MARIING itinanggi ni House Deputy Majority Leader at Oriental Mindoro 1st District Representative Arnan Panaligan na may kinalaman siya sa pagtukoy at implementation ng flood control projects sa kanyang distrito, na naisama ni Senator Panfilo Lacson sa kanyang privilege speech noong Miyerkules.
Ayon kay Panaligan, ang proyekto ay ginawa ng Department of Public Works and Highways. Idinagdag nito na wala siyang koneksyon at wala siyang naka-usap ang sinumang kontraktor na gumawa ng flood control projects.
“Hindi ako nagpalista n’yan. Wala tayong papel sa paglilista ng mga proyektong ‘yan. Sabi ko nga, ang tunay na sistema diyan ay dumarating sa Kongreso ang NEP (National Expenditure Program) nakalista na ang mga flood control projects na ‘yan, kung saan lugar, kung ano’ng amount. At ang implementor niyan ay walang iba kundi ang regional office ng DPWH,” paliwanag nito.
Wala rin aniyang papel ang congressman sa paggagawa ng program of works.
“Wala tayong kapasidad nyan, ang Kongreso. ‘Yan ay exclusive authority, exclusive na teritoryo ng DPWH, ang paggawa ng design, paggawa ng plano, pag-bid, pag-award ng kontrata at pagbabayad ng contractor. Wala tayong connection doon. Hindi natin nakakausap ang mga contractor na ‘yun… I never deal with contractors,” dagdag nito.
Sinabi nito na tukoy na ang mga flood control projects sa NEP at hindi na mabago.
Minsan aniya ay nagtangka siyang magpanukala na baguhin at ilipat sa ibang bayan na binabaha rin, pero sinabihan na hindi puwede nilang baguhin pa dahil identified na umano ito ng DPWH.
Ipinakita nito sa media ang kopya ng liham na ipinadala niya sa DPWH noong Hulyo noong nakalipas na taon upang talakayin ang nasirang flood control projects.
“As early as July 31, 2024, may sulat na ako kay Secretary Bonoan at tinatawagan ko ang kanyang pansin na doon sa distrito ko, sa Bayang Naujan, ay may mga nasira na flood control projects na bagong gawa. At ako’y nanawagan din sa kanya na i-rectify, i-correct ang mga flood control projects na ito na in-implement ng highways at tiyakin na nag-a-adhere sila sa rigid structural designs and standards in order to prevent the wastage of public funds,” giit ni Panaligan.
Sinabi nito na handa siyang makipagpulong kay Senador Lacson upang ipaliwanang ang ang sarili.
Kinokunsidera din nito ang pagbibigay ng privilege speech sa kamara o dumalo sa imbestigasyon ng kamara sa flood control projects upang magbigay linaw sa isyu.
“Parang unfair na tayo ay makaladkad doon na hindi naman tayo ang naglagay ng proyektong iyan, hindi tayo ang nag-prioritize, kundi dumating na sa atin yan,” pahayag nito.
(Vina de Guzman)