INILABAS na ni Mayor Jeannie Sandoval, nitong Lunes ang pang-apat tranche ng Malabon Ahon Blue Card (MABC) tulong pinansyal sa 93,409 households ng lungsod na bahagi ng kanyang pangako na maghatid ng mga programa at serbisyo para sa mga residente.
“Malabuenos! Naririto na po ang pinakahihintay nating lahat. Ngayong araw ay magsisimula na ang pamamahagi ng 4th ayuda sa ilalim ng ating programang Malabon Ahon Blue Card. Ito ay bahagi ng ating layuning mabigyan ng access ang bawat mamamayan sa mga programa ng pamahalaang lungsod, ano man ang estado sa buhay. Kaya naman po ihanda na ang inyong mga Blue Cards at i-claim ang ayuda na talagang nakalaan po para sa inyo,” ani Mayor Jeannie .
Pangungunahan ang Monitoring, Evaluation, Accountability, at Learning (MEAL) Office ni Ms. Catherine Larracas na ayon sa kanya ay puwede na makuha ang tulong pinansyal simula September 15, 2025, 9:00 a.m hanggang October 31, 2025 11:59 p.m.
Ayon sa MEAL, maaaring i-claim ng mga benepisyaryo ang ayuda sa pamamagitan ng BancNet-powered ATM, o sa pamamagitan ng pagbisita sa alinmang United Storefront Services Corporation (USSC) sa buong bansa. Maaari rin nilang gamitin ang kanilang mga MABC bilang debit card sa anumang mga tindahan na may point of sale (POS) device o bilang ATM Debit Card sa mga mall, restaurant, drugstore, at iba pang mga establisyimento na tumatanggap ng mga pagbabayad sa card.
Ang mga kwalipikadong may hawak ng Blue Card ay makakatanggap ng text mula sa USSC bago nila ma-claim ang kanilang mga card. Maaari rin nilang tingnan ang listahan ng mga benepisyaryo sa Malabon Ahon Blue Card Facebook page. Ang mga hindi pa nakakuh ng kanilang MABC sa panahon ng mga pamamahagi sa taong ito ay hindi kwalipikado para sa ayuda.
Pinaalalahanan ng MEAL ang mga residente na panatilihing malinis ang kanilang MABC, itago ito sa isang protective case o wallet, malayo sa mga magnet o electronic device, upang maiwasan na magasgasan o mapinsala.
Hinimok din nito ang mga residente na iulat ang mga nawawalang MABC, nakalimutang PIN, at iba pang alalahanin sa USSC o sa MABC Office sa ikaapat na palapag ng Malabon City Hall.
Ang MABC ay inilunsad noong Disyembre 2022 na nagsisilbing plataporma para sa pamahalaang lungsod na maghatid ng epektibo, at mahusay na mga serbisyo sa lahat ng Malabueno na may transparency.
Samantala, sinabi naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete na “Sa pagsisimula ng pamamahagi ng ika-apat na ayuda sa Malabon Ahon Blue Card, nais nating ipadama sa ating mga kababayan na tayo ay laging handang tumulong sa nangangailangan ano man ang panahon. Marami na ang programang nakapaloob sa MABC at ang mga ito ay maaaring maaccess ng ating mga kababayan. Nawa ay gamitin ninyo ang ayuda sa ilalim ng programang ito para sa mga pangangailangan ninyo at ng inyong pamilya,”. (Richard Mesa)