• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 8:11 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 4th, 2025

Humirit na magpalabas ng Immigration lookout bulletin order laban sa 25 DPWH officials at iba pang private personalities:  DPWH Sec. Vince, nagpasaklolo na sa DoJ

Posted on: September 4th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGPASAKLOLO na si DPWH Secretary Vince Dizon sa Department of Justice (DoJ) na magpalabas ng Immigration lookout bulletin order laban sa 25 DPWH officials at ibang private personalities na pinaghihinalaang may kinalaman sa mga ghost flood control projects sa bansa.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nakasaad sa liham ni Dizon sa DOJ, binigyang-diin nito ang napapanahong paglabas ng lookout bulletin laban sa mga nasabing opisyal at indibidwal upang masiguro ang tuluy-tuloy na imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.
Layunin din aniya nito na mapanagot ang sinumang sangkot sa mga nasabing proyekto.
sa kabilangd ako, hiniling din ni Secretary Dizon sa Bureau of Immigration na bigyan sila ng agarang impormasyon at ang iba pang enforcement agencies kaugnay sa napipintong paglabas sa bansa ng mga nasabing personalidad.
Kaugnay nito, ipinag-utos din ni Secretary Dizon ang suspension ng bidding sa lahat ng locally-funded projects sa bansa sa loob ng dalawang linggo upang magpatupad ng mga safeguard measures. ( Daris Jose)

P20 kada kilong bigas para sa mga magsasaka

Posted on: September 4th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINANGUNAHAN ni Mayor John Rey Tiangco at Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang opisyal na paglulunsad ng Benteng Bigas para sa mga Mangingisda sa Navotas Fish Port Market. Sa expansion ng P20 rice program, bukod sa mga miyembro ng 4Ps, senior citizen, solo parent, at PWD ay makakabili na rin ang fisherfolks ng bente pesos kada kilong bigas sa authorized sellers.
(Richard Mesa)

‘Nanay’ na tulak, timbog sa drug bust sa Valenzuela 

Posted on: September 4th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ISANG 55-anyos na sari-sari store owner na sideline umano ang pagbebenta ng ilegal na droga ang arestado nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “Nanay” 55, ng Brgy., Dalandan.
Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga operatiba ng SDEU, agad ikinasa ni P/Lt. Sherwin Dascil, OIC chief ng SDEU ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Dakong alas-5:00 ng madaling araw nang makipagkita umano ang suspek sa Duhat St., Brgy. Dalandanan, sa isang pulis na nagpanggap na buyer na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.
Nakumpiska sa suspek ang nasa 5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P34,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at apat pirasong P1,000 boodle money, P200 cash at brown coin purse.
Ayon kay PMSg Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa nila laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

Lookout Bulletin, hirit ni Dizon sa DOJ

Posted on: September 4th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
HINILING ni DPWH secretary Vince Dizon sa Deparmemt of Justice (DOJ) na maglabas ng Immigration lookout bulletin laban sa ilang mga opisyal ng DPWH at mga pribadong indibidwal na sangkot sa nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay sa flood maanomalyang control projects.
Sa kanyang liham kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla , hiniling nito na agad maglabas ng LBO dahil mahalaga ang agarang aksyon
upang hindi maantala ang kasalukuyang imbestigasyon at mapanagot ang mga sangkot.
Ang kontrobersyal na flood control projects ay patuloy na iniimbestigahan ng Senado at Kamara.
Nakialam na rin ang Bureau of Customs sa imbestigasyon para masiyasat ang umano’y overpriced na kagamitan at luxury vehicles ng ilang kontratista na umano’y mula sa iregularidad sa multi-bilyong pisong flood control projects .
Bilang bagong liderato ng DPWH, nangako si Dizon na paiigtingin ang inernal cleansing sa kanilang hanay sa loob ng 60 araw upang malinis ang katiwalian mula sa mga opisyal at empleyado ng kawanihan. (Gene Adsuara)

Birthday cake para kay Lolo at Lola ibabalik ni Yorme Isko sa Maynila

Posted on: September 4th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
MAKARAANG itigil ng nakaraang administrasyon, ibinalik ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pamamahagi ng birthday cake para sa mga senior citizen na residente ng lungsod na magdiriwang ng kanilang kaarawan at ilang benepisyo na nawala o nagkulang.
“Sisikapin po naming ibalik ang mga bagay na nawala, nabawasan, at nagkulang sa inyo, mga lolo at lola ko.
Inumpisahan po natin sa Ensure milk at ngayon sa pagbabalik ng birthday cakes ng senior citizens natin, at tuloy-tuloy na po ito,” pahayag ni Domagoso.
Sinimulan ang pamamahagi ng mga birthday cake nitong Martes ng umaga, Setyembre 2, 2025, kung saan mismong si Yorme ang nagpunta sa bahay ng isang 87-anyos na lola, si Consolacion Villanueva, na nagdiwang ng kanyang kaarawan.
Ayon kay Domagoso, ang mga senior citizen na residente ng Maynila na nagdiwang ng kaarawan simula Hulyo 1, 2025 ay makatatanggap na ng kani-kanilang birthday cake ngayong Setyembre.
Dagdag pa ni Mayor Isko na uni-unti rin niyang ibabalik ang mga nawala at nagkulang na benepisyon sa kanila.
Matatandaan na unang ipinakilala ni Mayor Isko ang birthday cake program sa kanyang unang termino bilang alkalde at sa kanyang pagbabalik ay muli niyang ipagpapatuloy ang mga serbisyong kanyang nasimulan sa mga nakatatanda. (Gene Adsuara)

PBBM, ipinag-utos ang malawakang pagsusuri ng DPWH budget sa ilalim ng 2026 NEP

Posted on: September 4th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Budget and Management (DBM) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng malawakang pagsusuri sa DPWH budget sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP).
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ”The President emphasized that the review must lead to the necessary changes to guarantee transparency, accountability, and the proper use of the people’s money, ensuring the resources are directed toward infrastructure projects that genuinely serve and benefit the Filipino people.”
Sinabi pa ni Castro na welcome sa administrasyong Marcos ang panawagan ni Senate President Francis ”Chiz” Escudero para sa Malakanyang na magpalabas ng “negative list” ng infrastructure projects na hindi popondohan sa ilalim ng P6.793 trillion national budget para sa susunod na taon.
”Ang kanyang suhestiyon po ay welcome naman po at katulad noong sinabi nating announcement ng Pangulo, inuutusan po ang DBM at DPWH na busisiin po ‘yung sinasabi nilang mukhang nagkaroon na naman ng mga insertions so kailangan po talaga itong maaral, ma-evaluate kung tama po ang nasasabi,” ang pahayag ni Castro.
Nauna rito, ikinalungkot ni Pangulong Marcos na nananatiling may “insertions” sa panukalang 2026 budget.
“Unfortunately, the more we look, the more we find. Kahit sa 2026 budget, marami pa ring siningit. So talagang.. it really needs to be cleaned out properly,” ang pahayag ni Pangulong Marcos.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos bigyang-diin ang paglikha ng independent commission na mag-iimbestiga sa anomalya sa DPWH.
Matatandaang, kapwa binunyag nina House Deputy Speaker Ronaldo Puno at Marikina Representative Marcy Teodoro na may mga kwestiyunableng proyekto silang nakita sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP).
Partikular na tinukoy ni Rep. Puno ang mga priority projects  mula sa kanyang distrito na nawala sa NEP.
Sa panig naman ni Rep. Teodoro ang proyekto na tinukoy sa NEP ay nakumpleto na subalit muling nabigyan ng pondo sa 2026 NEP. ( Daris Jose)

PBBM sa LGU execs:  Ilantad ang mga anomalya sa proyekto, pondo hindi para sa sariling interest

Posted on: September 4th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng local government officials na tiyakin na ang lahat ng proyekto ay maayos na maipatutupad.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa isinagawang oath taking ng mga bagong opisyal ng League of Provinces of the Philippines (LPP) sa Palasyo ng Malakanyang, binigyang diin ni Pangulong Marcos na dapat na isapubliko ng mga ito at ibunyag kung may mga anomalya sa mga nasabing proyekto, sabay sabing ang pondo ay hindi dapat gamitin para sa pansarling interest ng isang lokal na pinuno.
”Kaya’t hinihikayat ko kayo, paglingkuran natin nang buong katapatan ang sambayanan. Tiyakin natin na nasa wasto ang mga proyekto na ipinapatupad ng pambansang pamahalaan at ng lalawigan,” ayon kay Pangulong Marcos.
”Isiwalat natin kung may makikitang taliwas dahil ang pera ng sambayanan ay pera ng bayan at hindi pansariling interes,” aniya pa rin.
Winika pa ng Pangulo na may mga ‘pressing issues’ pa rin na dapat na tugunan, kailangan aniya ng bansa ng mga lider na tutuldukan ang mga maling gawain sa pamamahalan.
”May mga isyung kailangan pang harapin na hindi puwedeng talikuran—lalong-lalo na [ng] mga bagong opisyal ng LPP. Ngayon, higit kailanman, kailangan ng bansang Pilipinas ang inyong pamumuno upang wakasan ang mga maling nakagisnan,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
”Nagsisimula pa lang ang laban at mahaba pa ang ating tatahakin. Umaasa ako na kasama namin kayo sa bawat hakbang, sa pagsusuri sa mga proyekto, sa pagsasaliwanag sa mga [nagkukubli sa] kadiliman,” dagdag na pahayag nito.
Tinuran pa ng Chief Executive, ang mga lokal na opisyal ay dapat na maging boses at konsensiya pagdating sa pagpapatupad ng mga proyekto.
”Para sa mga bagong opisyal ng LPP: Magsisilbing gabay, magsisilbing boses at higit sa lahat, magsisilbing konsensiya,” diing pahayag ng Pangulo.
Ang LPP, kumakatawan sa 82 provincial governments ng bansa, nagpapatibay ng pagkakaisa at nagpapalakas ng lokal na pamamahala sa pamamagitan ng ‘policy collaboration’ at ‘capacity-building programs.’
Nanguna sa oath taking ceremony ay si South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., na muling nahalal bilang national president ng LPP noong July 25.
Sinamahan siya ni Quirino Governor Dakila Carlo “Dax” Cua, na muli namang nahalal bilang chairperson.
Muli ring nahalal para sa three-year term sina Senior Vice-Presidents Gov. Rodolfo Albano III (Luzon North), Gov. Luis Raymund Villafuerte Jr. (Luzon South), Gov. Arthur Defensor Jr. (Visayas), Gov. Nilo Demerey Jr. (Mindanao); at Secretary-General, Gov. Nilo Demerey Jr.
Ang ‘new set of officers’ ay magsisilbi hanggang July 31, 2028.
Samantala, ang pangunahing adbokasiya ng LPP ay tututok sa pagmumungkahi at pagla- lobby sa 20th Congress para sa much-needed reforms sa probisyon ng Republic Act No. 7160, o Local Government Code of 1991.
( Daris Jose)

Kelot, isinelda sa dalawang baril at mga bala sa Caloocan

Posted on: September 4th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SA kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos makuhanan ng dalawang hindi lisensyadong baril at mga bala nang salakayin ng pulisya ang kanyang bahay sa bisa ng isang search warrant sa Caloocan City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detective Group (CIDG) Northern District Field Unit (NDFU) na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong mga baril si alyas “Vic”, nasa hustong gulang at residente ng Blk 1, Lot 13, Brgy. 171.
Nang makakuha ng kopya ng search warrant na inisyu ni First Vice Executive Judge Rodolfo P. Azucena Jr. ng Regional Trail Court (RTC) Branch 125, National Capital Region, Caloocan City para sa paglabag sa R.A 10591 ay sinalakay ng mga tauhan ng CIDG NDFU ang bahay ng suspek.
Dakong alas-8:50 ng umaga nang halughugin ng mga tauhan ng CIDG NDFU sa bisa ng naturang search warrant ang bahay ng suspek, sa kanyang harap at sa mga witness mula sa opisyal ng Barangay at Media Representative.
Nasamsam ng pulisya sa loob ang isang caliber .45 pistol, isang caliber .9mm, dalawang magazine para sa caliber .9mm, 27 pirasong bala ng caliber .9mm, isang magazine para sa caliber .45 na kargado ng siyam na bala, 45 pirasong bala ng caliber .45 at isang hollister para sa caliber 9mm.
Nang walang maipakita ang suspek na kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng naturang mga armas ay inaresto siya ng mga pulis.
Kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

Mahigpit na screening para sa mga miyembro ng flood works probe commission – Malakanyang

Posted on: September 4th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ISASALANG sa strict screening ang mga miyembro ng independent commission na nakatakdang likhain para imbestigahan ang flood control projects upang masiguro na walang kinikilingan at may kredibilidad.
“This independent commission will be under the executive. They will investigate all documents and complaints and recommend cases to the proper agencies. If government officials are involved, the cases will definitely go to the Ombudsman,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Ang mga miyembro po dapat nito ay talagang independent at hindi pamumulitika ang gagawin,”ang dagdag na pahayag ni Castro.
Nauna rito, kinumpirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isang executive order (EO) ang isinasapinal para magtatag ng body, kanyang inilarawan bilang “investigative arm” ng gobyerno na haharap sa korapsyon Department of Public Works and Highways (DPWH).
“They will investigate it. And they will make recommendations as to what—how to proceed, whether kasuhan itong mga ito or i-Ombudsman o dalhin sa DOJ,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Ani Pangulong Marcos, hindi pa naisasapinal ang komposisyon ng body ngunit malamang ay kabilang dito ang forensic investigators, ang mga piskal, abogado, at retired justice upang matiyak ang integridad at kakyahan na rebyuhin ang ga kontrata at reklamo.
Ang paglikha ng komisyon ay matapos magbitiw sa puwesto si Public Works Secretary Manuel Bonoan, na bumaba sa puwesto sa ilalim ng ‘principle of command responsibility’ kasunod ng iregularidad sa multibillion-peso flood control projects. ( Daris Jose)

P. 4 bilyon na shabu, nasamsam ng BOC sa isang courier company

Posted on: September 4th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NASAMSAM ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang P476 milyon na halaga ng shabu na nakasilid sa balikbayan box sa loob ng bodega ng isang kilalang courier company.
Ayon sa BOC, may timbang na 70 kilo ang hinihinalang shabu na nasabat sa isang bodega ng LBC na matatagpuan sa Manila Multi-Purpose Terminal sa Vitas, Tondo, Manila.
Inihalo ang iligal na droga sa ibang mga produkto at kagamitan na nagmula pa sa Long Beach California, ang shipment at naka-consign sa isang tirahan sa Bacoor, Cavite.
Nagbabala naman si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, sa mga gagamit ng balikbayan boxes sa iligal na paraan lalo’t simbolo aniya ito ng sakripisyo ng mga Overseas Filipino Workers para sa kanilang pamilya.
Tuloy-tuloy naman ang mas pinahigpit na pagbabantay ng BOC katuwang ang PDEA para hindi makapasok ang mga kontrabando sa bansa.
Inihahanda na ang mga kaso laban sa mga nasa likod ng pagpuslit ng ilegal na droga partikular ang paglabag sa Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act.
 (Gene Adsuara)