NAGPALABAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Executive Order (EO) 92, lumilikha ng Office of the Presidential Adviser on Pasig River Rehabilitation (OPAPRR) upang pangasiwaan at i-fast-track ang rehabilitasyon, development, at pagpapanumbalik ng Ilog Pasig.
Sa ilalim ng EO 92, tinintahan ni Pangulong Marcos noong Agosto 13, ang OPAPRR ay pamumunuan ng Presidential Adviser for Pasig River Rehabilitation (PAPRR), hahawak ng ranggong Cabinet Secretary.
Ang tanggapan ay inatasan na payuhan ang Pangulo ukol sa ‘policy directions, monitor government initiatives, at makipag-ugnayan sa local government units (LGUs), government agencies, at private sector partners sa pagpapatupad ng rehabilitation programs.
Ang OPAPRR ay may mandato na pangasiwaan ang episyente at napapanahong implementasyon ng Pasig River rehabilitation projects, at maging ang i-monitor at pagtugmain ang mga polisiya at aktibidad ng mga ahensyang nagpapatupad.
Inatasan din ito na matiyak ang pagsunod sa presidential directives na may kinalaman sa river development; manawagan sa ibang government bodies at private groups para sa tulong; at magsumite ng bi-annual reports sa Pangulo ukol sa estado o kalagayan ng rehabilitation efforts.
Maliban sa paglikha ng OPAPRR, muli ring inorganisa ng EO 92 ang Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development (IAC-PRUD).
Magsisilbing chairman ng council ay ang PAPRR, kasama ang hepe ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magsisilbi naman bilang vice chairperson.
Ang mga Kalihim ng mga departamento ng Environment, Public Works, Local Government, Labor, Tourism, Transportation, Finance, and Budget ay magsisilbi naman bilang mga miyembro ng IAC-PRUD.
Ang iba pang mga miyembro ay kinabibilangan ng National Historical Commission of the Philippines, National Commission for Culture and the Arts, Philippine Ports Authority, Philippine Coast Guard, Laguna Lake Development Authority, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, National Housing Authority, at National Development Company.
“The IAC-PRUD will continue implementing river rehabilitation programs and is authorized to accept funding through investment contracts and agreements with government and private entities to support its initiatives, ” ayon sa EO 92.
Ang pondo na gagamitin para sa operasyon ng OPAPRR ay huhugutin mula sa ‘appropriations’ ng mga kinauukulang ahensiya, nakasalalay sa pagsang-ayon ng Department of Budget and Management.
“The convergence of concerned government agencies is necessary to rehabilitate and develop the Pasig River, a historically and culturally important waterway, and to improve water quality, restore marine life, and develop its banks, tributaries, and surrounding communities, all integral to the Administration’s renewal strategy,” ang sinasabi pa rin ng EO 92.
“Considering the urgent and effective action required for the rehabilitation of Pasig River, there is a need to create a dedicated office to oversee and ensure the efficient, effective, and timely implementation of the rehabilitation and development of the Pasig River,” ayon pa rin sa EO 92.
Samantala, ang EO 92 ay kagyat na magiging epektibo, nakaayon sa commitment ng administrasyong Marcos na i-restore o muling ibalik ang Pasig River bilang isang mahalagang daluyan ng tubig, ecological resource, at cultural landmark sa bansa.
(Daris Jose)