PINAPURIHAN ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang data sharing agreement sa pagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ng Department of Education (DepEd).
Dahil dito, mapapabilis aniya ang pagbibigay ng certification ng senior high school students sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track at magbubukas sa mas malawak na oportunidad para sa kanilang employment at paglago ng career.
“This partnership ensures that our SHS-TVL learners will suffer no delay in accessing TESDA’s assessments and services. With faster and more accurate certification, our graduates can more quickly pursue jobs or further studies, giving them a real head start in life,” ani Speaker Romualdez.
Iginiit nito na ang pagsasanib puwersa ng Assessment Schedules Information System (ASIS) ng TESDA sa Learners Information System (LIS) ng DepEd ay magtatanggal sa bottleneck sa pagtatakda at validation at magsisiguro na ang mga mag-aaral sa SHS-TVL ay agad na maassess at masesertipakahan.
“Sa pamamagitan ng kasunduang ito, masisiguro natin ang mas mabilis at mas may na proseso para makakuha ng TESDA certification na ang ating mga kabataang nasa TVL track. Ito ang magsisilbing susi upang mas marami sa kanila ang makahanap ng magandang trabaho o magpatuloy sa mas mataas na antas ng pagsasanay,” pahayag pa ni Romualdez.
Ang pahayag ng speaker ay kasunod sa paglagda nina TESDA Secretary Francisco Benitez at DepEd Secretary Sonny Angara ng kasunduan na pagsanibin ang kani-kanilang databases para sa mga TVL learners sa buong bansa.
Para naman matugunan ang isyu sa data privacy, winelcome din ni Romualdez ang kasiguruhang ibinigay na naglagay ang dalawang ahensiya ng data protection officers at nagpatupad na rin ng mahigpit na pamantanan kabilang na ang encryption, multi-factor authentication at breach notification protocols. (Vina de Guzman)