
Sa edad na 72, namaalam na si Ka Freddie noong May 27, habang naka-confine sa Philippine Heart Center. Naulila niya ang asawang si Jovi Gatdula Albao at ang kanyang mga anak sa unang asawa na sina Maegan, Jonan, Isabella, and Jeriko.
Kinumpirma ito ng abogadong si George Briones, ang general counsel of Partido Federal ng Pilipinas ang pagpanaw ng mang-aawit na dating national executive vice president ng PFP.
Nag-post din ang kaibigan at veteran actress na si Vivian Velez sa Facebook tungkol sa pagpanaw ng singer-songwriter.
“OPM icon Freddie Aguilar has passed away today (May 27) at the PH Heart Center Hospital.
“He was 72 years old. Our heartfelt condolences to his family and loved ones. His music will forever live on in our hearts. #FreddieAguilar.”
Itinuturing na isang haligi ng Philippine music industry si Ka Freddie at nakapagbigay din ng karangalan sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga parangal at pagkilala sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nagsimula si Ka Freddie sa pagiging isang street musician at folk club performer sa Maynila at Olongapo hanggang sa makakuha ng regular gig sa Mama Consuelo’s Music Lounge sa Quiapo, Maynila.
Hindi nagtagal ay naging kilala siya bilang isang folk singer sa Malate, Maynila.
Dahil sa kanyang hindi matatawarang talento sa pagkanta pagko-compose, naging isa siya sa mga pambatong musikero sa buong bansa at binigyang-parangal dahil sa kanyang makabuluhang at makabayan na mga kanta.
Dahil sa kanyang awiting “Anak”, mas nakilala pa siya dahil naging isang international hit at isinalin sa 29 na wika. Ito rin ang kanyang best-selling Philippine music record of all time.
Noong 1986, si Freddie Aguilar ay hinirang bilang ikalawa sa mga Asian artist na may pinakamaraming album sales sa buong mundo.
Bukod sa “Anak”, ang ilan pa sa mga pinasikat niyang awitin ay ang “Bayan Ko”, “Mindanao”, at “Pulubi”.
Noong January 18, 2008, tinanggap ni Ka Freddie ang Asia Star Award mula sa Asia Model Award Festival sa Korea.
Ipinanganak si Ka Freddie noong February 5, 1953, sa Santo Tomas, Isabela. Nakapag-asawa siya ng dalawang beses at may apat na anak sa kanyang unang asawa.
Taong 2013 nang magpa-convert siya sa relihiyong Islam at pinangalanan ang sarili bilang Abdul Farid. Ginawa niya ito upang mapakasalan ang isang 16-anyos na si Jovi Gatdula Albao (Muslim name Sittie Mariam).
(ROHN ROMULO)