• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:35 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May, 2025

PBBM, deadma sa pagbaba ng kanyang trust ratings

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
IPINAGKIBIT- balikat lang ni Pangulong President Ferdinand ‘Marcos Jr. ang pagbaba ng kanyang trust ratings
Ang katuwiran ng Pangulo, hindi dapat ibinabase sa isang survey lamang.
”Madaming ibang survey. Let’s not base it on one,” ang tugon ni Pangulong Marcos nang tanungin sa briefing kasama ang Philippine media delegation kung ano ang kanyang gagawin sa naging pagbaba ng kanyang ratings.
At nang tanungin naman ni Pangulong Marcos ang media kung sino ang nagsagawa ng survey at nang sumagot ang mga mamamahayag na Pulse Asia, isang matamis na ngiti ang tugon ng Pangulo.
Winika ni Pangulong Marcos na dapat din na maging maingat ang source ng survey.
”Again, let’s look at other surveys before we — know your source. That’s a – that’s always an… Imperfect information makes you make imperfect decisions. The more perfect your information, the more perfect your decision will be. That is one source of information, and you have to understand where it’s actually coming from,” ang sinabi ng Pangulo.
Sa pinakahuling “Pulso ng Bayan” survey ng Pulse Asia, nakakuha si Pangulong Marcos ng 32% trust rating.
Tatlong porsyentong mas mataas ito kumpara sa 29% noong nakaraang buwan .
Samantala, bumaba naman ng 7% ang trust rating kay Vice President Sara Duterte. Kung dati ay nasa 57% ito noong Abril, 50% na lang ito ngayong buwan.
Isinagawa ang survey nitong May 6-9 sa 1,200 registered voters. ( Daris Jose)

Operation linis kanal at sapa sa Valenzuela

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PUSPUSAN na ang isinasagawang paglilinis ng mga tauhan ng Rivers and Waterways Management Office (RWMO) sa mga kanal at sapa sa Lungsod Valenzuela, bilang paghahanda sa nalalapit na tag-ulan. Ayon kay Mayor Wes Gatchalian, maliban sa declogging at cleaning operation, tiniyak din nila na nasa working condition ang mga pumping station sa ating lungsod. (Richard Mesa)

NAGPANGGAP NA PINOY AT MAY KAUGNAYAN KAY TONY YANG AT POGO, INARESTO

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SINABI ng Bureau of Immigration (BI) na ang naarestong Chinese national noon May 21 na si Xu Shiyan ay posibleng may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nakatanggap siya ng impormasyon mula kay Melody Penelope Gonzales, head ng BI Mindanao Intelligence Task Group (MITG), na si Xu ay incorporator ng Philippine Sanjia-Steel Corporation (Phil-Sanjia).
Kabilang sa mga incorporators ng nasabing kumpanya ay si Antonio Lim, na alyas Tony Yang na unang inimbestigahan ng legislative bodies dahil sa pagkakasangkot nito sa POGO operations sa Pilipinas.
Narekober mula kay Xu ay iba’t-ibang dokumento sa Pilipinas kabilang ang birth certificates, Philsys slips, SSS forms, UMID forms, Postal ID, TIN ID, driver’s license, at COMELEC registration slip, na lahat ay sa kanyang pangalan.
Matatandaan na unang naaresto ng BI si Tony Yang non 2024 matapos na nagpanggap na isang Filipino.
“We will not allow foreign nationals to abuse our systems, falsify their identities, and use Philippine documents to cover their tracks,” ayon kay Viado. “The Bureau is fully committed to supporting the President’s campaign to rid the country of criminal elements linked to illegal POGOs,” dagdag pa nito.
 (Gene Adsuara)

Gobyerno pinag-aaralan ang rice ‘floor price’ para protektahan ang kita ng mga magsasaka-PBBM

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pinag-aaralan na ng gobyerno ang implementasyon ng “floor price” para sa bigas upang matiyak na sapat ang magiging kita ng mga magsasaka at nakahanda ang mga ito para sa susunod na ‘planting season’.
Sa isang dayalogo kasama ang mga magsasaka sa ginawang pagbisita ng Pangulo sa bodega ng National Food Authority (NFA) sa San Ildefonso, Bulacan, binigyang diin ni Pangulong ang pangangailangan na magkaroon ng balanse sa pagitan ng panatilihin ang bigas na ‘affordable’ para sa mga mamimili at tiyakin na ang mga magsasaka ay hindi dehado sa pagbebenta ng kanilang produkto.
Ang paliwanag ng Pangulo, ang panukalang hakbang ay ginaya matapos ang floor pricing system para sa tabako sa kanyang home province sa Ilocos Norte.
“Pinag-aaralan namin, ginagaya namin sa tobacco doon sa amin sa Ilocos, may floor price. So never bababa doon sa floor price,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
“So, pinag-aaralan naming magkaroon ng floor price para wala namang malugi,” dagdag na wika nito.
Sinabi pa ng Chief Executive na ang hindi matatag na ‘market prices’ ang sagabal sa ‘planning at long-term sustainability’ kapuwa sa mga magsasaka at gobyerno.
“Kapag masyadong malikot ang presyo, hindi tayo makapagplano ng maganda. Siguro kayo ganun din ang experience niyo,” ang sinabi ng Pangulo sa mga magsasaka.
“Binabalanse talaga namin – ‘yung presyo para sa mga namimili at saka yung buying price naman namin galing sa mga farmers para maganda ang sitwasyon,” ang dagdag na pahayag nito.
Samantala, nangako naman ang Pangulo na itataas ang suporta ng pamahalaan sa pamamagitan ng karagdagang agricultural machinery at logistics para bawasan ang ‘production losses’ at paghusayin ang post-harvest operations. ( Daris Jose)

Kasunod ng muling pag-aresto sa kaniya sa Timor-Leste… Kampo ni Arnie Teves, naghain ng habeas corpus 

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGHAIN na ang kampo ni dating Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. ng writ of habeas corpus petition kasunod ng muling pag-aresto sa kaniya sa Timor-Leste.
Sa isang online briefing, inihayag ng legal counsel ni Teves sa Pilipinas na si Atty. Ferdinand Topacio, sakaling katigan ang kanilang petisyon, dadalhin sa hukuman si Teves at kailangan na makumbinsi ng mga umarestong awtoridad ang korte kung bakit siya inaresto at kung ipapadeport siya, kailangan ding ipaliwanag ng mga ito ang basehan para sa deportation ni Teves.
Binigyang diin pa ni Atty. Topacio na naibasura na noon pang Marso ang extradition request ng gobyerno ng Pilipinas.
Inilatag din niya ang tatlong basehan para sa denial o pagbasura sa posibleng deportation ni Teves. Una ay nasa matinding panganib umano ang buhay ng dating mambabatas, pangalawa, posible aniyang pwersahin siyang sumailalim sa torture at iba pang hindi makataong parusa at pangatlo, maaaring sumailalim aniya siya sa proceedings na maaaring magdulot ng injustice sa kanya. ( Daris Jose)

Kapag nag- full blast na ang rehabilitation… Skyway toll fee ililibre habang inaayos EDSA

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TAHASANG sinabi ni Transportaion Secretary Vince Dizon na pinag-uusapan at pinag-aaralan na nilang ilibre ang toll fee sa Skyway Stage 3 sa Hulyo o Agosto kapag nag-full blast na ang EDSA rehabilitation.
Ayon kay Dizon, ang mga apektadong segment lang ng EDSA kung saan kailangan mag-detour ng mga sasakyan na magiging libre, ito ay bahagi ng ­inisyal na intervention ng Department of Transportation (DOTr) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para maibsan ang matinding trapik na magi­ging dulot ng isasagawang rehabilitasyon sa EDSA.
Samantala, sa halip na isang linggo, isang buwan gagawin ang dry run ng Odd-Even Scheme na ipapalit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa number coding habang inaayos ang EDSA.
Ito naman ang sinabi ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes kung saan 24/7 ipatutupad ang dry run simula Hunyo 16. Una nang sinabi ng MMDA na isang linggo lang ang gaga­wing dry run para sa Odd-Even Scheme.
Sa Odd-Even Scheme, bawal dumaan ang mga plakang nagtatapos sa 1,3,5,7, 9 sa tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes habang ang mga plakang nagtatapos naman sa 2,4,6,8,0 ay bawal sa araw ng Martes, Huwebes at Sabado.
Nilinaw ni Artes na mangingibabaw ang Odd-Even Scheme sa kahabaan ng EDSA habang ang number co­ding scheme naman ang patuloy na ipatutupad sa iba pang main thoroughfare “With the enforcement of the odd-even scheme, we are expecting a 40% reduction in the number of vehicles along EDSA,” ani Artes. ( Daris Jose)

ISINANTABI ng isang mambabatas ang pinakahuling Pulse Asia survey na nagpapakita na kalahati ng mga Pilipino ang hindi pabor sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, na nagsaad na hindi dapat diktahan ng public opinion ang takbo ng isang constitutional process.

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
“In relation to the prosecution, personally I can’t speak for everyone else, but we have to take it with a grain of salt. Nakita rin po natin kung anong resulta ng survey sa ating senatorial election. Surprised, No. 2 Sen. [Bam] Aquino, and we also have Sen. [Kiko] Pangilinan among others, so iyon, I really take surveys with a pinch of salt right now,” ani 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez.
Tinukoy ni Gutierrez ang hindi inaasahang kinalabasan ng May 2025 senatorial elections, kung saan nakuha nina dating senador Bam Aquino at Kiko Pangilinan, kapwa mababa sa pre-election surveys, ang pumasok sa may matataas na boto.
Sa Pulse Asia “Pulso ng Bayan” survey, na ginawa noong May 6 hanggang 9 sa may 1,200 registered voters, na 50% ang hindi pabor sa paghahain ng impeachment complaint, 28% ang pabor at 21% naman ang undecided. Ang survey ay may ±2.8 percentage point margin of error.
Hindi naman nito kinuwestiyon ang integridad ng Pulse Asia.
“I won’t say biased. Supposedly there is some statistical reasoning behind it,” pahayag nito.
Sa kabila na lumilitaw sa survey na maraming Pinoy ang kontra impeachment, iginiit ni Gutierrez na nanatili ang tungkulin ng prosecution panel na ipresenta ang mga ebidensiya at patunayan ang kanilang kaso saSenate impeachment court.
Na-impeach si VP Sara Duterte ng kamara noong February 5, 2025, dahil sa mga kaso ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang high crimes.
Nag-ugat ang kaso sa alegasyon ng misuse sa P612.5 milyong confidential funds—P500 million sa ilalim ng Office of the Vice President at P112.5 million sa ilalim naman ng Department of Education (DepEd)—habang nanunungkulan si Duterte bilang VP at Education Secretary.
Nakatakdang mag-convene ang senado bilang impeachment court sa June 2, 2025, para simulan ang trial proceedings. Nangangailang ng two-thirds ng boto para ma-convict at matanggal si Duterte mula sa kanyang opisina. (Vina de Guzman)

1-Rider Party List Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez ang ipinatupad na No Contact Apprehension Policy (NCAP)

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINABUBUSISI ni 1-Rider Party List Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez ang ipinatupad na No Contact Apprehension Policy (NCAP) dahil sa ilang hindi pa nareresolbang isyu na naging sanhi para magkaroon ng kaguluhan sa mga motorista, partikular ng mga motorcycle riders.
Ang NCAP, ay dinisenyo upang magpatupad ng mga traffic regulations sa pamamagitan ng automated camera systems. Inulan ito ng ilang isyu kabilang na ang hindi malinaw na guidelines sa vehicle ownership transfers, inconsistent enforcement, at reklamo ukol sa hindi malinaw na road signages.
Dahil sa mga hindi pa nareresolbang isyu ay nauwi ito sa kalituhan, unfair penalties, at delays para sa epektibong pagpapatupad ng programa na nakaapekto sa mga riders at iba pang road users.
Sinabi ni Gutierrez na kailangan munang matugunan ang mga naturang isyu bago sana naipatupad ang NCAP.
“The intention behind NCAP is commendable, but the lifting of the TRO does not cure the existing problems. Its current implementation is flawed and unfairly impacts our motorists. We need clear road signages, transparent ownership transfer processes, and a system that respects due process to ensure fairness,” anang mambabatas.
Hinikayat pa nito ang Kamara na imbestigahan ang kahandaan ng MMDA sa pagpapatupad ng NCAP at pagkaka-delay sa implementasyon ng naturang programa.
“Our initial talks with the LTO seem to confirm our concerns that the systems in place are not ready. We cannot allow a system meant to promote road safety to create more problems for our citizens. I am calling for a delay in NCAP’s implementation until the MMDA can demonstrate its readiness and address these critical issues,” pahayag ni Gutierrez. (Vina de Guzman)

Malabon LGU, nag-deploy ng 3 power washer equipment para mabawasan ang matinding init

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PARA mabawasan ang epekto ng patuloy na mainit at tagtuyot, sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang pagpapatakbo ng tatlong high-powered water pressure washers upang linisin at palamigin ang mga kalsada, parke, at iba pang pampublikong lugar.
“Gamit ang mga power washer na ito, sinimulan po natin ang pagbobomba ng tubig sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, partikular sa mga daanan at mga parke. Ito ay upang makatulong sa pagbawas sa epekto ng tag-init at masiguro ang kalusugan ng mga residente. Gayundin ay makakapagdilig tayo ng mga halaman at puno na siyang tumutulong sa pagkakaroon ng mas maaliwalas na kapaligiran,” ani Mayor Jeannie.
Ang inisyatibang ito, sa pangunguna ng Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office, na inuuna ang mga lugar na may matinding foot traffic tulad ng mga pampublikong pamilihan, bangketa, at mga pangunahing parke. Kasama sa mga target na lokasyon ang Malabon Center Island, Malabon Landmark, Catmon People’s Park, at Hulo Plaza.
“Kasabay ito ng ating patuloy na paglilinis sa mga lugar para naman maiwasan ang pagbabaha kung sakaling dumating panahon ng tag-ulan. Kaya po makasisiguro ang mga Malabueno na tayo ay nakahandang umalalay ano man ang panahon,” dagdag ng mayora.
Isinasagawa ang operasyon kasabay ng mga regular na cleanup drive na isinasagawa ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), na nakatuon sa mga kalsada, parke, at daluyan ng tubig.
Binigyang-diin ni Mayor Jeannie na ang pagsisikap na ito ay bahagi ng isang mas malaking kampanya upang itaguyod ang pampublikong kalusugan at kalinisan sa mga buwan ng tag-init.
“Bukod sa pagpapalamig ng ating mga kalsada, ito rin ay isang hakbang para maiwasan ang pagkalat ng mga sakit na nagmumula sa maruruming kapaligiran,” aniya. (Richard Mesa)

Mister, kulong sa baril at shabu sa Malabon

Posted on: May 29th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SHOOT sa selda ang 44-anyos na lalaki matapos inguso sa pulisya na may dalang baril habang gumagala at makuhanan pa ng shabu sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
          Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang lalaki na may dala umanong baril habang gumagala sa Katipunan St. Brgy. Bayan Bayanan.
          Kaagad rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 7 kung saan nakita nila ang suspek na may bitbit na baril kaya maingat nila itong nilapitan bago sinunggaban dakong alas-3:20 ng madaling araw.
          Nakumpika sa suspek na si alyas “Dave”, ng Brgy. Baritan ang isang improvised firearm (pen gun) na kargado ng isang bala at nang kapkapan, ay nakuha pa sa kanya ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800.
          Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), in relation to Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code), at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Pinuri naman ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District (NPD), ang mabilis na pagtugon at mapagpasyang aksyon ng mga tauhan ng Malabon CPS para sa kaligtasan ng publiko at pag-iwas sa krimen. (Richard Mesa)