• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 2:18 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May 21st, 2025

Lalaki, isinelda sa pagdadala ng baril sa Caloocan

Posted on: May 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
LAGLAG sa selda ang 27-anyos na kelot matapos inguso sa mga pulis ng isang ‘Marites’ na armado ng baril habang palakad-lakad sa kalsada sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, unang nakatanggap ng tawag mula sa isang residente ng barangay 185 ang mga tauhan ng Tala Police Sub-Station 14 hinggil sa lalaking nakasuot ng puting short sleeve hoodie at pulang short pants na palakad-lakad at tila nagmamanman sa kanilang lugar dakong alas-1 ng madaling araw.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis sa lugar kung saan naispatan ng mga ito ang lalaking tumutugma sa ibinigay na deskripsiyon ng nagsumbong sa Gumamela St. Brgy. 185 habang may bitbit na armas kaya maingat nila itong nilapitan.
Gyunman, nakatunog ang suspek na nakilala sa alyas “Tenga”, kaya agad niyang inihagis sa gilid ng bangketa ang hawak na baril subalit, huli na dahil nakorner na siya ng mga pulis.
Nakumpiska ng mga pulis ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala at nang walang naipakita ang suspek na mga dokumento hinggil sa legalidad ng naturang baril ay inaresto na siya.
Kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code of the Philippines) ang isinampa ng mga pulis laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

BARMM Election, pinaghahandaan ng COMELEC 

Posted on: May 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINAGHAHANDAAN  na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdaraos ng Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Oktubre.
Nagpulong ang Regional Director, Provincila Election Supervisors at field personnel ng Comelec sa BARMM.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kabilang sa tinalakay ang karahasan kasama ang mga naging problema sa nagdaang mid-term elections.
Ang ginawang pagpupulong ay nilalayon na maresolba ang mga usaping ito at masiguro ang mas maayos na pagdaraos ng halalan.
Posible rin na maglagay nang mas maraming Starlink o satellite connection para sa transmission ng boto dahil na rin sa naranasang hirap sa signal pagkatapos ng botohan noong May 12.
Sinabi ni Garcia na tig-isang automated counting machine na lamang ang maaring mailaan na reserba na ACM sa kada presinto para sa parliamentary elections dahil limitado na rin ang eleksyon sa BARMM. (Gene Adsuara)

LTO CHIEF, NANGUNA SA PANAWAGAN PARA HULIHIN ANG MGA COLORUM MC TAXIS

Posted on: May 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINANGUNAHAN ni Assistant Secretary Vigor Mendoza ng Land Transportation Office (LTO) ang matinding panawagan para sa mas pinaigting na paghuli sa mga colorum na operasyon ng motorcycle taxi. Binibigyang-diin niya ang lumalaking pangamba sa kaligtasan, pagsunod sa batas, at proteksyon ng mga commuter.
Ipinahayag ni Asec. Mendoza na ang mga hindi rehistradong rider na lumalabag sa mga regulasyon ay isang malaking banta sa kaligtasan ng publiko. Binigyang-diin niya na kasabay ng pagsusumikap para sa pagpapatibay ng batas, dapat magpatuloy ang gobyerno sa masigasig na pagsugpo sa mga lumalabag na rider na hindi sumusunod sa mga itinakdang panuntunan at nagpapahina sa lehitimong industriya ng MC taxi.
“Hindi natin maaaring hayaang malagay sa panganib ang kaligtasan ng publiko dahil sa mga rider na hindi dumaan sa tamang pagsasanay, walang pananagutan, o hindi nasuri nang maayos. Palalakasin ng LTO ang pagpapatupad laban sa mga colorum na MC taxi, kasabay ng pagpapanatili ng mataas na pamantayan ng kaligtasan para sa mga lehitimong operator,” ani Mendoza.
Sa pulong kasama ang malalaking MC taxi operators Angkas, Joyride, at Move It iprinisinta ng LTO ang kanilang mga susunod na hakbang upang maisaayos ang regulasyon at mapahusay ang pagmamanman upang matiyak na lahat ng rider ay maayos na naaprubahan at sinanay.
Ipinahayag ni Angkas CEO George Royeca ang kanyang buong suporta sa inisyatiba ng LTO, binigyang-diin na ang mga colorum na operasyon ay hindi lamang nagdudulot ng panganib sa kaligtasan kundi nakakaapekto rin sa matagal nang pagsisikap na gawing propesyonal ang industriya.
“Pinasasalamatan namin si Asec. Mendoza at ang LTO sa kanilang matibay na pamumuno sa usaping ito. Matagal nang isinusulong ng Angkas ang propesyonalisasyon at regulasyong nakabatay sa kaligtasan, at sinusuportahan namin ang lahat ng hakbang upang alisin ang mga colorum na operasyon. Ito ay tungkol sa pagsagip ng buhay at pangangalaga sa integridad ng aming industriya,” ani Royeca.
Ibinahagi rin ni Royeca na ang Angkas ay may pinakamalawak na programa sa pagsasanay ng mga rider sa sektor, na may mahigit 500,000 na sinanay na rider at may 99.997% na safety record. Gayunpaman, nagbabala siya na maaaring malagay sa panganib ang mga tagumpay na ito kung magpapatuloy ang operasyon ng mga hindi reguladong rider nang walang kontrol.
“Hindi ito usapin ng kompetisyon ito ay usapin ng tiwala ng publiko. Kung hindi natin ipapatupad ang mga alituntunin, ang publiko ang magdurusa. Buong-buo ang suporta namin sa LTO sa kanilang pagsisikap na tiyakin na ang mga rider na may sapat na kwalipikasyon at maayos na sinanay lamang ang pinapayagang mag-operate sa kalsada,” dagdag niya.
Ang pulong ay nagpatibay ng mas matibay na ugnayan sa pagitan ng mga regulator at mga lehitimong MC taxi operators upang magtulungan sa pagsigurong isang ligtas, legal, at inklusibong motorcycle taxi ecosystem na nakabatay sa mahigpit na pamantayan ng kaligtasan at tunay na pananagutan. (PAUL JOHN REYES)

P1K dagdag honoraria sa teachers na nagsilbi sa eleksyon

Posted on: May 21st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Budget and Management (DBM) ang pagbibigay ng karagdagang P1,000 bilang honoraria sa mga teachers at iba pang poll workers na nagserbisyo sa 2025 midterm elections.
“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., dinagdagan pa ng Department of Budget and Management ng isang libong piso ang election honorarium ng mga guro at poll workers,” ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro.
Ang P1,000 ay karagdagan sa naunang P2,000 across the board increase allowance na una na rin ipinag-utos ng Pangulo.
Dahil dito, ang bagong honoraria rates para sa mga miyembro ng Electoral Board ay P13,000 sa chairperson, P12,000 sa poll clerk, P12,000 sa third member, at P9,000 sa support staff.
Habang ang bagong rates para sa volunteer staff members mula sa DepEd ay: supervisors, P12,000; supervisors’ admin support staff, P9,000; at supervisors’ tech support staff, P10,000.
Aabot sa 760,000 poll workers nationwide ang nagbigay ng kanilang serbisyo noong May 12 elections.
Pinuri naman ng Malakanyang ang poll workers na nagtrabaho hanggang madaling araw matapos ang eleksyon para masigurong maayos ang ­proseso ng halalan at masiguro na mabibilang ang mga boto ng tama.
“Saludo po kami sa inyong dedikasyon,” ayon pa kay Castro.