HINILING ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa mga opisyal ng Eastern Visayas na paganahin ang Amandayehan port sa Basey, Samar, sa loob ng dalawang linggo para tugunan ang mga hadlang sa logistic sa gitna ng San Juanico Bridge load limit.
Araw ng Linggo nang bisitahin ni Dizon ang Tacloban at Amandayehan ports, kung saan sinabi nito na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang ‘uninterrupted movement’ ng mga suplay sa pagitan ng Leyte at Samar provinces sa kabila ng limited access sa mahalagang tulay.
“This is a major emergency, especially with regards to the movement of goods, food, fuel, and construction materials. So we have to find a way to move goods from Samar to Leyte and Leyte to Samar,” ang sinabi ni Dizon matapos ang inter-agency meeting.
At upang masiguro na magpapatuloy ang pagsasaayos sa
Amandayehan Port matapos na pondohan ng DPWH ang inisyal na trabaho, hiniling ni Dizon sa provincial government at lokal na pamahalaan ng Basey, Samar, na i-turn over ang pamamahala ng daungan sa PPA upang sa gayon ay makapaglaan ng pondo para sa rehabilitasyon at pagsasaayos nito.
Kasama naman sa miting sa Tacloban Airport ang mga opisyal mula sa Philippine Ports Authority (PPA), Maritime Industry Authority, Philippine Coast Guard, Department of Public Works and Highways (DPWH), Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Office of Civil Defense, Samar provincial government, local government units of Santa Rita in Samar and Tacloban City, Department of Economy, Planning, and Development, at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Tacloban – Leyte chapter.
Sinabi pa ni Dizon na ang nagpapatuloy na trabaho sa Amandayehan port ay kailangang madaliin upang mapigilan ang matinding pagkaantala sa paghahatid ng goods at magtatag ng alternatibo at mas maiksing ruta papuntang Tacloban mula Samar Island.
Isang kinatawan naman mula sa kontratistang Aqualine Construction ang nangakong tutupdin ang itinakdang deadline ni Dizon.
Sa kabilang dako, sa isinagawang berthing trial at test float sa Amadyehan Port ng RoRo vessel LCT Aldain Dowey, pag-aari ng Sta. Clara Shipping Corp. noong May 22, nakita ng mga awtoridad ang pangangailangan na pagtibayin ang rampa para mapadali at maging magaan ang ang loading at unloading ng wheeled vehicles lalo na sa panahon ng high tide.
Ang travel time sa pagitan ng Tacloban City at Amandayehan port ay wala pang 30 minuto.
Sa kabilang dako, winelcome naman ni Samar Governor Sharee Ann Tan ang naging kautusan mula kay Dizon sa mga kontratista dahil ang port ay ang pinakamahusay at pinakamaikling ruta mula Samar hanggang Leyte.
Sa kasalukuyan, ang mga truckers at cargo vehicles ay gumagamit ng Maguino-o at Calbayog ports sa pribadong daungan sa Ormoc City bilang alternatibong ruta.
Ang travel time sa pagitan ng dalawang daungan na gumagamit ng roll-on, roll-off vessel ay 13 oras na may rate na P15,000 sa higit sa P20,000 kada cargo truck.
“This has been affecting the economy, but we are hoping this will be temporary and this problem will immediately be resolved by the DPWH, PPA, and the DOTr,” ang sinabi ni Tan, idagdag pa nito na ang kakapusan ng fuel supply sa Samar ay nanaranasan na ngayon sa maraming lugar.
“The 10 days that were guaranteed by the secretary are good enough; at least we have a target rather than not knowing when it will start operating,” ang sinabi ni Tan.
Aniya pa, ang nagpapatuloy na pagkaantala sa paghahatid ng goods at produkto ay nagkakahalaga ng P2 billion sa economic loss per day, isinasaalang-alang na rito ang 1,400 trucks na tumatawid sa San Juanico Bridge araw-araw.
“This will cost inflation not only in Region 8 but also in the entire country,” ang dagdag na pahayag ni Tan. ( Daris Jose)