• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:32 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 11th, 2025

PBBM, nagkomento sa pagkakabanggit ng pangalan ng kanyang pinsan na si Cong. Romualdez sa infra kickback mess

Posted on: September 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bagama’t hindi naman krimen ang name-dropping, ang paggamit ng pangalan ng ibang tao para magnakaw ay krimen.
Ito’y matapos na ikanta ng kontratista na si Pacifico “Curlee” Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committe hinggil sa maanomalyang flood control projects kasama ang kanyang asawa na si Cezarah “Sarah” Discaya, ang pangalan ni House Speaker Martin Romualdez, Marcos, pinsan ni Pangulong Marcos na ginagamit ang pangalan para makakuha ng komisyon mula sa mga infrastructure projects.
“Alam mo kaming lahat suffer from that ano — sasabihin “utos ni President,” “utos ni Secretary”, “utos ni ganito”, tapos hindi naman totoo. Kaya we will have to look. Eh kung totoo, eh ‘di may problema na talagang inutos. Pero hindi ang nakikita ko we are all – all of us who are in high positions – high offices in government, all of us suffer that…,” ang sinabi ng Pangulo sa Kapihan with the Media sa Phnom Penh, Cambodia.
“So, we’ll see kung name-dropping lang or there is something more substantial to it. Kung name-dropping lang… But you know, name-dropping is not a crime. But what is a crime is that you use the name of somebody else para magnakaw,” anito.
At sa tanong kung nananatiling alegasyon ang pasabog ng mag-asawang Discaya, sinabi ng Pangulo na hindi pa siya makapagbibigay ng konklusyon hangga’t ang usapin ay hindi pa naiimbestigahan ng independent commission.
“Kung totoo, eh ‘di totoo. Kung sabi-sabi lang, haka-haka lang, eh we will also show that na haka-haka lang,” anito sabay sabing “But you know, we cannot come to any conclusions yet now. Wala pa ‘yung investigative independent commission.” ( Daris Jose)

Pagsuway sa utos ng Napolcom, dahilan ng pagkakasibak ni Torre mula sa PNP top post

Posted on: September 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
INAMIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sinibak niya sa tungkulin si Gen. Nicolas Torre III bilang Philippine National Police (PNP) chief matapos itong tumanggi na sumunod sa kautusan ng National Police Commission (Napolcom) na i-reverse ang reassignment ng mga senior officials.
“He did not agree with the directives that were coming out of Napolcom,” ang sinabi ni Pangulong Marcos nang tanungin kung ano talaga ang dahilan ng pagkakasibak sa puwesto ni Torre.
Sinabi ng Pangulo na makailang ulit na niyang kinausap si Torre ukol sa kautusan ng Napolcom, subalit hindi aniya sumunod ang huli.
Binigyang diin ng Pangulo ang “very clear” chain of command, sabay sabing “a civilian authority is the overwinning authority when it comes to the police.”
“Because the police [force] is technically a civilian organization, and Napolcom is the civilian authority that has the authority to monitor and to [oversee it]. It has powers — very specific powers in terms of the appointments, and that’s why they disagreed,” ang winika ng Pangulo.
“But you know, we had many discussions about it beforehand. Hindi lang daw talaga niya magawa. So, sabi ko eh wala tayong magagawa kung ganoon ang sitwasyon,” aniya pa rin.
Matatandaang noong Agosto 6, ay may utos na direktiba mula kay Torre na nagtalaga kay Nartatez bilang commander ng APC Western Mindanao at si Banac bilang deputy chief for administration, ang pangalawang pinakamataas na posisyon ng PNP.
Bagama’t hindi nila tahasang binanggit ang kautusan ng Napolcom, lahat ng 18 PNP regional chiefs ay pumirma sa isang manifesto ng suporta para sa “line of authority” at para kay Torre.
Sa pag-uutos sa PNP na bawiin ang mga naunang reshuffle ng mga tauhan nito, binanggit ng Napolcom ang awtoridad nitong magsagawa ng administrative control at operational supervision sa PNP sa ilalim ng Republic Act 6975, o ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Act.
Binanggit pa nito na, habang binibigyan ng RA 6975 ang PNP chief ng awtoridad na idirekta ang deployment ng mga tauhan, tinukoy din ng batas ang “administrative control” ng Napolcom kabilang ang kapangyarihang suriin, aprubahan, baligtarin, o baguhin ang mga planong may kinalaman sa mga tauhan.
Binanggit din ng Napolcom ang Resolution 2022-473 nito, na nagsasabing kailangan munang ipasuri ng PNP ang paglalagay ng mga opisyal sa third-level positions at kumpirmahin ng commission en banc.
Sa kabila ng naunang paalala mula sa Napolcom tungkol sa awtoridad nito sa mga senior assignment, nagpatuloy si Torre sa pag-aayos nito. Ngayon, ibinabalik ng komisyon ang lahat, tinatarget ang 13 matataas na pulis, kabilang si PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., PLt. Gen. Bernard Banac, at PMaj. Heneral Robert Alexander Morico II.
Hindi lang na-recall ng Napolcom ang mga utos, inutusan din nito ang PNP na maibalik ang dating setup nito.
Sa ilalim ng RA 6975, o ang Department of the Interior and Local Government Act of 1990, na sinususugan ng RA 8551 (PNP Reform and Reorganization Act of 1998), ang PNP chief ay may awtoridad na magtalaga ng mga tauhan sa mga posisyon sa ikatlong antas—na napapailalim sa pangkalahatang mga alituntunin at pangangasiwa ng Napolcom.
Samantala, sa pang-apat na episode ng kanyang podcast, nilinaw ni Pangulong Marcos na hindi nawala ang kanyang tiwala at kumpiyansa kay Torre, sa katunayan, inilarawan niya si Torre bilang “good commander [who] was protecting his people.”
“He did such a [good job]. Ang galing niyang pulis,” ang sinabi ng Pangulo.
Inamin ni Pangulong Marcos na balak niyang alukin si Torre ng bagong government post subalit tumanggi naman siya (Pangulo) na sabihin kung anong posisyon ito.
“We’ll find a way to avail of his talents,” aniya sabay sabing “Let me tell him first. Abangan ang mga susunod na kabanata.” ( Daris Jose)

Limpak-limpak na pera sa DPWH-Bulacan inilantad sa Kamara

Posted on: September 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
INILANTAD ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District Assistant Engineer Brice Hernandez ang umano’y limpak-limpak na perang nakatambak sa kanilang opisina, na bahagi raw ng mga transaksyon sa flood control projects.
Sa pagdinig ng House Infrastructure Committee nitong Martes, ipinakita ni Hernandez ang litrato ng mga nakasalansang cash na aniya’y kuha sa Bulacan First District Engineering Office noong 2022 o 2023.
Sinabi ni Hernandez na natuwa lamang umano siya kaya kinunan ng larawan ang bulto-bultong halaga ng pera na nakalatag sa mesa.
“‘Yung half body po, si Boss Henry Alcantara ko po ‘yun,” pahayag ni Hernandez habang tinutukoy ang isang tao sa larawan.
Aniya, bawat tumpok ng pera ay may nakalaang tatanggap. “Kung makikita niyo po, magkakahiwalay ‘yung pera. May mga designated person po na pagbibigyan niyan.”
Nang tanungin ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio kung normal ba ang ganitong kalaking halaga ng cash sa isang opisina ng gobyerno, diretsong sagot ni Hernandez: “Sa office po namin, normal po ‘yan.”
Dagdag pa niya, hindi niya alam kung sino ang aktuwal na tumatanggap ng pera dahil inuutos lang umano sa kanila na ayusin at ihiwalay ang halaga para sa mga tinutukoy na proponent.
Ibinahagi rin ni Hernandez ang isa pang litrato, kuha umano sa isang private residence malapit sa kanilang opisina, kung saan makikitang may bulto rin ng pera.
Ayon kay Hernandez, kaibigan ni Alcantara ang may-ari ng naturang bahay. ( Daris Jose)

Ang 2025 flood control budget na P350 billion ay naantala dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon… P225-B flood control funds, mapupunta sa edukasyon, pangkalusugan- PBBM

Posted on: September 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang pondo na orihinal na inilaan para sa locally funded flood control projects sa panukalang 2026 budget ay dadalhin sa ‘edukasyon, pangkalusugan, iba pang agarang pangangailangan.
“‘Yung locally funded kung tawagin na project that amounts to about 225 billion, we will reappropriate it to education, to health, and other departments that are in need of this funding,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Ang paliwanag ng Pangulo, ang 2025 flood control budget na P350 billion ay naantala dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon, dahilan para ang 2026 allocation ay ‘ unnecessary.’ Ang Foreign-assisted flood projects na nagkakahalaga ng P50 billion ay magpapatuloy.
Tinuran ng Pangulo na ang realignment ay naglalayon na i- maximize ang paggamit ng savings at agad na tugunan ang panlipunang pangangailangan.
Nauna rito, iniulat ng Department of Budget and Management (DBM) na ipinalabas nito ang halos lahat ng appropriated budget para ngayong taon, na may P285.3 billion ang natitira na gagastusin sa mga ahensiya ng gobyerno. (Daris Jose)

2 BUNGO REKOBER NG PCG SA TAAL LAKE- DOJ

Posted on: September 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAREKOBER ng mga divers ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang bungo na pinaniniwalaang human remains sa Taal Lake.
“There were two (2) human skulls that were found. Kaya we can at least say that there are two (2) human remains that were found. It could be more,” ani ASec. Mico Clavano ng DOJ.
Ayon kay Clavano, isasailalim pa ang nakuhang bungo sa mga pagsusuri at DNA testing.
Ang search and retrieval operations sa Taal Lake ay nagpapatuloy para mahanap ang mga nawawalang sabungeros . (Gene Adsuara)

SUBPOENA INILABAS LABAN KINA ANG AT BARRETTO

Posted on: September 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGLABAS na ng subpoena ang Department of Justice (DOJ) laban kina businessman Atong Ang, at aktres na si Gretchen Barretto at ilang iba pa kaugnay sa reklamo ng missing sabungeros.
Sa ulat, sinimulan ang pagpapadala ng subpoena noong Martes ng gabi, Sept.9 at nagpapatuloy ngayong Miyerkules.
Naglabas din ang DOJ ng subpoena laban kay dating National Capital Region Police Office chief retired Police General Jonnel Estomo at 18 mga pulis.
Ito ay para sa preliminary investigation (PI) laban sa nabanggit na indibidwal para sa serious detencion at multiple murder bukod sa iba pa.
Una nang itinanggi ni Ang, Barretto at ang alegasyon laban sa kanila.
Sinabi ni Ang na nagbanta si Patidongan na iugnay siya sa missing sabungeros kapag tumanggi siyang magbayad ng P300 milyon habang sinabi ni Barretto na nakatanggap din siya ng katulad na banta. (Gene Adsuara)

Mga Discaya, hindi kuwalipikadong maging state witnesses

Posted on: September 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NANINIWALA si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na maaaring hindi kuwalipikado ang mag-asawang contractors na sina Curlee at Sarah Discaya na magsilbi bilang state witnesses sa kontrobersiyal na maanomalyang flood control projects.
“Di sila kuwalipikado base sa ‘least guilty’ na pamantayan. Para sa akin, kasama sila sa most guilty sa corruption sa flood control projects,” ani Ridon.
Sa halip aniya na ipasok sa Witness Protection Program, ay dapat tignan ng Department of Justice (DOJ) ang posibilidad na kasuhan ang mga ito ng plunder.
“Gaya ng nabanggit ng isang miyembro namin sa komite, puwede silang kasuhan ng plunder at ang ebidensiya ay ‘yung mismong affidavit nila, kung saan inamin nila na involved sila sa corruption,” pahayag nito.
Sinabi nito na sa assessment ni Pasig City Mayor Vico Sotto na kaya nais maging state witness ng mga Discaya laban sa mga public officials na umano’y tumanggap ng bilyong kickbacks mula sa flood control projects ay upang maprotektahan ang sarili mula sa posibleng kasong kriminal.
Nagbabala si Ridon na ang affidavit ni Curlee Discaya sa pagdinig ng komite ay sapat na basehan para tanggihan ng gobyerno ang anumang hiling na proteksyon bilang state witnesses.
(Vina de Guzman)

NPC, nakatanggap ng 41 bagong computer tablets

Posted on: September 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PERSONAL na pinasalamatan ni Mayor John Rey Tiangco ang Asialink Finance Corporation, sa pangunguna ni Mr. Bobby Jordan, sa kanilang ibinigay na 41 computer tablets sa Navotas Polytechnic College. Ani Tiangco, malaking tulong ito para lumawak pa ang kaalaman ng mga NPCian at sana ay mas ma-inspire pa silang mag-aral dahil sa mga bagong gamit nilang gadgets. (Richard Mesa)

Mag-asawa na gumagawa ng mga pekeng government ID, timbog sa Valenzuela

Posted on: September 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TIMBOG ang mag-asawa na gumagawa umano ng mga pekeng ID ng senior citizen, person with disability (PWD) at iba pang government at company ID matapos salakayin ng pulisya ang kanilang bahay sa Valenzuela City.
Iniharap ng pulisya, Miyerkules ng umaga kay Valenzuela City Mayor WES Gatchalian ang mag-asawang sina alyas “Marlon”, 44, at alyas “Liza”, 40, residente ng Brgy. Gen. T. De Leon.
Ayon kay Valenzuela Acting Police Chief P/Col. Joseph Talento, inatasan sila ni Mayor Wes na lutasin ang ipinarating na reklamo ng City Health Office hinggil sa malawakang paggamit ng mga pekeng ID ng senior citizen at PWD upang makakuha ng diskuwento at iba pang benepisyo sa iba’t ibang establisimiyento na inaalok umano ng mag-asawa sa social media.
Sa tulong ng Northern Police District-Anti-Cybercrime Team (NDACT), nagkaroon ng pagkakataon ang pulis na nagpanggap na buyer na magpagawa ng pekeng ID sa mag-asawa na dahilan para matunton nila ang bahay ng mga ito.
Nang maglabas ng search warrant ang Presiding Judge ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 282, ikinasa ng pinagsamang puwersa ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela Police at NDACT ang pagsalakay sa bahay ng mag-asawa na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Bukod sa mga pekeng senior citizen at PWD ID, nakuha rin ng kapulisan sa bahay ng mag-asawa ang mga pekeng ID na ini-issue ng lahat ng ahensiya ng pambansang pamahalaan, pribadong kompanya, law enforcement agency, at maging TODA at driver’s license.
Kinumpiska rin ng pulisya sa dalawa ang mga gamit nila sa paggawa ng pekeng ID, pati na ang laminating film, printer, heavy duty laminator, internet router , limang mobile phones, at SSD storage.
Pinakakasuhan na ni Mayor Gatchalian ang mag-asawa ng paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code in relation to Section 6 ng R.A. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

DRUG-DEN SINALAKAY NG PDEA, 4 NA SUSPEK TIMBOG

Posted on: September 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGSAGAWA ng joint buy-bust operation ang mga drug busters ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 10 – Misamis Oriental Provincial Office, sa koordinasyon ng PNP CIB at COCPO PS2, na nauwi sa pagkalansag sa drug den at matagumpay na naaresto ang apat (4) na drug personalities noong Setyembre 9, 2025, Barangay 20525, Ram. Cagayan de Oro City.
Nakumpiska sa operasyon ang humigit-kumulang pitong (7) gramo ng hinihinalang shabu, na may street value na aabot sa halagang ₱47,600.
Kinilala ni PDEA Regional Office 10 Regional Director Alex M. Tablate ang mga naaresto na sina:
Si alyas “Julius”, 26 taong gulang, binata, residente ng Justo Ramonal, Brgy. 29, Cagayan de Oro City.
Si alyas “William”, 47 taong gulang, may asawa, residente ng Justo Ramonal, Brgy. 29, Cagayan de Oro City.
Alyas “Ken”, 29 taong gulang, may asawa, residente ng Lapas I, Lapasan, Cagayan de Oro City.
Si alyas “Dwight”, 26 taong gulang, binata, at residente ng Jose Rivera St., Brgy. 27, Cagayan de Oro City.
Ang apat na suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Article II ng Republic Act 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nananatiling matatag ang PDEA RO-10 sa kampanya laban sa ilegal na droga at hinihimok ang publiko na manatiling mapagmatyag at mapanatili na ang Cagayan de Oro ay maging ligtas na komunidad laban sa ilegal na droga. (PAUL JOHN REYES)