
NAKIPAGSANIB-puwersa ang Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, sa Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP-ACG) upang palakasin ang kooperasyon laban sa mga cybercriminals, partikular sa mga sangkot sa ilegal na transaksyon kaugnay ng land transport agency.
Nilagdaan nina LTO Chief, Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, at PNP-ACG Director Police Brigadier General Bernard R. Yang ang Memorandum of Understanding (MOU), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na gawing ligtas ang lahat ng digital transactions sa pamahalaan at tiyakin ang mahigpit na pagsunod sa data privacy.
Ayon kay Asec. Mendoza, ang MOU ay nakabatay sa mandato ng dalawang ahensya na kumilos sa mga larangan kung saan nagtatagpo ang usapin ng proteksyon ng datos at mga cyber-related offenses, na kung minsan ay nangangailangan ng magkatuwang na pagtugon.
Ang PNP-ACG ay nakatuon sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas laban sa cybercrime at iba pang kaugnay na krimen, gayundin sa pagpapaigting ng kampanya kontra cybercriminals.
Samantala, ang LTO ay patuloy na lumalaban sa fixers sa pamamagitan ng iba’t ibang hakbang gaya ng pagsasagawa ng on-site outreach programs, pagpapatupad ng full digitalization program, pakikipag-ugnayan sa law enforcement agencies, at pagpapadala ng mga ahenteng magbabantay laban sa mga fixers.
Sa ilalim ng kasunduan, parehong magsasagawa ang LTO at PNP-ACG ng mas epektibong information-sharing, joint initiatives, at coordinated enforcement efforts para sa kapakanan ng publiko.
Saklaw ng kooperasyon ang Case Referral, Joint Investigation and Information Sharing, Enforcement Mechanism, Knowledge Sharing at Capacity-Building Activities.
Inaatasan din ng parehong kasunduan ang dalawang ahensya na tiyakin ang proteksyon ng karapatan ng mga stakeholders sa data privacy at cybersecurity, gayundin ang wastong paggamit at pagpapalawak ng mga resources na nakuha ng LTO at PNP-ACG para sa kapakinabangan ng mamamayan.
Sa pangkalahatan, layunin ng MOU na palakasin ang ugnayan upang mapangalagaan ang data privacy, mapabuti ang cybersecurity measures, at labanan ang mga cybercrimes gaya ng online scams at paglaganap ng mga fixers sa mga transaksyong kaugnay ng land transportation.
Binigyang-diin ni Asec. Mendoza ang kahalagahan ng tulong ng PNP-ACG lalo na’t kabilang ang LTO sa mga ahensyang may malaking puhunan sa digitalization ng lahat ng transaksyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos.
“Ang pakikipag-ugnayan na ito sa pagitan ng PNP-ACG at LTO ay isang makapangyarihang hakbang para maprotektahan ang ating mga mamamayan hindi lamang sa kalsada, kundi maging sa cyberspace,” ani PBGEN Yang. (PAUL JOHN REYES)