SHOOT sa kulungan ang dalawang lalaki na kapwa wanted sa kaso ng pang-aabuso sa isang menor-de-edad matapos maaresto sa magkahiwalay na manhunt operation sa lalawigan ng Masbate at Valenzuela City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento na nagtatago sa lalawigan ng Masbate ang akusadong si alyas “Tony”, 35, na nakatala bilang No. 7 sa Ten Top Most Wanted Person sa Valenzuela City Police.
Kaagad nakipag-uganayan ang binuong team ni Col. Talento mula sa mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) at Warrant and Subpoena Section (WSS) sa Mandaon MPS bago ikinasa ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado alas-3-15 ng hapon sa Brgy., Sampad, Balud, Masbate.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng RTC Branch 172, Valenzuela City, para Lascivious Conduct and Section 5(b) of Republic Act 7610 – Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, at Discrimination Act (4 counts) na may inirekomendang piyansa na kabuuang halaga na P760,000.
Samantala, dakong alas-2:35 ng hapon nang makorner naman ng pinagsanib na mga operatiba ng WSS at SIS sa joint manhunt operation ang No. 9 MWP na si alyas “Atong”, 22, sa Sta. Monica Compound 1, Brgy. Malinta ng lungsod.
Dinampot ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng Regional Trail Court (RTC), Branch 270, Valenzuela City noong May 5, 2022 para sa paglabag sa Section 5 ng RA 7610 at Section 4 ng RA 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act) in relation to RA 7610 Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (3 counts) na may inalaang piyansa na P360,000. (Richard Mesa)