HALOS 1,500 benepisyaryo ng National Housing Authority (NHA) mula sa Lungsod ng Las Piñas ang dumagsa sa CAA Elementary School at nakinabang sa serbisyo ng 27 katuwang na ahensya sa idinaos na People’s Caravan, kamakailan lang.
Ang caravan, isang inisyatiba ni NHA General Manager Joeben A. Tai, ay naglalayong dalhin nang mas malapit sa mga benepisyaryo at kanilang pamilya mula sa mga karatig-komunidad ang iba’t ibang programa at serbisyo ng pamahalaan.
Sa gabay ni NHA GM Tai, pinangunahan ni NHA Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang programa, kasama si NCR South Sector Regional Manager Cromwell C. Teves. Dumalo rin sina Las Piñas Lone District Representative Mark Anthony Santos at Las Piñas Mayor April Aguilar.
Buong suportang pinakita ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang kanilang lakas sa pamamagitan ng mga pagsali ng City Health Office, City Social Welfare and Development Office, at Office for Senior Citizens Affairs sa ginanap na People’s Caravan. Sila ay nagbigay ng libreng medical tests, pagbabakuna, at tulong sa aplikasyon ng mga benepisyo para sa mga single parents at nakatatanda. Upang magbigay ng manpower at logistics support, dumalo rin ang Urban Poor Affairs Office (UPAO) and the City Engineering Office.
Nakilahok ang mga benepisyaryo sa iba’t ibang serbisyong inihandog ng mga katuwang na ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor. Nagkaroon sila ng pagkakataong mag-apply para sa National ID at iba pang serbisyo ng civil registry gaya ng pagproseso ng Birth Certificate, Death Certificate, Certificate of No Marriage Record (CENOMAR), Marriage Certificate at PSA Serbilis Application mula sa Philippine Statistics Authority (PSA); membership registration at Loyalty Card issuance ng Pag-IBIG Fund; membership at issuance ng PhilHealth ID; at membership registration at pension concerns ng Social Security System (SSS).
Tinanggap din ang mga naghahanap ng trabaho sa job fair na inorganisa ng Public Employment Service Office (PESO)-Department of Labor and Employment (DOLE). Samantala, nagsagawa naman ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng oryentasyon/seminar ukol sa mga programa at serbisyo para sa mga OFW, financial awareness, at pagsasanay sa small business management.
Dinala rin ng caravan ang iba’t ibang livelihood programs, food safety, skills enhancement at entrepreneurship trainings, business at capital consultancy, at mga scholarship program mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Nagbenta rin ng abot-kayang farm-to-market products at bigas sa pamamagitan ng KADIWA Program ng Department of Agriculture (DA). Namahagi rin sila ng libreng vegetable seeds, seedlings, fertilizers, at IEC materials.
Nagbigay naman ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng libreng onsite wifi internet at oryentasyon ukol sa eGov Super App. Samantala, nagsagawa rin ang Public Attorney’s Office (PAO) ng libreng legal consultation at notarial services.
Samantala, namahagi ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng 1,000 relief goods na nakapaloob sa plastic na mga timba na tinawag nilang “Charitimba.”
“Inilunsad noong Setyembre 2023, nakatanggap ang NHA People’s Caravan ng malaking positibong pagtanggap sa buong bansa at nakapagbigay ng benepisyo sa libu-libong benepisyaryo mula sa mga housing site ng NHA
Sa pamamagitan ng matibay na pakikipagtulungan sa publiko at pribadong sektor, nakapagtala ang caravan ng malaking progreso tungo sa pagbubuo ng mas matatag na mga komunidad para sa Bagong Pilipinas. (PAUL JOHN REYES)