
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na tanging “random and suspicion-less” drug testing ang sinang-ayunan ng Korte suprema, tinukoy ang 2008 ruling nito sa Social Justice Society vs. Dangerous Drugs Board.
“[Ang] universal drug testing ay labag sa constitution lalo na sa right to privacy kumpara sa random drug testing,” ang sinabi ni Castro sa isang text message.
“Kung nais nilang ituloy iyan, nasa kanila naman po yan. Sinasabi lang po natin kung ano ang jurisprudence patungkol sa universal drug testing,” aniya pa rin.
“Nabasa po natin ito at pinapatungkulan rito na lehitimo at constitutional ay ang random drug testing. Ang sabi sa decision ‘the operative concept[s] in mandatory drug testing are randomness and suspicion-less,'” ang sinabi pa rin ni Castro.
“Kinumpara ito sa mga persons charged with crimes na pinarerequire ng mandatory drug testing kung saan they will not be ‘randomly picked’ at sa pagkakataon na ganito, na waive nila ang right to privacy,” anito.
Nag-ugat ang pahayag na ito ni Castro nang tanungin ukol sa nasabing panukala, iminungkahi kasi ni Padilla na gawing mandatory sa lahat ng elected at appointed officials ang pagsasailalim sa drug testing kung saan kabilang na rito ang Pangulo.
Sinagot naman ng kampo ni Senador Robin Padilla sa pamamagitan ng kanyang Chief-of-Staff na si Atty. Rudolf Philip Jurado ang naging patutsada ni Castro sa isinusulong ng senador na mandatory drug testing sa mga kawani ng gobyerno.
Samantala, kung maisabatas ito, dadaan sa dalawang testing method ang mga opisyales na kinabibilangan ng hair follicle drug test at urine drug test.
Bilang komento, sinabi kamakailan ni Castro na hindi ito maaring gawin dahil paglabag ito sa batas ayon sa desisyon ng Korte sa Social Justice Society versus Dangerous Drugs Board 2008.
Pinayuhan din niya ang senador na aralin muna niya ang kanyang batas kaysa na magsayang siya ng oras at pondo.
Bilang tugon ng kampo ni Padilla, sinabi ni Jurado na mainam kung babasahin din muli ni Castro ang nasabing kaso at hayaan na lang ang mga senador na pagdebatehan at pagdesisyunan ito bilang ito ang kanilang mandato sa konstitusyon. ( Daris Jose)