• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 4:35 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 29th, 2025

Eala nabigo sa unang round ng Canadian Open

Posted on: July 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

vNABIGO sa unang round ng Canadian Open sa Monteal si Pinay tennis star Alex Eala.

Tinalo siya ni Marketa Vondrousova ng Czech Republic sa score na , 3-6, 6-1, 6-2.

Sa unang set ay nakuha ni Eala ang panalo subalit pagpasok ng ikalawa at ikatlong set ay doon na umarangkada ang WTA ranked 65 na si
Vondrousova sa laro na tumagal ng dalawang oras at anim na minuto.

Sinabi ni Eala na talagang inasahan niyang magiging matindi ang laban niya kaya ginalingan niya subalit hindi pa rin siya umubra.

Susunod na makakaharap ng Czech player si Marta Kostyuk ng Ukraine sa ikalawang round ng torneo.

Nakatakda namang lumaban ang 20-anyos na si Eala sa Cincinnati Open sa US na magsisimula sa Agosto 7.

Track and field oval sa Pasig, Maynila, at Baguio, bubuksan na ng PSC sa publiko- PBBM  

Posted on: July 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na simula ngayon ay bubuksan na ng Philippine Sports Commission sa publiko ang kanilang mga track and field oval sa Pasig, Maynila, at Baguio, upang makapag-jogging ag lahat nang libre.

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, araw ng Lunes, Hulyo 28, na magbubuhos ang gobyerno ng todo-suporta sa mga palaro at mga atleta sa buong bansa.

Binigyang halimbawa pa ng Pangulo ang Palarong Pambansa, at ang Batang Pinoy Games na gaganapin sa General Santos City ngayong Oktubre.

Bubuo aniya ang gobyerno ng bagong pambansang programa para sa sports development. Uumpisahan aniya sa paaralan pa lamang. Ibabalik aniya niya ang mga sports club at magsasagawa ang gobyerno ng mga palaro at intrams sa lahat ng pampublikong paaralan.

“Naririyan ang ating Philippine Sports Commission at saka ang PAGCOR upang tiyakin ang patuloy na pagtaguyod at pagsuporta sa ating mga programang pampalakasan ng mga atleta sa buong bansa,” ani Pangulong Marcos.

“Dahil sa mga ito, ang ating kabataan ay maagang namumulat sa isports, humuhusay, at tumataas ang kumpiyansa. Sumusunod sila sa yapak ng ating mga kampeon at world-class na athlete: tulad ni Senator Manny Pacquiao, ni Hidilyn Diaz, i Caloy Yulo, Aira Villegas, Nesthy Petecio, EJ Obiena, Alex Eala; ang paralympians natin na sina Jerrold Mangliwan, Cendy Asusano, Angel Mae Otom, at Ernie Gawilan,” aniya pa rin.

“Isama na rin natin ‘yung bago nating kampeon si PNP Chief Nic Torre.Nagulat si Chief PNP,” ang joke naman ng Pangulo na ikinatuwa ng mga dumalo at nagpalakpakan sa nasabing event.

At siyempre aniya pa rin, pati pa na aniya ang kampeon sa Asian Winter Games- Philippine Men’s Curling Team.

“Akalain mo nga naman: walang winter dito sa Pilipinas, napatunayan pa rin natin na kaya nating maging kampeon sa Winter Games.

Kilalanin natin ang mga atleta na umani ng karangalan para sa Pilipinas:

Hindi lamang sila nakapaghatid ng kasiyahan sa buong sambayanan. Pinalakas pa nila ang ating pagmamahal sa bayan, at lalo pang pinatingkad ang dangal ng bawat Pilipino,” ang sinabi ng Pangulo. (Daris Jose)

PBBM, muling nagbabala sa mga responsable sa mga nawawalang “sabungeros”

Posted on: July 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MULING nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa mga responsable sa mga nawawalang “sabungeros.”

Tiniyak ni Pangulong Marcos sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, araw ng Lunes, Hulyo 28, na nakakasa na ang whole-of-government approach para resolbahin ang krimen na may kaugnayan sa mga nawawalang tao.

“We will go after and hold accountable the masterminds and those involved — be it civilians or officials,” ayon kay Pangulong Marcos.

“No matter how strong, heavily influential or wealthy they are, they will not prevail over the law.” aniya pa rin.

At ang pangako ng Pangulo ay “Most of all, we will make the perpetrators feel the weight of the punishment for these heinous crimes.”

Sa ulat, diretsahan na muling idinawit ang pangalan ng negosyanteng si Atong Ang at aktres na si Gretchen Barretto sa isyu ng mga nawawalang sabungero.

kabilang sina Ang at Barretto sa mga pinangalanan ni Julie Dondon Patidongan o alyas Totoy na nasa likod ng malagim na nangyari sa tinatayang mahigit 100 nawawalang mga sabungero.

Si Patidongan daw ang head ng security ng mga sabungan ni Atong at sa kaniya raw ibinababa ang utos na ipitin ang mga sabungerong mahuhuling nag-chochope o nandadaya sa sabong.

Nang tanungin naman kung sino ang artistang babaeng nauna na niyang isiniwalat na sangkot sa naturang isyu, diretsahang sinabi ni alyas Totoy ang pangalan ni Gretchen. (Daris Jose)

PBBM, binalaan ang mga trader na magtatangkang magmanipula sa presyo ng palay o bigas  

Posted on: July 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINALAAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga trader na magtatangkang magmanipula ng presyo ng palay o ng bigas, o manloloko ng mga magsasaka.

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pang-apat na State Of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, araw ng Lunes, Hulyo 28, “Hahabulin namin kayo, dahil ang trato namin sa inyong ginagawa ay tinuturing naming economic sabotage.”

Napatunayan na kasi ng gobyerno na kaya nito na magbenta ng P20.00 sa bawat kilo ng bigas, nang hindi malulugi ang mga magsasaka.

Sa katunayan, kamakailan lamang aniya ay matagumpay na nailunsad ang pagbebenta ng P20.00 sa bawat kilo ng bigas sa Luzon, Visayas at Mindanao kagaya sa San Juan, Pangasinan, Cavite, Occidental Mindoro, sa Cebu, sa Bacolod, sa Guimaras, Siquijor, at Davao Del Sur.

At dahil aniya sa ilalaan na isandaan at labintatlong bilyong piso upang palakasin ang mga programa ng DA, ilulunsad ng gobyerno sa buong bansa sa pamamagitan ng daan-daang KADIWA store at center sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.

Sa kabilang dako, bilang pangunahing solusyon sa mataas na presyo ng baboy, pinalalakas ng pamahalaan ang lokal na produksyon.

“Namimigay tayo ng mga biik at inahin. Nagpapatayo rin tayo ng mga biosecured facilities,” ang sinabi ng Pangulo.

At upang lubos na pababain ang presyo ng karne, nagsimula nang magbakuna laban sa ASF, at palalawigin pa aniya ng gobyerno ng pagbabakuna sa lahat.

“Pinataas natin ang produksyon ng palay, mais, pinya, saging, mangga, kape, cacao, calamansi, tubo, sibuyas, bawang, at iba pang mga agricultural products,” ani Pangulong Marcos.

Ibinida ng Pangulo na mula nagsimula ang kanyang administrasyon, mahigit walo at kalahating milyong magsasaka at mangingisda ang nakatanggap ng tulong.

“Lalo pa natin paiigtingin ang mga programa ng pamahalaan para mas marami pa ang matutulungan,” ang sinabi ng Pangulo.

Libo-libong kilometro aniya ng farm-to-market road na ang ginawa na, at libo-libong kilometro pa ang pinapasinayaan. Libo-libong ektarya ng lupa ay nalagyan na ng patubig sa buong bansa. At libo-libong ektarya pa ang patutubigan.

“Libo-libo ring makinarya at pasilidad ang ating binuksan at pinamigay para sa mga magsasaka at mangingisda. Marami po tayong ipapatayo na Rice Processing System. Itong mga pasilidad at mga bangkang yari sa fiberglass na ipapamigay naman sa mga mangingisda,” ang sinabi ng Pangulo.

“Lahat ng ito ay sumusuporta sa kanila mula paghahanda, sa pagpunla, pag-ani, pagbiyahe, hanggang sa pagbenta,” aniya pa rin. (Daris Jose)

Problema sa enerhiya, inamin ni PBBM

Posted on: July 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INAMIN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mayroon pa rin mga problema sa enerhiya na damang-dama ng bawat Pilipino.

Ito’y sa kabila ng dumarami ang mga planta ng kuryente sa buong bansa lalo na ang mga bagong teknolohiya at malinis na enerhiya, tulad ng solar, windmill, natural gas.

Sa katunayan ayon may Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, araw ng Lunes, Hulyo 28, may tatlong milyong kabahayan ang wala pang kuryente; nakararanas ng palagiang brownout att ang mataas na presyo ng kuryente.

Kaya nga aniya binibilisan ng pamahalaan na mabigyan ng koneksyon at pinapalakas pa lalo ang kakayahan na ginagawa ng kuryente.

“Pagpasok ng Administrasyong ito, mahigit limang milyon ang mga bahay na wala pang kuryente. Sa loob ng tatlong taon, dalawa at kalahating milyong kabahayan ang ating nakabitan na, na may kuryente na sila,” ayon sa Pangulo.

“Sa susunod na tatlong taon, halos dalawandaang planta ang ating tatapusin. Ito ay may kakayahang magpailaw sa apat na milyong kabahayan, o sa mahigit na dalawang libong pabrika, o sa halos pitong libong tanggapan at negosyo,” aniya pa rin.

Tiniyak ng Pangulo na hahabulin at tutuparin ng Department of Energy (DOE) at National Electrification Administration (NEA) ang nakatakdang dami ng mga kabahayang makakabitan ng kuryente ngayong taon hanggang 2028. Lalo na aniya sa Quezon, sa Camarines Norte, sa Palawan, sa Masbate, sa Samar, sa Negros Occidental, sa Zamboanga del Sur.

At sa pagtatapos aniya ng 2028, dagdag na mahigit isang milyong kabahayan pa ang magkakaroon na rin ng kuryente, sa pamamagitan ng solar power home system.

At para lalo pa aniyang makatipid ang mga mga mamamayan at maipagbili ang anumang sobrang kuryente nila, isusulong na ng Department of Energy ang Net Metering Program, at pabibilisin din ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang proseso ng pag-apruba nito.

“Habang inaayos natin ang kumplikado nating sistema ng enerhiya sa bansa upang maipababa ang presyo, pinapalawig pa natin ang Lifeline Rate. Bukod sa mga miyembro ng 4Ps, kasama na rin ngayon ang mga pamilyang nasa Listahanan na maliit lamang ang kinikita, at ang konsumo naman ay hindi lumalagpas sa “lifeline rate”.” ayon sa Pangulo.

“Hindi ko palalampasin ang nangyari kamakailan sa Siquijor.

Dahil sa malawakang brownout, napilitan pang magdeklara ng state of calamity sa lalawigan. Naperwisyo nito ang mga taga-roon, ang kanilang turismo, kanilang negosyo, ospital, at sari-saring serbisyo.

Sa ginawa nating imbestigasyon, ano ‘yung ating natuklasan?

Mga expired na permit. Mga sirang generator, na halatang napabayaan, kaya sunud-sunod na bumibigay. Mabagal na aksyon, at kawalan nang maayos na sistema nang pagbili ng krudo at ng mga piyesa,” litanya ng Pangulo.

Titiyakin aniya ng gobyerno na maitatag agad ang mga pasilidad para sa pangmatagalang lunas sa kanilang problema sa kuryente.

“Hindi na dapat ito maulit muli,” diing pahayag ng Pangulo.

“limbestigahan ang naging kapabayaan dito, at ang iba pang mga katulad na kaso sa buong bansa. Dapat nilang ayusin ang pamamahala ng mga kumpanya ng kuryente, at ipag-utos ang pag-refund kung kinakailangan,” aniya pa rin. (Daris Jose)

Mabisang panlaban sa kahirapan at gutom: Maayos na hanapbuhay- PBBM

Posted on: July 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAAYOS na hanapbuhay talaga ang mabisang pantiyak laban sa kahirapan at laban sa gutom.

Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, araw ng Lunes, Hulyo 28, inihayag ng Pangulo na patuloy na dumarami ang mga nalilikhang hanapbuhay sa bansa ngayon.

Sa katunayan, magpupursige ang DOLE, DTI, DSWD, kasama pati ang DOT, at mga kaugnay na ahensiya, sa paghahanap ng paraan at ng mga oportunidad para sa natitirang apat na porsiyento ng puwersang manggagawa na hanggang ngayon ay walang trabaho.

Sinabi ng Pangulo na ipagpapatuloy ng gobyerno ang pagbibigay ng puhunan sa mas marami pang negosyante para makapagsimula ng maliit na negosyo o microenterprise, sa mababang interest, at walang kolateral. Pati na rin aniya ang kapital at proteksyon para sa mga yamang-isip.

At para naman aniya sa mga tinataguyod mula sa kahirapan, patuloy na magbibigay ng libreng training at puhunan ang pamahalan para makapagtayo ang mga ito ng sariling negosyo.

“Hindi tayo titigil hanggang halos dalawa’t kalahating milyong maralitang pamilya ay matutulungan natin na magkaroon ng kanilang sariling maliit na negosyo,” ayon sa Pangulo.

“Palalaguin natin ang mga industriya – mga pabrika ng sasakyan, hulmahan, electronics, biotechnology, pharmaceuticals, critical minerals, telang Pinoy, Halal, construction, at mga planta ng kuryente,” aniya pa rin.

Kaya nga ang panawagan pa rin ang Pangulo sa mga negosyante ay “Mamuhunan kayo sa ating agrikultura.”

“My single resounding message to the international business community is this: The Philippines is ready. Invest in the Filipino,” ayon sa Pangulo sabay sabing “Our cavalcade of dependable and hardworking Filipinos, innately skilled, adaptable, and possessed with a heart for service, are here, ready to work and to succeed with you.” (Daris Jose)

Utos ni PBBM, tugunan ang isyu ng bullying, mental health sa mga estudyante

Posted on: July 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HAYAGANG ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkuha ng mas maraming school counselors sa mga pampublikong paaralan sa gitna ng tumataas na kaso ng bullying at suliraning may kaugnayan sa mental health ng mga estudyante.

Sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA), araw ng Lunes, Hulyo 28, binigyang-diin nito ang tungkol sa emosyonal na pasanin na patuloy na hinaharap ng maraming estudyante.

Kailangan aniya na dapat itong tugunan ng gobyerno kasabay ng traditional academic interventions.

Napaulat na sinabi ng Department of Education (DepEd) ang kakapusan ng mga counselor sa paaralan sa pagsuporta ng kapakanan ng mga mag-aaral.

“Maraming mag-aaral ang nakakaranas ng bullying o kaya’y depresyon. Binabantayan natin ang mental health ng ating kabataan,” ayon kay Pangulong Marcos.

At para tugunan aniya ito, winika ng Pangulo na dapat na dadagdagan ng DepEd ang bilang ng mga school counselor na magsisilbing support system at first responder para sa mga estudyanteng in distress.

Sa kabilang dako, binanggit din ni Pangulong Marcos ang paglulunsad ng YAKAP Caravan, isang inisyatibo sa buong bansa na magbibigay ng mga libreng medical checkup, cancer screenings, at mahahalagang gamot para sa mga mag-aaral at guro.

Sa kabila ng pangunahing nakatuon sa pisikal na kalusugan, inaasahan naman na magbubukas ng mas maraming paraan ang YAKAP program para sa maagang pagtukoy ng psychological stress, anxiety, at depresyon sa mga estudyante, lalo na sa mga komunidad na kulang sa serbisyo.

“Naglaan tayo ng isang bilyon para makapagtayo ng mahigit tatlong daang Barangay Child Development Centers at Bulilit Centers sa buong bansa. Lalo na sa mga higit na nangangailangang pook. At pauna lamang ‘yan. Unti-unti nating tutugunan ang matinding kakulangan sa daycare centers na nabinbin mula pa noong 1990,” ayon sa Chief Executive.

Umaasa naman ang Pangulo na magtutulungan ang mga ahensiya ng edukasyon at kalusugan para maisama ang mental wellness assessments sa programang pangkalusugan na may kaugnayan sa paaralan.

Sinasabi na matagal nang isinusulong ng mga tagapagtaguyod ang mas matibay na suporta sa kalusugang pangkaisipan sa mga paaralan—lalo na matapos ang COVID-19 pandemic na nagpalala ng kalungkutan, pressure sa pag-aaral, at emotional stress ng mga estudyante.

Ito’y sa kabila ng pagpasa ng Mental Health Act noong 2018, usad-pagong naman ang pagpapatupad ng programa sa basic education, dahil sa kakulangan ng mga lisensyadong guidance counselor.

Sa ulat, base sa pinakahuling datos ng DepEd, libo-libong paaralan pa rin ang nagsasalo sa iisang guidance counselor kung mayroon man sila.

Ang naging panawagan ni Pangulong Marcos ay hudyat na kailangan ang agad na pagtugon sa harap ng matinding pangamba ng publiko sa mga insidente ng student suicide, karahasan sa loob ng paaralan, at online harassment.

“Ang pinakamahalaga sa sistema ng edukasyon ay ang ating mga mahal na guro,” ang sinabi ng Pangulo.

Binigyang-diin nito ang pangangailangan na suportahan ang mga mag-aaral at guro. (Daris Jose)

Pinasaringan sa ika-apat na SONA ang mga opisyal ng gobyerno na nagnanakaw ng pondo… “Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino” – PBBM “MAHIYA naman kayo sa inyong kapwa Pilipino.”

Posted on: July 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

Ito ang ipinamukha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na nagnanakaw ng pondo na nakalaan para sa infrastructure projects, gaya ng flood control projects.

Tiniyak ni Pangulong Marcos sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, araw ng Lunes, Hulyo 28, na papanagutin niya sa batas ang mga ito.

‘Sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Ikinuwento pa ng Pangulo ang kamakailan lamang aniya ay nag-inspeksyon siya ng naging epekto ng Habagat, ng Bagyong Crising, Dante, at Emong kung saan aniya ay kitang-kita niya na maraming proyekto para sa flood control ay palpak at gumuho, at ‘yung iba guni-guni lang.

“Wag na po tayong magkunwari. Alam naman ng buong madla na nagkakaraket sa mga proyekto. Mga kickback, initiative, errata, SOP, for the boys. Kaya sa mga nakikipag-sabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino,” ang sinabi ng Pangulo.

“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa baha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo, na binulsa niyo lang ang pera,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.

At para aniya hindi na maulit ito, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) aniya ay agad na magsusumite sa kanya ng listahan ng lahat ng flood control projects mula sa bawat rehiyon na nagsimula o natapos na dsa nakalipas na tatlong taon.

Susuriin aniyang mabuti ng regional project monitoring committee ang listahan ng mga proyekto at bigyan ng report ang mga nabigo, hindi natapos at iyong sinasabing ghost projects.

“We will publish this list. Isasapubliko natin ang listahang ito. Kaya ang publiko na saksi sa mga proyektong ito ay malayang suriin ang listahan at magbahagi ng kanilang nalalaman para makatulong sa ating imbestigasyon,” ayon sa Pangulo.

Magkakaroon aniya ng ‘audit at performance review’ kaugnay sa mga nasabing proyekto upang i-check, at tiyakin at malaman kung paano ang pera ay nagasta.

Tiniyak ng Pangulo na sa mga susunod na buwan, makakasuhan ang lahat ng mga lalabas na may sala mula sa imbestigasyon pati na ang mga kasabwat na mga kontratista sa bansa.

Kailangan aniyang malaman ng taumbayan ang buong katotohanan.

Kailangan pa ring may maging managot sa naging pinsala at katiwalian.

“Therefore, for the 2026 national budget, I will return any proposed general appropriations bill that is not fully aligned with the national expenditure program,” ayon sa Chief Executive.

“And further, I am willing to do this even if we end up with a reenacted budget,” dagdag na wika nito.

Samantala, siniguro ng Pangulo na hindi niya aaprubahan ang kahit anong budget na hindi alinsunod sa plano ng gobyerno para sa samabayanang Pilipino. (Daris Jose)

Sa tatlong huling tatlong taon sa panunungkulan:  PBBM, ibubuhos ang lahat-lahat

Posted on: July 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa taumbayan na sa huling tatlong taon ng kanyang administrasyon ay ibubuhos niya ang lahat-lahat. Hindi lamang upang mapantayan, kundi mahigitan pa ang pagbibigay-ginhawa sa mga Filipino.

Kaya nga ang panawagan ng Pangulo sa taumbayan ay isantabi ang pagkakaiba, at magkasundo na sa tatlong bagay na nagbibigkis sa lahat.

Sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, araw ng Lunes, Hulyo 28, sinabi ng Pangulo na sa pagiging Pilipino, kailangan ang pagiging makabansa, at ang sinumpaang tungkulin sa taumbayan.

Sinabi pa ng Pangulo na makasaysayan ang katatapos na halalan nitong Mayo.

Kaya aniya pinaparating niya ang kanyang buong-pusong pagpupugay sa mga kababayan – lalo na sa mga kabataang botante.

“Sa ating lahat dito: Malinaw sa akin ang mensahe ng naging resulta ng halalan. Bigo at dismayado ang mga tao sa pamahalaan, lalo na sa mga pangunahing serbisyo,” ayon sa Pangulo.

Ang leksyon aniya sa lahat ay simple lamang: kailangan pa ng lahat ang mas lalong galingan. Kailangan pa aniya na mas lalong bilisan.

Kung datos lamang aniya ang pag-uusapan, maganda ang ekonomiya, tumaas ang kumpiyansa ng mga negosyante. Bumaba ang inflation, dumami ang trabaho.

Ngunit ang lahat aniya ng mga ito ay palamuti lamang, walang saysay, kung ang mga mamamayang Filipino ay hirap pa rin at nabibigatan sa kanilang buhay.

(Daris Jose)

Libanan, ibinotong lider ng 30-miyembro ng House Minority Bloc

Posted on: July 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAHALAL naman si 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan bilang Minority Leader ng kamara ngayong 20th Congress.

Nakuha ni Libanan ang suporta ng 29 ibang miyembro ng minorya sa isinagawang caucus matapos ang isinagawa namang eleksyon para sa speaker kung saan nanalo para sa ikalawang termino si Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Si Libanan ay nagsilbing House Minority Leader noong 19th Congress.

Kabilang sa mga miyembro ng kamara na bumoto kay Libanan bilang Minority Leader ay sina      Edgar Erice (Caloocan, 2nd District), Presley De Jesus (PHILRECA), Sergio Dagooc (APEC),      Jonathan Clement Abalos II (4Ps), Stephen James Tan (Samar, 1st District), Leila De Lima (Mamayang Liberal), Percival Cendaña (Akbayan), Antonio Tinio (ACT Teachers),  Jesus Suntay (Quezon City, 4th District), Christopher “Sheen” Gonzales (Eastern Samar, Lone District),  Jose Manuel Diokno (Akbayan), Renee Louise Co (Kabataan), Roberto Gerard Nazal Jr. (Bagong Henerasyon) Jernie Jett Nisay (Pusong Pinoy),  Niko Raul Daza (Northern Samar, 1st District), Allan Ty (LPGMA),  Cielo Krisel Lagman-Luistro (Albay, 1st District),  Terry Ridon (Bicol Saro),  Arlene “Kaka” Bag-ao (Dinagat Islands, Lone District), Dadah Kiram Ismula (Akbayan),  Elijah San Fernando (Kamanggagawa), Jan Rurik Padiernos (Galing sa Puso),  Florabel Yatco (Nanay),  Arlyn Ayon (Swerte), Nicanor Briones (AGAP), Audrey Zubiri (Bukidnon, 3rd District), Michael Tan (Samar, 2nd District), Rachel Marguerite Del Mar (Cebu City, 1st District) at Paolo Henry Marcoleta (SAGIP).

 Sa ginanap na caucus, ang nomination ni Libanan ay ginawa ni de Lima na sinigunduhan naman nina Erice, Tinio, De Jesus, Abalos, at Briones.

Isang abogado, nagsilbing Kongresista si Libanan ng tatlong termino bilang kinatawan ng lone district ng Eastern Samar. Pinamunuan niya ang House committee on justice at naging Majority Leader ng Bicameral Commission on Appointments.

Nagsilbi rin si Libanan bilang Commissioner ng Bureau of Immigration sa ilalim ng administration ni dating President Gloria Macapagal-Arroyo.

(Vina de Guzman)