Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
GUILTY ang naging hatol ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vivencio B. Dizon laban kay Engineer Henry C. Alcantara, dating District Engineer ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office, na nasangkot sa mga maanumalyang proyekto sa Lalawigan ng Bulacan.
Bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na papanagutin ang mga tiwaling opisyal na sangkot sa mga proyektong palpak at hindi nakikinabang ang publiko, binigyang-diin ni Secretary Dizon sa kanyang pitong pahinang desisyon na napatunayang may sala si Engineer Alcantara sa mga sumusunod na mabibigat na kasong administratibo: Disloyalty to the Republic of the Philippines and to the Filipino People; Grave Misconduct; Gross Neglect in the Performance of Duty, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, alinsunod sa Sections 63 (A)(1)(d), (f), (h), at A(2)(a), Rule 10 ng 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service.
"Ito ay isang babala sa mga opisyal at kawani ng DPWH na responsable sa mga ghost at substandard projects, dahil kagaya nga ng sinabi ni Pangulo, hindi natin hahayaan na hindi mapanagot ang mga tiwali sa pamahalaan," diin ni Secretary Dizon.
"Kasunod nito, kami ay magrerekomenda sa kaukulang tanggapan upang maghain ng criminal charges laban kay Engineer Alcantara at iba pang sangkot na indibidwal upang makamit ang hustisya sa kanilang ginawang pambababoy sa kaban ng bayan," dagdag pa ni Secretary Dizon.
Nauna nang pinangalanan ni Secretary Dizon ang mga susunod na sasampahan ng kasong administratibo at kriminal bilang sina dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, Construction Section Chief Engineer Jaypee Mendoza, at Accountant III Juanito Mendoza na mula lahat sa Bulacan 1st District Engineering Office. ( Daris Jose)
TINANGGAP at nirerespeto ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang panawagan mula sa mga business leaders at civil society na tuldukan ang korupsyon sa gobyerno kasabay ng pangakong hindi kokondenahin ng Kamara ang pang-aabuso sa serbisyo publiko.
"I welcome and respect the strong statement made by our partners in the business community and civil society calling for an end to corruption in government. Their concern echoes the very principles of transparency, accountability, and integrity that the House of Representatives has committed to uphold," ani Romualdez.
Kinondena ng tatlumpo sa pinakamalaki at maimpluwensiyang business groups sa bansa ang graft at corruption sa gobyerno, partikular na sa Department of Public Works and Highways, local government units, at Commission on Audit (COA).
Sa isang joint statement nitong Huwebes, umapela ang grupo na itigil na ang korupsyon at maawa sa publiko sa kanilang dinaranas na paghihirap.
Inihayag naman ni Romualdez na hindi kukunsintihin ng kongreso ang pang-aabuso sa alinmang sangay ng gobyerno.
"Let me be clear: the House of the People will never condone corruption, whether in public works, local governance, or any other area of government service. Allegations of wrongdoing must be investigated thoroughly and addressed decisively. I fully support initiatives for independent scrutiny and fair prosecution to ensure that those who betray public trust are held accountable under the law," dagdag nito. (Vina de Guzman)