AABOT sa halos 70,000 pelikula, telebisyon at publicity materials ang nabigyan ng angkop na klasipikasyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) mula Enero hanggang Marso 2025.
Mas malaki ito kumpara sa 59,095 na materyal na binigyan ng angkop na klasipikasyon ng Ahensya sa parehong panahon noong 2024.
Batay sa datos, ang 68,953 ay mula sa TV programs, plugs at trailers; 159 ay mga pelikula (lokal, independent at internasyonal), habang 118 naman ang trailers. Nirebyu din ng Board ang aabot sa 413 na publicity at optical media materials.
Sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa mga alituntunin at proseso ng pagrerebyu, ang MTRCB, sa pangunguna ni Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio, ay nananatili ang dedikasyon na maisulong ang responsableng panonood.
“Parte ito ng pagsisikap ng Board ma matiyak na ang lahat ng pelikula at programa sa telebisyon ay mabibigyan ng angkop na klasipikasyon batay sa Presidential Decree (PD) No. 1986, ang batas na basehan sa pagrerebyu ng mga materyal,” sabi ni Sotto-Antonio.
“Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa dedikasyon ng 31 Board Members para masiguro na ang lahat ng materyal ang may angkop na klasipikasyon,” dagdag niya.
Sa patuloy na paglago ng media sa bansa, patuloy din ang pagpapa-igting ng MTRCB sa kampanya nito tungo sa “Responsableng Panonood” sa pamamagitan ng pagsasagawa ng konsultasyon sa mga stakeholders, aktibidad at iba’t ibang inisyatiba.
“Atin pong tinitiyak na ang Board ay mananatiling dedikado sa pagtitiyak na ang bawat pamilyang Pilipino ay ligtas mula sa mapanganib na palabas at magkaroon ng komportableng panonood,” sabi ni Sotto-Antonio
Idiniin din niya ang prayoridad ng MTRCB na protektahan ang kabataang Pilipino mula sa mapanganib na content na posibleng makaapekto sa kanilang pag-iisip. (ROHN ROMULO)