
PILIT na hinaharang ng Tsina ang pagpapalabas sa dokumentaryong “Food Delivery: Fresh from West Philippine Sea” dahil salamin ito ng pakikibaka ng mga Pilipino at paglalantad na ayaw makita sa buong mundo.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang dokumentaryong “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea” ay hindi lang basta pelikula kundi salamin ng ating pakikibaka bilang mga Pilipino, pagpapakita ng sa isang ama na pumapalaot sa dagat, mga inang nag-aabang ng pagkain sa hapag, at mga anak na umaasa sa kinabukasan ng bansang iiwan natin. Tungkol ito sa atin, sa buong sambayanang Pilipino. Kaya’t ito ang kinatatakutan ng Tsina.
“Hinaharang nila ang palabas na ito dahil inilalantad nito ang mga bagay na ayaw nilang makita ng mundo. Ipinapakita nito ang kanilang kasinungalingan. Ipinapakita kung paano nila binabalewala at inaabuso ang ating mga mangingisda. Hindi ito nagaganap sa malalayong lugar, kundi dito mismo, sa ating karagatan na sa batas at sa kasaysayan ay atin,” ayon kay Goitia.
Ipinaalala ni Goitia na malinaw na ang desisyon ng Hague Tribunal noong 2016: na atin ang West Philippine Sea. Walang saysay ang “nine dash line” ng Tsina at pilit nila itong binabale-wala.
Kamakailan, mariing kinondena ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang patuloy na pananakot ng Tsina sa Ayungin Shoal. Nandoon ang kanilang coast guard, militia, at maging mabibigat na armas na lahat ay ginagamit para gipitin ang BRP Sierra Madre at ang ating mga sundalo na garapal at lantad na paglabag sa international law.
Ipinapakita sa dokumentrayo hindi lang ang tapang ng ating mangingisda at sundalo ang makikita, kundi ang sakit at pangungulila ng kanilang pamilya. Mga ina at anak na naghihintay, nagdarasal, at umaasa, mga totoong tao na nawawalan ng kabuhayan at dangal.
Sinabi rin ni Secretary Teodoro na ang mga tsismis tungkol sa diumano’y “gentleman’s agreement” ay walang katotohanan at hindi kailanman magkakaroon ng kasunduan na isusuko natin ang ating karapatan.
Ngunit lampas sa batas at ruling, ipinaalala ni Goitia ang mas masakit na katotohanan. “Isipin ninyo ang isang ama na walang maiuwi dahil pinalayas siya ng banyagang barko mula sa dagat na kanya naman sa batas. Isipin ninyo ang isang batang nagtatanong kung bakit hindi na makapangisda ang kanyang tatay. Isipin ninyo ang pamilyang nagugutom hindi dahil walang pagkain, kundi dahil may kapitbahay na makapangyarihan na kinuha ang hindi kanila. Iyan ang mukha ng labang ito. At iyan ang pinapakita ng pelikulang ito.”
Ayon kay Goitia, mahalaga ang Food Delivery dahil magsisilbing ng boses ang mga kadalasang pinatatahimik, mukha at kuwento ang mga istatistika.
Nanawagan si Goitia sa bawat Pilipino na ituring ang pelikulang ito hindi bilang aliwan, kundi bilang paninindigan. “Kapag pinanood ninyo ang dokumentaryong ito, hindi lang kayo nanonood. Kayo ay kumakampi sa ating bayan. Kayo ay nagtatanggol ng ating soberanya. Kayo ay nagsasabing: ang Pilipinas ay hindi ipinagbibili, at ang ating karagatan ay hindi pwedeng angkinin.”
Sa huli, malinaw ang mensahe ni Goitia: “Ito ay higit pa sa pelikula. Ito ay sigaw para sa dignidad. Ito ay laban para sa katarungan. Ito ay katotohanan ng isang maliit na bansa na humaharap sa isang higante na nagkukunwaring kaibigan ngunit traydor pala. Maaring mas marami silang barko at armas, ngunit hawak natin ang katotohanan. At ang katotohanan, kailanman, ay hindi matatalo. Ang West Philippine Sea ay atin, at walang pananakot, walang kasinungalingan, at walang panlilinlang ang makakapagbago nito.” (Gene Adsuara)