partylist Rep. Bryan Revilla sa inisyatibo ng Bureau of Customs (BOC) na magbuo ng isang task force na tututok sa mga isyu kaugnay sa balikbayan box concerns lalo na ngayong nalalapit na kapaskuhan.
“Kapag Pasko, dagsa talaga ang balikbayan boxes. Pero higit pa sa mga padala, dala nito ang pagmamahal at sakripisyo ng ating mga kababayang nasa abroad. Kaya timely at kailangan ang task force na ito ng BOC para mabawasan ang delays, maiwasan ang unfair fees, at masigurong makakarating ang bawat pasalubong sa tahanan ng mga Pilipino nang walang dagdag na pasakit,” ani Revilla.
Ayon sa mambabatas, dapat pagtuunan ng pansin ng task force ang paglilinaw sa usapin ng buwis at iba pang fees na hindi malinaw, streamlining customs procedures upang maiwasan ang bottlenecks tuwing peak season, at siguruhin na malinaw ang regulasyon sa mga padala.
“Dapat matiyak na ang mga scammer o abusadong forwarders ay hindi lang pinapatawan ng parusa kundi tuluyang maba-blacklist dahil ang bawat balikbayan box ay simbolo ng dugo at pawis ng ating mga OFW. Ayaw nating may mga padalang nabubulok lang sa mga bodega hanggang ma-expire nang walang nakikinabang, gayong ang mga ito’y nakalaan para sa mga pamilya nilang matagal nang naghihintay at sabik nang matamasa ang bunga ng kanilang pagsusumikap,” giit ni Revilla.
Nanawagan naman ito sa mga civil society, OFW groups, at media partners na palakasin ang boses ng migrant workers, siguruhin na naaayon at matutugunan ng mga polisiya ang pangangailangan ng mga OFWs.
“Ngayong Pasko na dumarami ang balikbayan boxes, at habang mas marami pang OFWs ang nakakatanggap ng tulong mula sa AKSYON, ipakita natin sa ating mga modern-day heroes na pinapahalagahan ang kanilang sakripisyo, pinoprotektahan ang kanilang karapatan, at may gobyernong tunay na kakampi nila,” pagtatapos ni Revilla. (Vina de Guzman)

Libreng sakay para sa manlalakbay, handog Malabon LGU

Posted on: September 17th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGPAKALAT ng 12 sasakyan para sa “Libreng Sakay” ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon, sa pamamagitan ng mga pangunahing tanggapan nito bilang paghahanda sa nakatakdang transport strike sa Setyembre 17–19, 2025, upang matiyak ang mabilis na pagkilos, kaligtasan, at kaginhawahan ng mga Malabueñong mananakay.
“Magkaroon man po ng mga transport strike na kagaya nito, tayo po ay palaging nakahanda para masiguro ang kapakanan ng Malabueño. Layunin po natin na walang hassle para sa ating mga commuters at masiguro na maayos ang trapiko sa ating lungsod, kaya ating inihanda ang Libreng Sakay na maghahatid sa kanila sa kanilang mga pupuntahan,” ani Mayor Jeannie Sandoval.
Ayon sa alkade, katuwang ng Pamahalaang Lungsod ang Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO), General Services Department (GSD), Mayor’s Complaint and Action Team (MCAT), at Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) para ihanda at pakilusin ang mga sasakyan na susuporta sa mga pangangailangan ng commuter at kaligtasan sa kalsada sa panahon ng welga.
Nakipag-ugnayan din ang lungsod sa Malabon City Police, Bureau of Fire Protection–Malabon, at mga opisyal ng barangay para patuloy na masubaybayan ang kaligtasan ng publiko sa iba’t ibang lugar.
Ang Central Command at Communications Center naman ay nananatiling ganap na gumagana para sa real-time na pagsubaybay at pagtugon.
Sinabi naman ni PSTMO Chief Ret. Col. Reynaldo Medina na nakipag-ugnayan din sila sa mga lokal na transport group kabilang ang mga operator at driver ng mga tricycle, e-trike, pedicab, at jeepney na magpapatuloy sa kanilang operasyon sa panahon ng welga.
Tiniyak ni Mayor Sandoval sa mga Malabueño na ang Pamahalaang Lungsod ay nananatiling maagap at handa sa pagbibigay ng tulong sa transportasyon at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng welga.
Hinihikayat din niya ang mga residente na gamitin ang Malabon All Hazards One Network (AHON) 24/7 Alert Application o makipag-ugnayan sa mga sumusunod na hotline 0942-372-9891 / 0919-062-5588 / (02) 8921-6009 / (02) 8921-6029 para sa mga emerhensiya at iba pang alalahanin. (Richard Mesa)

LTO, SUPORTADO ANG DIREKTIBA NG DOTr NA GUMAMIT NG PAMPUBLIKONG TRANSPORTASYON ANG MGA OPISYAL NG KAGAWARAN

Posted on: September 17th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TINIYAK ng Land Transportation Office (LTO) ang buong pagsunod nito sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez na gumamit ng pampublikong transportasyon ang mga opisyal ng kagawaran, upang makabuo ng mga hakbang para sa pagpapabuti ng sistema ng transportasyon para sa kapakinabangan ng milyun-milyong Pilipinong commuter.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang Memorandum ay nagsisilbing mabisang paraan ng feedback dahil mararanasan mismo ng mga opisyal ng DOTr ang araw-araw na dinaranas ng mga ordinaryong mamamayan.
“Buong puso naming tinatanggap sa LTO ang kautusang ito mula sa ating Kalihim at itinuturing namin itong isang back to basic policy na maglalapit sa mga opisyal ng DOTr sa tunay na kalagayan ng pampublikong transportasyon,” ani Asec. Mendoza.
Batay sa kautusan, lahat ng mataas na opisyal ng DOTr at mga attached agencies nito ay inatasang sumakay sa mga pampublikong sasakyan gaya ng bus, jeep, at iba pang mass transportation kahit isang beses sa isang linggo.
Sa LTO, saklaw ng kautusan mula sa LTO Chief hanggang sa mga Assistant Regional Directors.
Dagdag ni Asec. Mendoza, naipasa na ang kautusan sa mga kinauukulang opisyal, ngunit maglalabas pa ang LTO ng karagdagang kautusan upang isama rin ang mga pinuno ng District Offices at Satellite Offices.
“Magandang karanasan ito para sa lahat, at sa pamamagitan nito ay umaasa kaming makabubuo ng mga pinakamainam na hakbang para sa pagpapabuti ng pampublikong transportasyon sa bansa,” pahayag ni Asec. Mendoza.
“At ang pinakamahalaga, tayong nasa DOTr mismo ang makakaranas nito para tunay nating maramdaman ang ipinapatupad natin at maisabuhay ang ating ipinangangaral,” dagdag pa niya. (PAUL JOHN REYES)

La Niña alert itinaas

Posted on: September 17th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ITINAAS ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services (PAGASA) ang La Niña alert dahil sa posibilidad na maranasan ang pagtaas ng La Niña conditions sa bansa bago matapos ang taon.
Sa climate monitoring at analysis ng PAGASA, nagkaroon pa ng paglamig sa sea surface temperatures (SSTs) sa central at eastern equatorial Pacific.
Batay sa climate models kaagapay ang expert judgements, mayroon nang 70 percent na tsansa na magkakaroon ng La Niña sa bansa sa Oktubre ngayong taon hanggang Disyembre 2025 na posibleng tumagal pa hanggang Pebrero 2026.
Dahil dito, ang umiiral na PAGASA El Niño Southern Oscillation (ENSO) alert and Warning System ay itinaas na sa La Niña alert.

Canelo Alvarez umaasang kumasa si Crawford sa panawagan nitong rematch

Posted on: September 17th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

UMAASA si Mexican boxer Canelo Alvarez na pumayag ng rematch si US boxer Terrence Crawford.

Kasunod ito sa pagkapanaloni Crawford ng unanimous decision sa kanilang welterweight title fight.

Sinabi ni Alvarez, na isa ng kasaysayan ang nasabing laban at magiging maganda pa ito lalo kung maulit at handa itong lumaban.

Napaiyak si Crawford ng ianunsiyo ni Michael Buffer na ito ay nagwagi kung saan pumabor sa kaniya ang mga judges matapos ang 12-round.

Pilipinas nahanay sa matinding koponan sa FIFA Futsal Women’s World Cup

Posted on: September 17th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAHANAY ang Philippine women’s national futsal team sa matitinding mga koponan para sa FIFA Futsal Women’s World Cup na gaganapin sa bansa.

Sa isinagawang draw ceremony sa Bonifacio Global City Arts Center sa lungsod ng Taguig ngayong Setyembre ay makakasama ng Pilipinas sa Group A ang Poland, Morroco at Argentina.

Habang sa Group B ay maghaharap ang Spain, Thailand, Colombia at Canada.

Sa Group C naman ay binubuo ng Portugal, Tanzania, Japan at New Zealand.

Sa Group D naman ay maghaharap ang Brazil, Iran , Italy at Panama.

Magiging solo venue na lamang ang Philsports Arena sa Pasig matapos na tanggalin ang Victorias City sa Negros Occidental.

Dahil sa iisa na lamang ang venue ay inaasahan ng Philippine Football Federation (PFF) na dudumugin ito ng mga football fans.

Duplantis nagatala ng panibagong record sa Japan

Posted on: September 17th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PATULOY ang pamamayagpag ni Swedish pole vault star Armand Duplantis.

Ito ay matapos na makamit niya ang ika-14 na world record sa ginanap na torneo sa Japan.

Siya lamang ang nag-iisang pole vaulter na nakapagtala ng 6:30 meters clearance.

Mayroon na ngayon ang 25-anyoas na walong global men’s pole vault medals sa indoor at outdoor competitions.

Sinabi nito na masaya siya na nagbibigay ito ng mga panibagong record sa nasabing sports.

Sa ginawang maiksing pagdinig nito… Inaprubahan ng House Committee on Appropriations ang P902.8 million budget ng Office of the Vice President

Posted on: September 17th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HUMARAP mismo sa pagdinig si Vice President Sara Duterte sa komite na pinamumunuan ni chairman at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, budget sponsor at vice chairman Palawan Rep. Jose Alvarez, at iba pang miyembro ng komite.

Tinanong nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at Kabataan Party-list Rep. Renee Louise Co si Duterte kaugnay sa kanyang pagbiyahe sa ibang bansa at paggamit ng confidential funds, na kabilang sa mga isyu sa impeachment trial.

Iginiit ni Duterte na wala siyang ginamit na anumang public funds para sa kanyang tiket at incidental expenses.

Itinulak naman ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na i-terminate ang budget hearing matapos ang pagtatanong ng dalawang minority congressmen.

(Vina de Guzman)