• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 12:32 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May 24th, 2025

2 holdaper ng coffe shop sa Caloocan, swak sa selda

Posted on: May 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TIMBOG ang dalawang holdaper nang masapol sa kuha ng close circuit television (CCTV) camera ang ginawa nilang panghoholdap sa isang coffee shop sa Caloocan City.
Dakong alas-11:30 ng gabi nang pasukin nina alyas “Topher”, 47, na armado ng Uzi submachine gun, at alyas “Balueg”, 50, ang coffee shop sa 191 A. Mabini St. Maypajo, Brgy, 30, bago mabilis na tumakas, tangay ang dalawang Ipad ng mga customer na sina alyas “Eugene” at alyas “Lyssa”, kapuwa 24-anyos at P2,500 sa kaha ng coffee shop.
Nang makaalis ang mga suspek, kaagad lumabas ng coffee shop ang mga service crew na sina alyas “Jhon”, 22, at alyas “Carl” 19, para humingi ng saklolo sa mga nagpapatrulyang tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles na nagresulta sa pagkakadakip kay alyas Topher at pagkakabawi sa Uzi submachine gun na may anim na bala ng kalibre 9mm na nakalagay sa pulang bag na kanyang bitbit.
Sa follow-up operation naman ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan at Tuna Police Sub-Station 1, nadakip sa Brgy. Longos sa Malabon City si alyas Balueg na positibong kinilala ng mga biktima.
Ayon kay BGen. Ligan, mahaharap sa kasong Robbery ang mga suspek habang karagdagang paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Batas Pambansa Blg. 881 o ang Omnibus Election Code si alyas Topher sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

Anim na miyembro, mananatili sa puwesto, dalawa inilipat… Balasahan sa cabinet members ni PBBM

Posted on: May 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ANIM na miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mula sa 52 opisyal na nagsumite ng kani-kanilang courtesy resignation ang mananatili sa puwesto.
Una na rito si Executive Secretary Lucas Bersamin kung saan mismong ito ang nagsabi na hindi tinanggap ni Pangulong Marcos ang kanyang courtesy resignation.
Sa press briefing na ipinatawag ni Bersamin sa Presidential Gest House, Malakanyang, araw ng Biyernes, Mayo 23, sinabi nito na “First, I would like to announce that as far as I am concerned, the Executive Secretary, the President declined the courtesy resignation that I tendered.  And just this morning, he communicated to me that I have his full backing for as long as I wish to work for him.”
Kaya sinabi ni Bersamin na ito’y isang “a very good gesture” mula sa Pangulo dahil sanyales aniya ito ng manipestasyon ng ganap na pagtitiwala at kumpiyansa sa kanya ni Pangulong Marcos.
Ibinahagi rin ni Bersamin ang isyu na pilit na ikinakabit laban sa kanya.
“Because if you had noticed, I don’t know if any of you was involved, there was a lot of misinformation yesterday about this reorganization being triggered in order to target me or to remove me from office. Lahat ng Cabinet members, presidential advisors, and other presidential appointees are always subject to the will of the President of the Republic of the Philippines,” aniya pa rin.
(As of press time) Sa kabilang dako, ang limang bahagi ng economic team ng Pangulo na mananatili sa puwesto ay sina DTI Secretary Maria Cristina A. Roque, Department of Finance Secretary Ralph G. Recto, DepDev Secretary Arsenio M. Balisacano, DBM Secretary Amena F. Pangandaman at Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (SAPIEA) Secretary Frederick Go.
“Itong lima na ito ay magpapatuloy sa kanilang panunungkulan at paninilbihan sa ating taong bayan,” ang pagtiyak ni Bersamin.
Ang ibang akyon naman hinggil sa courtesy resignation ng ibang Cabinet Secretaries ay posibleng ihayag sa susunod na araw. Magkakaroon muna kasi ng masusing ebalwasyon o pagsusuri rito.
Posibleng matapos ng araw ng Miyerkules o sa susunod na linggo ay mayroon na namang anunsyo.
Samantala, magpapahinga muna si Ambassador Antonio Lagdameo matapos ang ilang dekadang serbisyo sa bansa bilang bilang ambassador.
Si Lagdameo ang nakaupo ngayon bilang permanent representative sa UN. Si DFA Secretary Enrique A. Manalo ang papalit kay Lagdameo sa United Nations.
“Ganyan kahalaga yung position na yan.  Yung position na yan ay napakataas sa pagtingin ng ating Pangulo kaya si Secretary Manalo mismo ang ilalagay natin dyan. Nakapalit ni Ambassador Antonio Lagdameo,” ani Bersamin.
Sinabi pa ni Bersamin na epektibo, August 1. ang papalit naman kay Secretary Manalo ay isa ring ‘very capable’ na diplomat na napag-retire sa regular service pero naninilbihan ngayon na undersecretary ng DFA.
Ito aniya ang maghahawak ng DFA, epektibo July 31, 2025 pagka na-appoint na si Secretary Manalo. Ang kahalagahan ng assignment sa United Nations, unawain natin, ay nandyan dahil tayo ay nangangampanya na magiging non-permanent member ng UN Security Council sa 2027-28.
Hindi naman napigilan ni Bersamin na magpahayag na nakaka-tense ang ganitong mga announcement dahil “very critical, crucial sa atin.”
Lipat-bakod naman si DOE Secretary Popo Rafael Lotilla sa DENR.
Ililipat muna si Lotilla sa DENR habang magpapahinga naman si DENR Sec. Maria Antonia Yulo Loyzaga. Maaari naman aniyang mabibigyan din siya ng isa or ibang responsableng cabinet position sa hinaharap.
Bukod kay Lotilla na inilipat lamang ng departamento, si Jose “Jerry” Rizalino Larion Acuzar ay ginawang Pesidential Advisor for Pasig River Improvement na may ranggo na Kalihim. mula sa kanyang pagiging hepe ng Department of Human Settlements and Urban Development. Si Engineer Jose Ramon Aliling. dating Secretary Aliling, dating Undersecretary ng DSUD, naging in-charge sa Pambansang Pambahay para sa Filipino Housing for PH Program at Pasig Bigyan Buhay Muli Project.
(Daris Jose)

Performance check o loyalty check sa balasahan sa gabinete tanong ng mambabatas

Posted on: May 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ITO ang komento ni Kabataan Rep-elect Atty. Renee Co on Marcos Jr. sa balasahan sa gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon sa mambabatas, dahil hindi umano transparent ang basis ng rebyu ay puwede umanong gamitin ni Marcos ang publicity stunt ng courtesy resignations na ito para punuin ng cronies ang gabinete at patibayin ang kontrol niya sa poder tulad ng ginawa ni Marcos Sr. dati noong batas militar. Pagbabatayan ito ng kabataan. Ayaw na nating ma-scam ulit.
“Sa totoo lang, trying hard masyado na magmukhang in charge si Marcos Jr., pero hindi tayo convinced. This is part of their political war preparations for 2028 against the Dutertes. Kung legit effort ito, hindi lang tao-tao dapat ang magbago, pero ang pamumuno at programa ng gobyerno na bola ni Marcos Jr. mismo,” pahayag nito.
Tanong pa niya, kung tuloy pa rin ang jeepney phaseout, K-12, rice tarrification law, war on drugs, NTF-ELCAC, Endo, VFA at iba pang anti-people policies na minana niya mula pa kay Rodrigo Duterte at nauna pang mga pangulo.
Iginiit pa ni Co na matagal nang naghahapag ng solusyon ang mamamayan, pero ayaw makinig ng Pangulo.
“Ano man ang kalabasan ng magic show na ito, papalakasin ng kabataan ang kampanya para sa dagdag-budget sa edukasyon, dagdag-sahod, disenteng trabaho, abot-kamay at de-kalidad na serbisyo at iba pa. Alam naming ito ang dapat magbago, hindi lang ang mga tao na nasa gabinete,” pagtatapos ng kongresista. (Vina de Guzman)

LTO, ni-revoked ang lisensiya ng driver sa viral NAIA car crash at napatunayang guilty sa reckless driving

Posted on: May 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NI-REVOKED ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon, ang lisensya ng drayber ng itim na sports utility vehicle (SUV) na sangkot sa malagim na insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Mayo 4, kung saan dalawang katao ang nasawi matapos umarangkada ang sasakyan at bumangga sa entrada ng departure area.
Batay sa limang-pahinang desisyong nilagdaan ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, napatunayang guilty ang drayber mula Batangas sa kasong reckless driving at pinatawan ng kaukulang parusa, kabilang ang multang P2,000 at pagbawi ng kanyang lisensya sa loob ng apat na taon.
Ayon kay Asec. Mendoza, ang ipinataw na parusang multang P2,000 at pagbawi ng lisensya sa loob ng apat na taon dahil sa pagiging “improper person to operate a motor vehicle” ay ang pinakamataas na parusang pinapahintulutan ng batas para sa naturang paglabag.
Matapos ang insidente kung saan nasawi ang isang apat na taong gulang na anak ng overseas Filipino worker (OFW) at isang 29-anyos na lalaki, agad na naglabas ang LTO ng show cause order laban sa rehistradong may-ari at sa drayber ng itim na Ford Everest.
Gayunman, nabigong magsumite ng anumang salaysay ang driver upang ipagtanggol ang sarili o ipaliwanag ang kanyang panig kaugnay sa kasong reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Batay sa Rule I(e) ng Joint Administrative Order No. 2014-01, ang pagmaneho ng sasakyan sa paraang maaaring magdulot ng panganib sa ari-arian, kaligtasan, o karapatan ng ibang tao ay itinuturing na reckless driving at may kaukulang multang P2,000.
“Batay sa mga nabanggit na probisyon at jurisprudence, malinaw na ang ginawa ng respondent-driver ay reckless driving na naglagay ng panganib sa ari-arian, kaligtasan, o karapatan ng mga biktima, lalo na kung isasaalang-alang ang bigat ng kanyang ginawa,” ayon sa desisyon.
Dagdag pa ni Asec. Mendoza, ang kapabayaan ng driver sa kanyang pagmamaneho na naging sanhi ng pagkasawi ng dalawang sibilyan at pagkakasugat ng ilan pang iba, pati na ang pagkasira ng ari-arian, ay isang hindi katanggap-tanggap na asal ng isang driver at maaring patawan ng pagbawi ng lisensya alinsunod sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code.
Sa parehong desisyon, muling iginiit ng LTO na ang pagmamaneho ay hindi karapatan kundi isang pribilehiyo na maaaring bawiin anumang oras kapag lumabag sa umiiral na batas at patakaran sa kaligtasan sa kalsada.
Nagpaalala rin si Asec. Mendoza sa mga motorista na maging responsable at disiplinado sa daan upang makaiwas sa mga problemang legal. (PAUL JOHN REYES)

Pilipinas, ilalaban ang karapatan sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng international law

Posted on: May 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
KASABAY ng tumitinding agresyon ng Tsina sa West Philippine Sea, sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na didepensahan ang karapatang soberenya sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng international law at pagkakaisa ng mga demokratikong bansa.
Sa ginawa nitong pagsasalita sa 29th Parliamentary Intelligence-Security Forum (PI-SF), sinabi ni Romualdez na patuloy pa rin ang commitment ng bansa sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ) at pagbasura sa pag-angkin ng Tsina.
“Let me be clear: the Philippines remains steadfast in protecting our rights and entitlements in the West Philippine Sea by upholding international law, particularly the 1982 UNCLOS and the 2016 South China Sea Arbitral Award. We categorically reject attempts to undermine our sovereignty, sovereign rights and jurisdiction through coercion or disinformation,” anang lider ng Kamara.
Ang pahayag ng Speaker ay kasunod na rin sa ulat na ginamitan ng water cannon ng China coast guard at binangga ang isang sasakyang pandagat ng Philippine Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Pag-asa Cay 2 (Sandy Cay) sa West Philippine Sea habang nagsasagawa ng marine scientific research initiative.
“Our approach is anchored on legal clarity, diplomatic dialogue, leveraging partnerships, and the peaceful settlement of disputes. We will not allow foreign narratives to distort the truth on the ground. Nor will we permit coercive actions to dictate our national destiny,” dagdag nito. (Vina de Guzman)

Top 10 most wanted person sa Valenzuela, nabitag sa Bicol

Posted on: May 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGWAKAS na ang halos tatlong taon pagtatago ng isang lalaki na kabilang sa mga Most Wanted Person sa Lungsod ng Valenzuela makaraang matunton siya ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Baao, Camarines Sur.
          Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, sinabi ni Valenzuela Police OIC Chief P/Col. Relly Arnedo na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil na nagtatago sa naturang lugar ang 43-anyos na akusado na nakatala bilang Top 10 MWP sa lungsod.
          Agad nakipag-ugnayan ang Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela CPS sa Baao Municipal Police Station at Camarines Sur Provincial Police Office, PRO5 na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-9:30 ng umaga sa Barangay Buluang, Baao, Camarines Sur.
Para matiyak ang transparency at pagsunod sa mga operational procedure, gumamit ang mga tuhan ni Col. Armedo ng Body-Worn Camera (BWC) sa pag-aresto sa akusado.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang ihain sa kanya ng pulisya ang warrant of arrest para sa kasong Frustrated Homicide at Grave Threats in relation to Republic Act 7610 na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 270, noong June 9, 2022, na may inirekomendang piyansa na P152,000.00.
          Pansamantalang nasa kustodiya ng Baao Municipal Police Station ang akusado habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela CPS.
Pinuri naman ni Gen. Ligan ang Valenzuela City Police Station sa kanilang pagsisikap at matagumpay na koordinasyon sa pagtunton sa wanted na indibidwal. (Richard Mesa)

P30.22B na home loans, ipinalabas nitong Q1 2025- PAG-IBIG

Posted on: May 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SINABI ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund na nakapagpalabas na ito ng P30.22 billion na home loans sa first quarter ng 2025.
Sinabi ng Pag-IBIG na ang halaga ay 8% na mas mataas o higit pa sa P2 billion, mas higit pa sa P28.09 billion na housing loans na ginastos sa kaparehong panahon noong 2024.
Ang loan na ipinalabas noong Enero hanggang Marso ay nakatulong para tustusan ang pagkuha ng sariling bahay ng 20,315 Pag-IBIG members.
“The strong performance of Pag-IBIG Fund in the first quarter underscores its continued commitment to providing affordable housing opportunities for Filipino families,” ang naging pahayag ni Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar, chairman ng 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees.
“As we sustain progress in home financing alongside the growing momentum of the Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program, we heed President Ferdinand R. Marcos Jr.’s call to uplift the lives of our fellow Filipinos by ensuring access to dignified shelter,” ang sinabi ni Acuzar.
Samantala, binigyang diin naman ni Pag-IBIG Fund CEO Marilene C. Acosta ang mahalagang suporta ng Pag-IBIG para sa flagship 4PH Program ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpo-provide ng pondo sa mga ‘developers, contractors at local government units’ para makapagtayo ng housing projects, at maging sa mga individual buyers ng 4PH units.
Sa first quarter lamang, nakapagpalabas ang ahensya ng P987.91 milyon sa ilalim ng programa, napakinabangan ng 669 miyembro at kanilang pamilya na ngayon ay mayroon ng sariling bahay.
“We are grateful to our members and stakeholders for their continued trust and support in our programs,” ani Acosta.
“Our performance in the home loan front demonstrates not only our financial strength, but also our unwavering commitment to make homeownership more accessible for Filipino workers. Pag-IBIG Fund remains focused on providing affordable and reliable housing programs that help build stable and dignified lives for our members,” aniya pa rin. ( Daris Jose)

Eid’l Adha sa Hunyo 6, regular holiday, Idineklara

Posted on: May 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
IDINEKLARANG Holiday ng Malakanyang ang Hunyo 6, Biyernes bilang regular holiday sa buong bansa.
Ito ay dahil sa pag-obserba sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga Muslim.
Base ito sa Proclamation 911 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Mayo 21, 2025 na inirekomenda naman ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF).
Ang Eid’l Adha ay isa sa dalawang importanteng holiday sa mga Muslim calendar at ang iba ay ang Eid’l Fitr, na siya namang pagtatapos ng holy fasting sa buwan ng Ramadan.

DOTr mas pinaigting ang paglaban sa mga fixers

Posted on: May 24th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINAIGTING pa lalo ng Department of Transportation ang paglaban sa mga online license fixers at mga non-compliant driving schools.
Ayon sa DOTr, na aabot sa 100 mga driving schools na ang kanilang ipinasara sa nagdaang dalawang linggo.
Dahil sa nasabing hakbang ay nais nilang mapadali ang pagkuha ng publiko ng kanilang drivers license.
May mga babaguhin sila sa sistema para maiwasan ang corruption at mahikayat ang mga aplikante na dumaan sa tamang proseso.
Ang paulit-ulit na proseso at labis na requirement ay siyang nagtutulak para tumaas pa ang bilang ng mga fixers.
Pagtitiyak ng DOTr na hindi sila titigil na habulin ang mga indibidwal at mga institusyon gaya ng mga clinics , testing centers at driving schools. (Daris Jose)