
SINUPORTAHAN ni Coco Martin ang first-ever painting exhibit ni Pen Medina na ‘
Paikot-ikot Lang (Human Condition.ed): The Prelude’ na magsimula noong Agosto 31 at magtatapos sa Setyembre 12, (10:00 AM-6:00 PM) sa Gateway Gallery, 5F Gateway Tower, Araneta City, Quezon City.
Si Coco nga ang special guest ni Pen sa opening ng art exhibit noong Sabado, Agosto 30, 2025, silang dalawa ang nag-ribbon-cutting kasama co-stars nila sa FPJ’s Batang Quiapo na si Susan Africa, at siyempre present ang partner ng veteran actor na si Tess Antonio.
Isinabay na rin sa opening ang celebration ng kanyang 75th birthday (noong August 27 kaarawan niya)
Nang ipakilala ni Pen si Coco ang naging emosyonal na rin siya, “Isa sa mga pinakaimportanteng tao sa buhay ko. Bagay naman kami, di ba? Ha! Ha! Ha!
“Noong panahon na parang medyo wala na… Tinulungan ako. At paglabas ko ng ospital, tuloy pa rin ang tulong.
“Napakalaking dahilan para makapagpinta ako nang walang inaalala para sa pamilya.
“Pero sabi ko sa kanya, puwede ka bang magsalita o kumanta? Ano ba, speech o kanta, sayaw?”
Inamin naman ni Coco na malaking karangalan para sa kanya na makadalo sa opening ceremony ng art exhibit ng kanyang Tito Pen.
“Alam niyo po kasi, kami, lahat, lalo na po sa henerasyon namin, sa aming mga kabataan, isa po si Tito Pen sa mga hinahangaan namin bilang artista,” panimula ni Coco sa kanyang speech.
“Napakalaki po ng kontribusyon niya sa aming industriya, sa sining, sa pag-arte, sa entablado, sa pelikula, sa telebisyon.
“Napakasarap na maging parte ng kanyang buhay bilang kaibigan, at bilang kasama sa Batang Quiapo, at maraming-maraming teleserye at pelikula po na aking nagawa.”
Pagpapatuloy pa ng Primetime King, “Nagpapasalamat ako sa buong Medina family. Halos lahat sila, lagi kong kasama sa mga proyekto ko dahil gusto kong malaman nila na napakaespesyal po nila sa akin.
“Hindi lang po kay Tito Pen, pati kay Ping (isa sa anak ng aktor). Kasi noong nagsisimula po ako sa telebisyon at sa mga indie films, kami lagi ang magkasama.“
Naikuwento rin ni Coco kung bakit patuloy niyang tinutulungan ang mga beteranong artista.
“Tinatanong lagi sa akin na, ‘Ba’t gustung-gusto mong kinukuha yung mga veteran actors?’ Yung mga taong matagal nang hindi nakikita.
“Kasi, lagi ko pong sinasabi na ako’y isang tagahanga. Noong bata pa lang po ako, namulat na ako sa panonood ng mga pelikula.
“Dahil ang lola ko, sobrang number one fan ni FPJ at ni Nora Aunor. Kaya lahat po ng mga pelikula nila, napapanood ko.
“Kahit gusto kong manood ng cartoons, wala akong choice kundi manood ng mga pelikula ng mga veteran actors, na mga magagandang pelikula noong golden days ng movie industry.“
Malaki nga ang pasasalamat ni Coco kina Pen, Ping, at ibang kasamahan sa industriya na tumulong sa kanya noong siya‘y nagsisimula pa lang.
“Sabi ko sa sarili ko, hinding-hindi ko makakalimutan ang lahat ng mga tao na gumabay, umakay, at tumulong sa akin noong nagsisimula ako.
“Kaya kinukuha ko lagi ang mga veteran actors. Kasi po, sila po ang inspirasyon ko.
“Sila po ang mga tao na naging daan kung nasaan man ako ngayon,” seryosong pahayag pa ng aktor.
Dagdag pa ni Coco, “Tayo, tayong mga Pilipino, kami sa industriya namin, kapag ang tao, may pinagdadaanan, whatever it is, doon mo mararamdaman o maa-appreciate ang isang tao kapag nandoon ka sa bagay na alam mong may pinagdadaanan at nasa ilalim ka.
“Kaya ngayon, sabi ko nga, sa pagkakataong ito, kung may maliit akong pagkakataon na makatulong, makapagbigay ng oras, advice, makipagkuwentuhan, maging parte ng buhay niya — ginagawan at ginagawan ko po ng paraan.
“Para kahit papaano po, makapagbigay ulit ako ng pasasalamat, o maipakita ko iyong paraan ko para maiparamdam ko kung gaano ko sila kamahal.
“At ito iyong paraan ko para makapagpasalamat sa lahat ng mga taong tumulong sa akin at sa industriya po na kinalalagyan ko.“
Puring-puri ni Coco ang pinakitang husay sa pagpinta ni Pen at nagpahayag din siya ng kanyang apela.
“Kaya ngayon po, sana po, sa panibagong mundo na pinapasok ni Tito Pen, sa industriya ng pagpipinta, sa marami pa pong mga artists sa buong Pilipinas, gusto ko pong sabihin na napakagaling nating lahat,“ mapusong lahad ng matulunging aktor.
“Hindi lang sa pag-arte, hindi lang sa pagpinta, hindi lang sa pag-sculpture at kung saan-saan pa.
“Gusto kong sabihin na napakagaling ng lahat na mga Pilipino. At sana po, matulungan tayo ng ating gobyerno na masuportahan ang lahat ng mga artist sa buong Pilipinas!
“Maraming-maraming salamat po!“
(ROHN ROMULO)