• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 7:50 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 18th, 2025

Pagpapaliban sa 2025 BSKE, ipinadedeklarang ‘unconstitutional’ sa SC

Posted on: August 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAIS ng isang ­abogado na maideklarang ‘unconstitutional’ o labag sa Saligang Batas ang bagong batas na nagpapaliban sa December 1Barangay and Kabataan Elections (BSKE) sa ­Nobyembre 2026.
Dumulog ang election lawyer na si Romulo Macalintal sa Korte Suprema kahapon at naghain ng 34-pahinang petition for certiorari and prohibition upang hilingin sa Mataas na Hukuman na maideklarang unconstitutional ang Republic Act 12232 dahil sa pag-aantala nito ng halalan.
Giit niya, ito ay paglabag sa right to suffrage ng mga mamamayan.
Hiniling din ng abogado sa Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order (TRO) and/ or status quo ante order na nag-aatas sa mga respondents na itigil ang pagpapatupad sa naturang bagong batas, na nilagdaan kamakailan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Umapela rin siya sa Mataas na Tribunal na atasan ang Commission on Elections (Comelec) na ipagpatuloy ang paghahanda para sa BSKE na ang orihinal na iskedyul ay sa ­Disyembre 1, 2025.
Kabilang sa mga respondents sa petisyon ang Senate of the Philippines, House of Representatives, Office of the President, sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, at ang Comelec.
Samantala, sa panig ng Comelec, sinabi ni Chairman  George Garcia na ang maagang paghahain ng petisyon ay welcome sa kanila upang kaagad na matukoy kung matutuloy o hindi ang halalan.
“Early filing of petition means early determination whether to proceed or not with our preparations,” ani Garcia.
( Daris Jose)

Anak ni Pangulong Marcos pamumunuan Bagong Pilipinas Youth

Posted on: August 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINANGUNAHAN ng bunsong anak ni Pangu­long Ferdinand Marcos Jr. na si Vinny Marcos ang paglulunsad ng “Bagong Pilipinas Youth” na naglalayong maging mga aktibong tagapagbago ng lipunan.
Sinabi ng batang Marcos na ang nasabing grupo ay naghihikayat sa mga kabataang Pilipino na huwag na maghintay ng mga oportunidad at sa halip ay manguna sa paggawa nito.
Nagbibigay din aniya ito ng plataporma at suporta sa mga kabataan sa civic engagement, education, leadership development at innovation.
Nitong Sabado ay pinangunahan ni Vinny ang pagbubukas ng Bagong Pilipinas Youth Hub bilang bahagi ng Linggo ng Kabataan 2025 festivities.
Inilalarawan ang hub bilang collaborative center kung saan ang mga kabataan ay maaaring magtipon para mag-brainstorm, build at magbigay ng mga ideas sa buhay.
Iprinisinta ni Marcos ang mga youth-gene­rated project proposals tulad ng Youth Voters Registration Hub, buwanang “Youth Hangouts” para pag-usapan ang mga mahahalagang isyu at iba pa.
Iginiit din ni Vinny ang kahalagahan ng multi-sectoral collaboration para masiguro ang tagumpay ng mga kabataan. (Daris Jose)

Pamilyang Pinoy na nagutom nabawasan noong Hunyo – SWS

Posted on: August 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGKAROON nang pagbaba sa 16.1 percent o nasa 4.6 milyong pamilyang Pilipino ang dumanas ng involuntary hunger noong Hunyo, base sa second quarter survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ang naturang percentage ay mas mababa sa 20% ng mga pamilyang nagugutom noong April 23-28 survey.
Sa June survey, ang hunger incidence ay pinakamataas sa Metro Manila at Visayas na kapwa 21.7%, sinundan ng Balance Luzon – 15.3% at Mindanao – 9.7%.
Ang pagbaba ng percentage ay naitala sa 16.6-point sa Mindanao na 26.3% noong April na naging 9.7% nitong Hunyo at bahagyang pagbaba sa Balance Luzon. Habang tumaas ng 2 points sa Visayas at 1.4 points sa MM.
Nasa 12.8% naman ang nakaranas ng “moderate hunger” o ilang beses lamang magutom sa nagdaang tatlong buwan at 3.3% “severe hunger” o ­laging gutom.
Sa Metro Manila tumaas ang moderate hunger – 16% mula 14.3% habang severe hunger ay bahagyang bumaba mula 6% ay naging 5.7%.
Sa Visayas, moderate hunger ay 17% mula 18.3% at severe hunger ay pumalo sa 4.7% mula 1.3%.
Sa Mindanao ay may pagbaba ang moderate hunger 7% mula 21.3% at severe hunger ay 2.7% mula 5%.
Ang face-to-face survey ay ginawa sa 1,200 adults nationwide sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao.

BARANGAY HEALTH WORKER, 2 IBA PA TIMBOG SA BUY-BUST OPERATION NG PDEA 

Posted on: August 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAARESTO ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang barangay health worker sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng PDEA Cebu Provincial Office, kasama ang Malabuyoc Police Station at 703rd Maneuver Company, sa Sitio Palaypay, Barangay Tolosa (drug cleared), Malabuyoc, Cebu, dakong alas-12:20 ng tanghali noong Agosto 15, 2025.
Kinilala ni PDEA 7 Regional Director Joel B. Plaza ang pangunahing target ng operasyon bilang si alyas June, 30 anyos, isang construction worker at residente ng nasabing lugar.
Naaresto rin ang kanyang live-in partner na si alyas Jane, 23 anyos, isang barangay health worker ng Tolosa, Malabuyoc, Cebu, at isa pang kasabwat na kinilalang si alyas Marben, 30 anyos, magsasaka mula sa Lipanto, Alegria, Cebu.
Nakumpiska sa operasyon ang labing-isang (11) pakete ng shabu na may timbang na humigit-kumulang 10 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P68,000 sa merkado, marked money, perang pinaniniwalaang kita mula sa ilegal na bentahan ng droga, dalawang (2) cellphone, isang (1) .45-caliber pistol na may magazine at tatlong (3) bala, at mga drug paraphernalia.
Isinumite na sa PDEA 7 Regional Office Laboratory ang mga nakumpiskang ebidensya para sa wastong disposisyon.
Sa mga barangay na idineklarang drug cleared, kinakailangan ang tuloy-tuloy na pagmamanman at beripikasyon sa mga naiulat na ilegal na aktibidad kaugnay ng droga at ang masigasig na pagpapatupad ng mga anti-illegal drug operations.
Sumasailalim din ang mga naturang barangay sa taunang validation process upang matiyak na kanilang napapanatili ang kanilang katayuan bilang drug cleared.
Ang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot, anuman ang dami o quality, ay may katapat na pinakamabigat na parusa na habambuhay na pagkabilanggo at multang mula P500,000 hanggang P1 milyon.
Kakasuhan ang mga suspek sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). (PAUL JOHN REYES)

DRUG DEN SA DUMANGAS SINALAKAY NG PDEA, 7 ARESTADO

Posted on: August 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SINALAKAY ng mga awtoridad ang isang hinihinalang drug den sa Barangay PD Monfort North, Lublub, Dumangas, madaling-araw ng Agosto 16, 2025, na nagresulta sa pagkakaaresto ng pitong indibidwal na ngayon ay haharap sa parusa sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (R.A. 9165).
Pinangunahan ng PDEA RO6 Special Enforcement Team (RSET) ang operasyon, kasama ang PDEA Iloilo, Philippine Coast Guard, at Dumangas Municipal Police Station.
Nahuli sa operasyon sina Gary, 42, umano’y maintainer ng drug den; Nene, 36, umano’y empleyado ng drug den; at limang iba pa na nakilalang sina Brex, 22; Kapid, 24; Geno, 21; Ipil, 22; at Rex, 39.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit kumulang 90 grams, kasama ang mga drug paraphernalia tulad ng timbangan, lighter, mga improvised tooters, at marked buy-bust money.
Haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165, kabilang ang pagbebenta at pagmamay-ari ng ipinagbabawal na gamot, pagpapatakbo ng drug den, at pagmamay-ari ng drug paraphernalia.
Ayon sa batas, ang pagpapanatili ng isang drug den ay may parusang life imprisonment, gayundin ang maaaring kaharapin ng mga empleyado, habang ang mga ‘visiting drug den’ ay maaaring mapatawan ng parusang mula 12 hanggang 20 taong pagkakakulong. May mabigat ding kaparusahan ang pagmamay-ari ng ipinagbabawal na gamot at paraphernalia.
Binigyang-diin ng PDEA na ang pagpapatakbo, pagtatrabaho, o kahit simpleng pagbisita sa isang drug den ay may mabigat na konsekwensiya sa ilalim ng batas. Sa ngayon, nakakulong ang lahat ng mga suspek at hinihintay ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa korte. (PAUL JOHN REYES)

ASEC MENDOZA, MARIING KINONDENA ANG PAGPAPAKALAT NG PEKENG BALITA LABAN SA LTO

Posted on: August 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAKATAKDANG paigtingin ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang mahigpit na koordinasyon sa Philippine National Police (PNP) upang labanan ang paglaganap ng fake news sa social media.
Habang tuloy-tuloy ang pagbabantay ng LTO sa social media laban sa mga viral na larawan at video ng mga pasaway na motorista, sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na nakakatagpo rin ang social media monitoring team ng ahensya ng mga maling impormasyon at paninira laban sa LTO.
“Madaming nagpapakalat ng maling impormasyon at ang malungkot nito ay marami silang nalolokong mga kababayan natin. Hindi po natin pinapansin ito noong una dahil mas may malaki tayong inaasikaso na matapos ang backlog sa mga plaka,” ani Asec Mendoza.
“Ipinapakalat ang maling impormasyon na tila totoong balita o breaking news, kaya’t marami sa ating mga kababayan online ang napapaniwala. Panahon na para labanan natin ito,” dagdag pa niya.
Pinakahuling halimbawa ng ganitong paninira ay ang isang video sa TikTok na sinsupinde ng LTO ang Online Drivers Licensing System, pati na rin ang hindi bababa sa apat na courier service.
Mabilis naman itong nilinaw ni Asec Mendoza na patuloy pa ring gumagana ang Online Drivers Licensing System at walang katotohanan ang balitang may sinuspindeng courier service.
“Nakikita natin yung motibo na paninira lang talaga na ang intension ay magalit ang tao sa gobyerno at the expense of the LTO,” ani Asec Mendoza.
Ang pakikipag-ugnayan sa PNP ay kaugnay ng inilunsad na mas pinaigting na kampanya ng pambansang pulisya laban sa mga nagpapakalat ng fake news, na nagresulta sa pagsasampa ng kaso laban sa ilang vloggers.
Kabilang sa mga kasong ito ang insidente ng komosyon sa isang pampasaherong bus sa Cebu, na pinalabas umano ng isang vlogger bilang insidente ng pagnanakaw sa kalagitnaan ng araw.
“Kailangang matigil ito at kailangan ang pagtutulungan para panagutin ang mga taong nasa likod ng mga fake news na ito,” ani Asec Mendoza. (PAUL JOHN REYES)

Mag-live-in partner na suspek sa pagpatay sa 2 babae sa Zambales, tiklo sa Caloocan

Posted on: August 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NATIMBOG ng pinagsanib na puwersa ng Caloocan City Police, Provincial Police Drug Enforcement Unit (DEU) ng Zambales at Police Regional Office (PRO) 3 ang maglive-in partner na kabilang umano sa mga suspek sa pagpatay sa dalawang babaeng natagpuang may tama ng bala sa gilid ng kalsada sa Brgy. Salaza, Palauig, lalawigan ng Zambales, noong Huwebes ng umaga.

Nakorner ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth at Zambales Provincial Director P/Col. Benjamin Ariola sina alyas “Jinky” 30, at kinakasamang si alyas “Benedict”, 34, sa Room 131 ng Sogo Hotel sa Bagong Barrio, alas-11:30 ng Sabado ng umaga matapos matunton sa pamamagitan ng mga kuha ng CCTV ang kanilang sinakyang itim na Subaru SUV na gamit umano sa krimen.

Iprinisinta nina Cols. Goforth at Ariola ang mga suspek kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio matapos masamsam sa kanila ang isang kalibre .38 revolver na hinihinalang isa sa mga ginamit na baril.

Ayon kay Col. Ariola, may kinalaman sa umano ilegal na droga ang pagpatay sa mga biktimang sina alyas “Khang-Khang”, 24, ng Brgy. Tal-Tal, Masinloc, Zambales at sa isang alyas “Leng-Leng”, na aniya ay kapuwa asset ng pulisya. May nakuha ring mga plastic sachets na pinaglalagyan ng shabu sa dalawa ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operation (SOCO)..

Aniya, inaalam pa nila kung sino pa ang mga kasabuwat ng maglive-in partner sa pagpaslang lalu’t may nakuha pang limang basyo ng bala ng kalibre .45 pistola sa crime scene.

Natukoy ng pulisya ang gamit na sasakyan ng mga suspek sa tulong ng 56-anyos na vendor na nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril dakong alas-3 ng madaling araw kasabay ng mabilis na pagharurot ng isang sasakyan. (Richard Mesa)

Shabu, nabisto sa parcel na pinadala sa motorcycle taxi

Posted on: August 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NABISTO ang ilegal na droga sa parcel na ipinadala sa motorcycle taxi nang buksan ito ng 26-anyos na rider makaraang maghinala siya na ilegal ang ipinapadala sa kanya ng sender sa Valenzuela City.
Sa ulat, naghinala ang rider na hindi piyesa ng sasakyan ang dala niyang pakete dahil panay ang tawag sa kanya ng sender upang alamin kung nasaan na siyang lugar kaya ipinasiya niyang buksan ang parcel pagsapit sa Brgy. Dalandanan nitong Biyernes ng hapon.
Nagulat ang rider nang tumambad ang tatlong plastic sachets na naglalaman ng  nasa 2.30 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P15,640.00 na isiningit sa kahon ng hopia, plastic bag na may lamang punda ng unan, at bote ng tubig na laman ng pakete na kanyang pinick-up sa isang alyas “Mau” sa isang hotel sa General Pio Valenzuela sa Caloocan City, para sa isang alyas “Jay” sa Apalit, Pampanga kapalit ng P364.00 na bayad.
Kaagad itinawag ng rider sa 911 ang natuklasan kaya’t mabilis itong nirespondehan ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento at dinala sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang shabu para sa tamang pagdokokumento.
Dinala ang nasamsam na ilegal na droga sa Crime Laboratory ng Northern Police District (NPD) para sa pagsusuri habang tiniyak naman ng pulisya na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon para madakip ang mga suspek.
Pinuri naman ni Col. Talento ang rider sa pagiging alerto nito at ang mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng Dalandan Police Patrol Base 6. Hinikayat din niya ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa laban kontra ilegal na droga. (Richard Mesa)

BSP pina-disconnect e-wallet sa online games

Posted on: August 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
INIUTOS ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga electro­nic wallet (e-wallet) na i-unlink ang kanilang serbisyo sa mga online gambling platform sa loob ng 48 oras.
Ginawa ni BSP De­puty Governor Mamerto Tangonan ang direktiba sa pagdinig ng Senado.
Nangangahulugan ito na dapat ay wala nang mga laro sa online na pagsusugal na magagamit sa pamamagitan ng mga e-wallet.
Gayunman, kinuwestiyon ng mga senador kung bakit kakailanganin ng e-wallet ang dalawang araw na palugit.
Ipinaliwanag ni ­Tangonan na ang mga institusyon ay nanga­ngailangan ng panahon upang alisin ang mga link sa mga site na ito.
Idinagdag niya na nagbibigay din ito ng panahon sa mga mamimili na mag-withdraw ng kanilang pera mula sa kanilang mga online gaming account.
Samantala, sinabi ni Philippine Amusement and Gaming Corp ­(PAGCOR) Chairman Alejandro H. Tengco na pinag-iisipan nilang payagan lamang ang pagsusugal sa mga betting station, tulad ng manu-manong pagtaya sa karera ng kabayo.
Nang ungkatin ang isyu ng posibleng pagsuspinde ng paggamit ng credit card sa online gambling, nilinaw ni Tengco na hindi pinapayagan ng PAGCOR na gamitin ang mga credit card para bayaran ang mga utang sa sugal. (Daris Jose)